Pagpupugay sa 55 taon ng PKP, 55 taon ng magiting na pamumuno sa rebolusyong Pilipino!
Taas-kamaong nagpupugay ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa ng Timog Katagalugan sa Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo) sa okasyon ng ika-55 taong anibersaryo ng natatanging partido ng proletaryado sa bansa. Walang takot at matatag nitong pinamumunuan ang bagong tipong pambansa-demokratikong rebolusyon na isinusulong ng mamamayang Pilipino upang ibagsak ang mga salot sa bayan na imperyalismo, pyudalismo, burukrata kapitalismo. Ito ang nag-iisang pampulitikang partido sa bansa na tunay na nag-aadhika ng pambansang kalayaan at nagsusulong ng demokratikong interes ng bayan.
Nagpupugay rin ang NDFP-ST sa lahat ng mga namartir na kadre at kasapi ng PKP na naglaan ng kanilang kaisa-isang buhay para sa dakilang adhikain ng rebolusyon. Tampok at kabilang sa kanila si Jose Ma. Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Partido, ang mga pambansang lider na sina Benito at Wilma Tiamzon na brutal na pinaslang ng pasistang AFP noong 2022, at si Dionisio Micabalo, kagawad ng Komite Sentral at Kalihim ng North Central Mindanao Region na nasawi sa isang labanan ngayong taon. Dinadakila rin si Josephine “Ka Sandy” Mendoza, kagawad ng Komite Sentral at ikalawang pangalawang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan. Si Ka Sandy ay susing pinuno ng mga pakikibakang masa sa kalunsuran at kanayunan mula huling bahagi ng 1990 hanggang sa kanyang pagkamatay dahil sa karamdaman nitong Nobyembre 10.
Pulang saludo rin ang alay ng NDFP-ST sa mga martir ng rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan ngayong 2023: Joseph “Ka Ken” Delos Santos, Dayna Benna “Ka Karen” Glorioso Lagrama, Ricanio “Ka Jenny” Bulalacao at Emmanuel “Ka Angelo” Nazareno ng South-Quezon-Bondoc Peninsula; sina Arc John “Ka Hunter/Ka Baron” Varon, Nancy ” Ka Mamay” Looy Yaw-an, Peter “Tagub/Roche” Rivera, Jethro Isaac “Ka Bundo/Pascual” Ferrer, Kure “Ka MC/NY” Lukmay, Abegail “Ka Laura/Esang” Bartolome at Jovit “Ka Aja” Almoguera ng Mindoro; Isagani “Ka Zuge/Ringgo” Isita, Maria Jetruth “Ka Seven/Orya” Jolongbayan, Alyssa “Ka Ilaya” Lemoncito, Precious Alyssa “Ka Komi” Anacta, Joy “Ka Kyrie” Mercado, at Leonardo “Ka Mendel” Manahan ng Batangas. Gayundin, binibigyan ng espesyal na pagkilala sina Pretty Sheine Anacta at Rose Jane Agda, mga sibilyang biktima ng pananalakay ng AFP-PNP sa NPA Batangas nitong Disyembre 17.
Lahat sila’y magiging inspirasyon ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa pagsusulong ng rebolusyon. Habambuhay nating itanghal ang kanilang huwarang buhay at pakikibaka na laan sa pagpapalaya ng bayan mula sa kaapihan at kahirapan.
Mabigat ang puhunang kinakailangan at ibinigay na ng PKP sa pagsusulong hanggang maihatid sa tagumpay ang rebolusyong Pilipino. Batbat ng kahirapan, sakripisyo at panganib ang pamumuno at paglahok sa rebolusyon dahil sumagipsip na sa bawat himaymay ng lipunang Pilipino ang kabulukan ng malapyudal at malakolonyal na sistema. Malalim ang ugat ng imperyalismong US na 125 taon nang nananalasa sa bansa, samantalang ang katutubong pyudalismong inilatag noong panahon ng kolonyalismong Español ay nagnanaknak hanggang ngayon. Madugo ang laban para sa tunay na kalayaan at demokrasya sapagkat brutal at hayok sa gera ang lokal na naghaharing uri at amo nitong imperyalismo gamit ang mga ahente nilang mga burukrata kapitalista sa papet na estado.
Kasabay nito, nakikihamok ang PKP sa mga reaksyunaryong elementong nais wasakin ang Partido mula sa mga espesyal na ahente sa pakikidigma ng imperyalismong US at idiskaril ang rebolusyong Pilipino sa landas tungong sosyalismo. Inigpawan at patuloy na iniigpawan ng PKP ang mga ito upang wastong idirehe ang mga pwersa ng rebolusyon at abutin ang mas mataas na antas ng pakikidigma.
Sa gabay ng PKP, nagkamit ang rebolusyong Pilipino ng `di mabilang na mga tagumpay na walang kaparis sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino at tuluy-tuloy na sumusulong. Lumawak ang saklaw ng Pulang kapangyarihan sa buong bansa mula sa pinagsimulan nitong makitid na erya. Nakaugat ang PKP sa hanay ng masang magsasaka sa kanayunan at manggagawa sa kalunsuran. Nakatayo ang mga sangay at komite ng Partido sa mga pagawaan, eskwelahan, opisina at komunidad. Nagkaroon din ang mamamayang Pilipino ng sariling armadong pwersa sa pamamagitan ng Bagong Hukbong Bayan. Ikinukumpas ng Partido ang pagkilos ng Bagong Hukbong Bayan upang organisahin sa paglaban ang malawak na masa at bigwasan ang palalong kaaway na nang-aapi sa sambayanan.
Hindi maikakaila ang inabot na lakas ng Partido sa kasalukuyan. Taliwas sa paninira ng mga sagadsaring anti-komunista sa estado ng GRP, nananatiling matatag ang pamunuan ng PKP mula sa pambansa hanggang lokal na antas sa kabila ng pagkamartir ng mga lider at likas na liko’t sikot ng rebolusyon. Katunayan, ang PKP ang gabay sa likod ng puspusang pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang karapatan at kabuhayan. Pinangungunahan din nito ang pag-oorganisa sa mga migranteng Pilipinong mangggawa at pakikipag-ugnayan sa mga mapagkaibigan at anti-imperyalistang pwersa sa ibayong dagat.
Sa harap ng posibilidad ng pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP, mahigpit ang tagubilin ng PKP na tanganan ang mga prinsipyo ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Wastong ginagabayan ng Partido ang mga rebolusyonaryong pwersa na magbantay laban sa mga imbing pakana ng GRP na pasukuin ang kilusan tulad ng ginawa ng mga nakaraang rehimen.
Nagawa ng PKP ang lahat ng ito pangunahin sa sariling pagsisikap habang patuloy na iniipon ang anumang suporta ng anti-imperyalistang kilusan sa daigdig. Pinatunayan ng Partido sa loob ng lima’t kalahating dekadang pag-iral nito na kayang magpalakas mula sa pagiging mahina at magparami mula sa iilan basta’t taglay ang pambihirang rebolusyonaryong determinasyon at optimismo. Sa pagdaan ng panahon, lalong hinahangaan at minamahal ng masang Pilipino ang PKP na kapiling at tanglaw nila sa buhay-at-kamatayang pakikibaka.
Naniniwala ang NDFP-ST na sa pamumuno ng PKP, tiyak ang pagmartsa ng pambansa-demokratikong rebolusyon tungong tagumpay. Hinihimok ang lahat ng mga pambansa demokratikong pwersa na pag-aralan ang mga saligang prinsipyo at kasaysayan ng PKP upang maunawaan kung bakit mahalagang itaguyod ang pamumuno nito sa rebolusyong Pilipino. Ilunsad ang malawak na kampanyang pampulitikang edukasyon sa hanay ng mamamayan gamit ang mga sulatin ni Jose Ma. Sison bilang pangunahing sanggunian.
Dapat ding ipagtanggol ang PKP mula sa mga paninira at panlalason sa isip na ikinakalat ng mga kaaway sa uri at imperyalismong US. Puksain ang multo ng anti-komunismo na ipinantatabing sa terorismong inihahasik ng mga gahaman at taksil sa bayan.
Ang proletaryong diwa ng walang pag-iimbot na pag-aalay ng sarili para sa pagpapalaya ng inaapi’t pinagsasamantalahang uri ang susi at siyang kinakailangan upang itimon ang lahat ng demokratikong pwersa sa bansa sa landas ng rebolusyon. Binibigkis ng mga proletaryo ang lahat ng aping uri’t sektor at itinataas ang kanilang pampulitikang kamulatan hanggang mabuo ang dambuhalang pwersang kinakailangan para sa radikal na transpormasyon ng lipunan. Sa pangunguna ng PKP, mararating ng sambayanang Pilipino ang tunay na malaya, demokratiko at maunlad na bayan.###