Pahayag

Pagpupugay sa Magiting na Pakikipaglaban at Opensiba ng NAAC-NPA Rizal

Binabati ng National Democratic Front of the Philippines-Rizal (NDFP) ang mga pulang mandirigma at kumander ng Narciso Antazo Aramil Command-NPA-Rizal (NAAC) sa magiting na pakikipaglaban sa mga pasistang tropa ng 80th IBPA at PNP sa magkasunod na labanan noong Pebrero 16 at 17 sa Anitpolo City.

Aktibong nakapagdepensa at nakapanlaban ang pulang hukbo sa nag-ooperasyong mga militar noong Pebrero 16 sa Mt. Masalo, Barangay Calawis nang walang ni isan mang napinsala.

Upang ipagtanggol ang mga mamamayan na matagal nang piniperwisyo ng focused military operations ng 80th IB mula nang konstruksyon ng Wawa-Violago Dam ay matagumpay na naglunsad ng taktikal na opensiba (TO) ang NAAC kinabukasan, Pebrero 17 sa Sityo Tayabasan, Brgy. San Jose kungsaan isang sundalo ang napatay at dalawa ang sugatan.

Kahiya-hiya ang di pag-ako ng punong hepe ng 202nd IB na si Brig. Gen. Ronald Jess Alcudia at ng pinuno ng 80th IB na si Lt. Col. Mark Anthony Ruby sa napaslang nilang kabaro at pagsisinungaling na walang kaswalti sa kanilang panig. Sa isang panayam, sa sariling radio program ng AFP, pauli-ulit na itinanggi ni Alcudia na walang kaswalti sa kanilang panig subalit sa bandang dulo ay umamin din ito na may dalawang sundalong sugatan.

Ayon sa ulat ng NAAC-NPA-Rizal siguradong isang sundalo ang patay sa unang hudyat ng kanilang putok. Wala rin napinsala o sugatan sa panig ng pulang hukbo taliwas sa pahayag ni Alcudia na maraming sugatan sa NPA dahilan sa mga bahid ng dugong naiwan.

Nagkakandarapa ngayon ang 80th IB at 202nd Infantry Brigade na pagtakpan ang kanilang pagkabigo at ang kanilang mga paglabag sa karapatang pantao sa mga katutubong Dumagat at mga magsasaka na pinapalayas para sa proyektong Wawa-Violago Dam sa Brgy. Calawis.

Magkakasunod ang isinasagawa nilang pagpupulong sa mga katutubo at residente upang takutin na kapag sumuporta sa NPA at hindi makipagtulungan sa kanila ay kakasuhan sila ng Anti-Terrorism Act. Dahilan sa takot, napipiltan silang sundin ang mga utos ng AFP at NTF-ELCAC na magsagawa ng diumanong peace rally.

Huwag sanang gamitin at samantalahin ng AFP at NTF-ELCAC ang ating mga kapatid na katutubo upang isulong ang kanilang pansariling interes na naglilingkod sa mga malalaking negosyanteng burgesya kumprador na pinoprotektahan ng mga nasa gubyernong mga burukrata kapitalista. Hindi peace rally ang kasagutan sa dekadang sakit ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Kung tunay na nais ng kapayapaan ay seryosong ibalik sa lamesa ang usapang pangkapayapaan upang talakayin ang ugat ng armadong tunggalian.

Muli kaming nanawagan sa ating mga kapatid na mga Dumagat at kababayang Rizaleño na huwag magpalinlang sa lason sa isipang ipinapakalat ng AFP, NTF-ELCAC at gubyerno laban sa CPP-NPA-NDFP. Makatarungan ang ating digmang isinusulong na magpapalaya sa ating bayan sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Hindi terorismo ang makipaglaban para sa tunay na kalayaan at demokratikong interes ng inaaping uring magsasaka, manggagawa at mala-proletaryado. Maging ang legal na batas sa pamamagitan ng Manila Regional Trial Court sa isang desisyon nito ay nagsasabing hindi terorista ang CPP-NPA. Hindi tayo dapat matakot lumaban at makibaka. Hangga’t may pang-aapi at ang AFP at ang reaksyunaryong estado ay nagsisilbi sa imperyalista, panginoong maylupa, malaking burgesya kumprador ay magpapatuloy ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay.###

Pagpupugay sa Magiting na Pakikipaglaban at Opensiba ng NAAC-NPA Rizal