Pulang saludo sa Artista ng Bayan, Prof. Leonilo (Neil) Doloricon

Kaming mga rebolusyonaryong artistang pintor, dibuhista, eskultor, manunulat, kompositor, mang-aawit, mananayaw, makata, mandudula, artista at direktor sa pelikula at entablado, mga digital artist at iba pang manggagawa sa larangan ng kultura na bumubuo ng Artista at Manunulat para sa Sambayanan (Armas) ay taas-kamaong nagpupugay kay Prof. Leonilo (Neil) Doloricon, dating Dekano ng College of Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas, na pumanaw noong Hulyo 16 sa edad na 63. Hindiniya matatawaran ni masusukat ang napakalaking ambag ni Prof. Doloricon sa pagsulong ng makabayan, makamasa at siyentipikong kultura at sining na naglilingkod sa sambayanang Pilipino sa nagdaang apat na dekada.

Bilang artista sa sining biswal, tuloy-tuloy at walang patid sa paglikha ng obra si Prof. Doloricon para sa uring manggagawa, uring magsasaka, at mga inaaping saray at sektor ng ating lipunan. Malinaw ang sinasandigan, paninindigan at pinapanigan ng kanyang mga likhang sining. Gayundin, walang bahid ng kompromiso o pagtitimpla ang kanyang pagsasalarawan sa mga naghaharing uri at kaaway ng sambayanang Pilipino—ang imperyalismong US, ang malalaking burgesyang komprador, panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista.

Noong 1981, si Prof. Doloricon ay nakatuwang ng Espesyal na Komite sa Kultura ng Komite sa Edukasyon at Propaganda sa paglathala ng “Lipunan at Rebolusyong Pilipino: Isinalarawan” (inilimbag noong 1983). Sa pagbuo ng libro, ibinigay niya ang kanyang buong husay at tinupad ang kanyang mga tungkulin kaakibat ng ibang mga nakasama niya sa kolektibong gawain at proseso sa pagbuo ng libro. Ang librong ito ay nagsalarawan ng librong Lipunan at Rebolusyong Pilipino ni Amado Guerrero upang tulungan ang masang mababa ang literasi sa pag-aaral at pag-unawa sa teorya at praktika ng rebolusyong Pilipino. Paglipas ng halos 40 taon, ang librong ito ay nananatiling popular na babasahin para sa pangmasang pampulitikang edukasyon.

Malinaw na malinaw ang kanyang maka-uring pagkiling at pagmamahal para sa proletaryado at masang anakpawis na inaapi at pinagsasamantalahan. Ipinamalas niya ito sa lahat ng kanyang obra. Kabilang sa pinakatampok na obra ni Prof. Doloricon na nagpapakita ng kanyang paninindigan para sa bayan at inaaping masa ang sumusunod:

• Mga Biktima ng Lipunan (1981)
• Paghihikahos (1981)
• Huling Balita (1981)
• Wanted: Dead or Alive (1981)
• Hinagpis (1983)
• Itaas Ang Sahod (1983)
• Reagan (1984)
• March of the Working Class (1988)
• Agrarian Revolution (1989)
• Hunger For Land (1989)
• Galit ng Masa (1990)
• US Bases: Gahasa sa Soberenya (1990)
• Tutubing Bakal (1991)
• Spoils Belong To The Victors (1995)
• Continuing Revolution (1998)
• The Goose That Lays the Golden Eggs (2009)
• Morong 43 (2010)
• American Diplomacy (2010)
• Kalbaryo Ng Mga Manggawang Bukid (2010)
• Nang Binaboy ng mga Baboy ang Bayan (2013)
• Hacienda (2013)
• Warlords (2013)
• Paglamon sa Kanayunan (2013)
• Forces of Production (2013)
• Tutubing Bakal (2013)
• Globalisasyon (2014)
• Alipin ng Gutom (2014)
• Mga Martir (2015)
• Lumad (2015)
• Patay Gutom (2015)
• Lakbayan (2015)

at marami pang iba.

Maging ang daan-daang iginuhit na editorial cartoons ni Prof. Doloricon simula 1986 na inilathala sa iba’t ibang pahayagan at sa internet ay matapang at mabangis na naglantad sa kabulukan ng reaksyunaryong sistema. Ang kanyang mga drowing para sa “Course for Genuine Trade Unionism” ng kilusang manggagawa noong dekada 1980 ay patuloy na nakatutulong sa pagmulat sa libu-libong manggawa sa buong kapuluan hanggang sa kasalukuyan. Sa lahat ng kanyang obra, tinalakay niya ang samu’t saring isyung panlipunan na layong magmulat at magpakilos sa mamamayan.

Ang paglikha ni Prof. Doloricon ng mga obrang malinaw na nakasandig at nagsisilbi sa masa ay nahubog sa panahon ng matinding paniniil, kahirapan at pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa ilalim ng batas militar ng diktadurang Marcos. Hindi siya nagkasya sa pag-aaral ng lipunan mula sa loob ng paaralan at pag-obserba sa mga kaganapan sa kanyang mundong ginagalawan o nababasa sa dyaryo.

Aktibong nakipamuhay si Prof. Doloricon sa masa at lumahok sa kanilang mga pakikibaka. Doon nakita niya ang katotohanan ng kanilang pagdarahop, kahirapan at pagsasamantala. Sa piling ng masa, tumimo sa kanya ang kawastuhan ng pakikibaka para sa paglaya ng bayan at lahat ng inaaping uri. Ang kanyang karanasan sa pakikisalamuha sa batayang masa ay kanyang isinalarawan sa kanyang obrang pinamagatang “Integration With The Masses” na kanyang nilikha noong 1987. Ang kanyang tuluy-tuloy na pakikisalamuha sa masa ang naging balon ng mga imahe para sa kanyang mga obra.

Niyakap niya ang estilo ng pagguhit ng mga kartuns at komiks na mas popular sa masa upang maabot sila, mamulat at mapakilos. Sa kabilang banda, bilang gradweyt ng College of Fine Arts ng UP, sinuong din ni Prof. Doloricon ang iba pang porma ng sining biswal—–pagpinta, print-making (pag-ukit sa kahoy o goma para sa pag-imprenta sa papel), mixed-media (halo-halong gamit), digital art—para naman maaabot ang iba pang seksyon at saray ng lipunang Pilipino: ang peti-burgesya, ang mga estudyante at mga intelektwal. At saan man maipakikita o mailalathala ang kanyang mga likha—sa mga magasin, dyaryo, polyeto, brochure, babasahing pang-edukasyon, museo at galeriya, maging sa social media–malinaw ang makamasa, makabayan, militante at rebolusyonaryong mensahe ng mga ito.

Kahanga-hanga rin ang tapang ng kanyang mga obra sa kabila ng pandarahas ng estado sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Maingay na nangangalampag at humihiyaw ang kanyang mga obra laban sa mga atake sa karapatang pantao at pasismo ng rehimeng Duterte. Walang patid ang paglikha ni Prof. Doloricon. Tuloy-tuloy ang pagbatikos. Tuloy-tuloy ang pagmulat at panawagang kumilos at patalsikin ang kasalukuyang rehimen.

Malinaw kay Prof. Doriconang layunin ng kanyang paglikha. Bilang manggagawang pangkultura, sapol niya ang diwa at esensya ng pagkakaisa ng pulitika at sining, ng anyo at nilalaman (o form and content) sa kanyang mga obra. Isinapraktika niya ang panawagan ni Mao Zedong noong 1942 sa kanyang “Talks at the Yenan Forum”: “Ang hinihingi natin ay ang pagkakaisa ng pulitika at sining, ang pagkakaisa ng laman at anyo, ng pagkakaisa ng rebolusyonaryong pampulitikang mensahe at ang pinakamataas na posibleng kalubusan ng anyong sining.”1

Sapol ni Prof. Doloricon ang aral at diwa ng “Lipunan at Rebolusyong Pilipino.” Sa kanyang mahigit na 40 taong paglikha ng sining para sa masa, matalas na naisasalarawan niya ang tatlong saligang suliranin ng lipunang Pilipino at matapang at matalas na iginuhit na walang pag-aalinlangan ang sagot sa kahirapan ng lipunang Pilipino: ang armadong pakikibaka at demokratikong rebolusyong bayan.

Para sa mahigit apat na dekadang sining para sa masa, pulang saludo at taas-kamaong pagpupugay, Prof. Neil Doloricon: huwarang artista, tunay na manggawang pangkultura, dakilang Artista ng Bayan.

 

1 What we demand is the unity of politics and art, the unity of content and form, the unity of revolutionary political content and the highest possible perfection of artistic form.

Pulang saludo sa Artista ng Bayan, Prof. Leonilo (Neil) Doloricon