Pahayag ng Kaguma kaugnay ng Oslo Joint Statement
“Ang daan patungo sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay mahaba at paliko-liko…ngunit kailangan nating tahakin ang landas na ito para na rin sa kapakanan ng mga mamamayan.”
Ito ang mga paunang salita ni NDFP Consultant Luis Jalandoni pagkatapos lagdaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga upisyal na sugo ng Gubyemo ng Republika ng Pilipinas (GRP) ang Oslo Joint Statement noong ika-23 ng Nobyembre, 2023. Kaya ang buong kasapian ng Kaguma, sampu ng mga progresibong mga samahan ng mga guro, edukador at manggagawa sa edukasyon, ay nagpapahayag ng kagalakan at ganap na suporta sa mahalagang hakbang na ito para ipagpatuloy ang usapang kapayapaan na naudlot dahil sa paglapastangan ng pasistang rehimeng US-Duterte sa naunang pag-uusap.
Matatandaan na ginamit ng pasistang rehimeng US-Duterte ang usapang kapayapaan upang pilit na pasukuin ang rebolusyunaryong kilusan at ganap na pumailalim sa peryahan ng huwad na demokrasya ng rehimeng US-Duterte. Nang hindi natinag ang CPP/NPA/NDF, naglabas ang pasistang Duterte ng mga kautusang naglalayong durugin ang rebolusyunaryong pwersa, pati na ang mga ligal na masang organisasyon. Andiyan ang Memorandum Order 32 (MO32), Proclamations 360 at 374, pati na Executive Order 70 (EO70) na bumuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Gamit ang whole-of-nation approach, ginamit ni Duterte at ng kanyang mga alipores na sundalo at kapulisan ang lahat ng institusyon at ahensya ng pamahalaan, kasama na ang DepEd at CHED, para magpalaganap ng red-tagging, manira ng mga aktibista at magsamsam ng mga rekurso at pinansya ng mga hayag na masang organisasyon. Ginamit din ang Senado at Kongreso para pilit na palitawin ang ginagawang “recruitment” daw ng mga paaralan at mga guro sa mga kabataan para sumapi sa BHB. Sa desperasyon ng pasistang Duterte, niratsada ang pagsasabatas ng Batas Kontra-Terorismo noong 2021. Sa ilalim ng batas na ito nabuo ang Anti-Terrorism Council na ginamit ng mga asong sundalo para paramihin ang mga huwad na surrenderees para makubra ng mga heneral ang pabuya at tumaas ang kanilang mga ranggo. Sumirit din ang dami ng mga aktibistang dinukot, na biktima ng EJK, pinagbantaan, dinalaw sa kanilang mga bahay, at ginawan ng mga huwad na kaso.
Sa hanay ng kaguruan nariyan si Assistant Principal Rosanilla “Lai” Consad na kinasuhan ng multiple attempted homicide sa Butuan City. Nariyan din si Dyan Gumanao ng ACT sa Cebu na dinukot noong ika-10 ng Enero 2023. At ang buong kasapian ng ACT ay tinawag na mga “liars, terrorists and sympathizers of terrorist groups” ng mismong DepEd Secerary at Pangalawang Pangulo ng NTF-ELCAC na si Sara Duterte sa araw pa man din ng mga guro. Kahit ang CONTEND-UP Diliman ay sinasama sa mga Powerpoint Presentations ng NICA kung saan pinaparatangan sila na mga terorrista kasama ang ACT. At ngayong araw lamang, ika-29 ng Nobyembre nagkaroon ng pagdinig sa senado si Bato de la Rosa para suriin daw ang recruitment patterns ng mga paaralan dahil dumarami ang mga estudyanteng sumasapi sa BHB.
Mga kasamang Kaguma at mga progresibong guro ng bayan, alam natin na hindi kailan man iligal o krimen ang tumuligsa laban sa pamahalaan. Hindi terorismo ang mag-organisa ng unyon para sa mga guro. Ito ay ating karapatan bilang mga mamamayan. Kung nagtatalakay man tayo ng armadong pakikibaka, ito ay parte ng kalayaang akademiko. Napakamapanganib na idawit ang ating kapwa guro at estudyante sa “terorismo” dahil nagdudulot ito ng pangamba na maaari silang dukutin at patayin anumang oras, o kaya ay tanggalin sa paaralan dahil lang sa paratang na mga tagasuporta sila ng mga “terorista”, o kaya ay mapwersa na manahimik kaysa maging mga kritiko.
Kaya mahalaga ang nilagdaang joint statement ng GRP at NDF. Isa itong kalahating hakbang upang matuldukan ang 54 na taong armadong tuggalian sa ating bayan. Ngunit hindi ito magtatagumpay kung hindi magiging sinsero ang rehimeng US-Marcos. Mangyayari lamang ito kung ibabasura ang mga dekreto ni Duterte: Memorandum Order 32 (MO32), Proclamations 360 at 374, pati na Executive Order 70 (E070). Dapat mabuwag ang NTF-ELCAC na nagsisilbing mabangis na halimaw na sumasagpang sa maraming aktibista at anay na umuukok sa mga demokratikong institusyon ng ating bayan.
Kailangang mapawalang bisa ang pagtuturing sa CPP/NPA/NDF bilang mga teroristang organisasyon. Hindi puwedeng mag-usap ang GRP at CPP/NPA/NDF habang itinuturing na mga “terorista” ang mga kasama sa usapang kapayapaan. Pagpapakita ito ng “bad faith” sa panig ng GRP.
Bukod pa rito, dapat ding palayain ang mga bilanggong pulitikal lalo na ang mga nakakatanda, mga kababaihan at may mga sakit. Ang kapayapaan ay hindi makakamit hanggat may mga nakakulong dahil lamang sa kanilang mga paniniwalang pulitikal. Kaya dapat lang panagutin ang NTF-Elcac sa mga kasamaang hinasik nito sa mga mamamayan.
Kaya hinihikayat ng Kaguma ang aming mga kapwa guro, mga edukador, mga kabataan at mga progresibong manggagawa sa edukasyon na magkaisa tayo at magpalawak ng hanay upang suportahan ang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan. Halina at magdaos ng mga forum, symposium, panayam sa ating mga paaralan upang maipaliwanag sa mas malawak na hanay ng mamamayan ang usapang kapayapaan. Ipaalam natin sa ating mamamayan na hindi makakamit ang tunay na kapayapaan kung hindi matutugunan ang mga ugat ng tunggalian. Sumama tayo sa mga pagkilos, sa mga pagpupulong at ating pag-usapan sa klase ang ugat ng armadong tunggalian sa ating lipunan. Gumawa tayo ng mga exhibits at mag-imbita ng mga taong simbahan, mga peace advocates, mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao para magsalita sa ating mga klase, webinars, at pagpupulong. Itambol natin bilang mga guro na hindi militarisasyon at pasismo ang sagot sa kahirapan. “Ang daan patungo sa isang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ay mahaba at paliko-liko…ngunit kailangan nating tahakin ang landas na ito para na rin sa kapakanan ng mga mamamayan.”
Ituloy ang usapang kapayapaan!
Ipaglaban ang pangmatagalang kapayapaang nakabatay sa katarungang panlipunan!