Pahayag

Pahayag ng LUMABAN-Balangay AGREB hinggil sa ika-limang State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr

, ,

Bago pa man ang SONA ni Marcos Jr ay alam na ng mamamayang Pilipino na hindi mapapakinggan rito ang tunay na kalagayan ng bayan. Alam na ng mamamayan na hindi aaminin ng rehimeng Marcos Jr ang kaniyang mga kapalpakan. Hindi aaminin ng rehimeng ito na ang mamamayang Pilipino ay naghihikahos, ninanakawan, nagugutom, nauuhawa, at pinapasista. Itatanggi ng rehimeng Marcos Jr. na walang tunay na kaunlaran sa bansa, at siya ay isang papet na rehimen ng imperyalismong US at kampeon ng mga naghaharing uring malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. At lalong pagtatakpan nito na walang totoong hustisya, kalayaan at paggalang sa karapatang pantao sa bayang ipinagmamalaki niya bilang isang republika ngunit nagpapanggap lamang na may demokrasya.

Ang SONA ng rehimeng ito at ng mga nagdaang rehimen ay isang maskara lamang upang itago ang tunay na kalagayan ng bansa. Sa deka-dekadang lumipas ay ipinakita lamang sa mamamayan ng lahat ng mga ito kung paano nagiging isang instrumento ng panlilinlang ang SONA. Ang SONA ay isang magarbong kaganapan na malayo sa realidad na kinakaharap ng kariniwang Pilipino sa araw-araw. Isang aktibidad ng mga papet na burukrata kapitalista kung saan nirarampa nila ang kanilang nagbobonggahang mga damit at alahas na ni kailanman ay hindi makakayang bilhin ng pangkaraniwang manggagawa at magsasaka, pambayad ang buong buhay niyang kikitain. Isang kaganapang nagbibida-bida ang rehimen hinggil sa mga nagawa’t tagumpay na sa totoo ay pahirap, salot, perwisyo at peste sa mamamayan.

Ibibida ni Marcos ang pagpapanggap na kontra-korapsyon at prosekusyon umano ng mga korap. Ibibida niya ang pagkapanalo raw ng bayan dahil tayo ang napili bilang host ng Pax Silica na siya raw mag-aangat sa atin sa global stage, na ito raw ay para sa ikauunlad ng mamamayan at bayan. Ngunit ano ba ang katotohanan? Ang totoo ay walang malaya at totoong imbestigasyon hinggil sa korapsyon. Ang nangyari noong mga nakaraang mga araw at buwan ay pagpapanggap at pagtatago ng korapsyon ng rehimen at mga alyado nito. Ang totoo ay hindi para sa mamamayan at bayan ang Pax Silica, ito ay para sa panggegera ng imperyalismong US, at ang paglalagay nito sa ating bayan ay maaaring magdulot ng panggagahasa sa ating kalikasan, kagutuman at kawalan ng tubig, at pagpapalayas sa mga magsasaka at katutubong mamamayan. Ito ay ilan lamang sa mga katotohanang itatago ng SONA dahil ipapakita ng mga katotohanang ito kung gaano ka-papet ang rehimen.

Ang mamamayan ay hindi umaasa na ang mapapakinggan nila sa SONA ay ang tunay na lagay ng bayan dahil alam ng api at pinagsasamantalang mamamayan na hindi kailanman lalabas sa bibig ng isang anak ng diktador, na buong buhay nagpakasasa sa nakaw na yaman, ang tunay na kalagayan ng ating bansa. Alam ng mamamayang nagugutom at nauuhaw na walang aasahang pag-asa na magkakaroon ng isang kinabukasang maganda sa ilalim ng papet na rehimen na kontra mismo sa pagkakaroon ng isang lipunan na may libreng batayang serbisyong panlipunan, nasa kontrol ng mga magsasaka ang lupa, at nakukuha ng mga manggagawa ang nakabubuhay na sahod. Alam ng pinagkaitang mamamayan na ang pag-asa para sa isang kinabukasang maganda, at lipunang malaya at mapagpalaya ay nasa kamay nating mga mamamayan na handang lumaban, makibaka, at magrebolusyon.

Alam ng inaaliping mamamayan na ang lipunang malaya at mapagpalaya, ang kinabukasang matiwasay na para sa bawat mamamayan ay hindi kailanman iluluwal ng mga pangako at kunwaring nagawa ng papet na rehimeng nagsisilbi sa mga naghaharing uri at mga dayuhang bayan; na ang mag-luluwal lamang ng lipunang malaya at mapagpalaya, na siyang gagawa ng magandang kinabukasan para sa pangakaraniwang mamamayan ay ang demokratikong rebolusyong bayan at pagsusulong ng matagalang digmang bayan. Ang bawat SONA ng papet na pangulong nahalal sa mapagpanggap nating demokrasya ay isang paalala sa bawat mamamayang Pilipino na ang ating magandang kinabukasang pinapangarap ay hindi papandayin ng kahit sinong papet na burukrata kapitalista. Ang ating pinapapangarap na kinabukasan ay papandayin lamang ng ating patuloy na pakikibaka.

Makibaka huwag matakot!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan at Matagalang Digmang Bayan!
Tuluy-tuloy ang laban, hanggang sa Pambansang Demokrasya at Kalayaan!

Pahayag ng LUMABAN-Balangay AGREB hinggil sa ika-limang State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr