Kababaihang magbubukid, ibagsak ang papet na rehimeng US-Marcos at labanan ang imperyalistang pandarambong sa mga sakahan!
Sa ika-limang State of the Nation Address ng rehimeng US-Marcos, nanawagan ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan – Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – National Democratic Front of the Philippines (MAKIBAKA-PKM-NDFP) sa lahat ng kababaihang magbubukid sa bansa na konsolidahin at palawakin ang kilusang masang magpapabagsak rito at aktibong lumahok sa mga anti-pyudal, anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayan. Kagyat ding dapat labanan ang mga pakana ng papet na rehimen na pagsusulong ng pandarambong ng malalawak na sakahan at kalupaan ng imperyalismong US, mga dayuhang monopolyo at mga kakutsaba nitong malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa. Ipagtanggol rin ang karapatan at mga pusisyon sa mga sakahan sa pamamagitan ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka.
Kinamumuhian ng malawak na mamamayan ang papet na rehimen bunsod ng kontra-magsasaka at kontra-mamamayang paghahari nito. Wala itong ipinatupad sa mga nakaraang taon kundi mga dikta ng imperyalismong US at pagtatanggol sa mga interes ng naghaharing uri, habang sinagasaan ang karapatan sa lupa, kabuhayan at kalayaan ng mga kababaihang magbubukid at masang anakpawis sa kanayunan.
Walang tunay na repormang agraryo, batbat na krisis sa agrikultura, baha ng imported na produkto at mataas na presyo ng pagkain bunsod ng liberalisasyon, papataas na gastos sa pagsasaka at pamumuhay bunsod ng deregulasyon, walang tubig na pang-irigasyon dahil sa pribatisasyon ng mga dam na nagsusuplay rito – kronikong krisis para sa kababaihang magbubukid at masang anakpawis ang depinisyon ng paghahari ng papet na rehimeng US-Marcos.
Mismong mga patakaran ni Marcos ang lumilikha ng pagsasamantala at pang-aapi sa mga kababaihan at kabataang magbubukid, at pamilyang magsasaka. Tinutulak nito ang child labor, mababang sahod sa mga kababaihan, kulturang patriyarkal at diskriminasyon sa kababaihan, maging sa iba pang sektor.
Dahil lumalaban ang mga kababaihang magbubukid at mamamayan, desperado ang rehimen sa mga pasistang atake nito dahil hindi na tumatalab ang mga pakanang gimik nito, black propaganda at malawakang panlilinlang. Kriminal ang papet na rehimeng US-Marcos at walang kinikilalang karapatang pantao, sosyo-ekonomiko at kultural, dahil ipinapatupad lamang nito ang mga mismong dikta ng imperyalismong US. Tumatayong warden lamang ang rehimen sa bilangguang mala-pyudal at mala-kolonyal, na pinipiga ang mga surplas na halaga at produkto ng mga inaaliping manggagawa, magsasaka, kababaihang magbubukid at mamamayan.
Hungkag ang rehimen sa mga pakanang New Agrarian Emancipation Act, SPLIT na dikta ng World Bank, at kawalang bagong batas sa repormang agraryo. Ito ay lantarang pag-abandona sa adyendang repormang agraryo at pagkulong sa malawak na magsasaka sa kawalang lupa. Dahil sa lantarang papet ng imperyalismong US, isinusuko nito ang milyun-milyong ektaryang lupain para sa mga renewable energy projects ng mga dayuhang monopolyo, EDCA site at Pax Silica ng imperyalismong US.
Huwaran rin ang papet na rehimen sa paglikha ng kronikong krisis sa pagtataguyod nito ng mga patakarang neoliberal. Bagsak ang kabuhayan ng mamamayan dahil sa mga oil price shocks, pagtaas ng singil sa kuryente at tubig, pagtaas ng mga presyo ng bilihin, at iba pa. Sa gitna ng krisis na dulot ng gerang agresyon ng US sa Iran, pinanatili nito ang todong pagsasamantala sa sambayanang Pilipino, tulad ng diktang deregulasyon, pribatisasyon at liberalisasyon, VAT ng imperyalismong US.
Batid ng mga rebolusyonaryong kababaihang magbubukid na ang demokratikong rebolusyong bayan lamang ang solusyon sa krisis ng mala-pyudal at mala-kolonyal na lipunan. Pangunahin rito na dapat ibagsak ang papet na rehimeng Marcos ng imperyalismong US. Ang kongkretong pagtatanggol sa karapatan at pusisyon sa lupa laban sa imperyalistang pandarambong ay ang armadong pakikibaka at rebolusyong agraryo. Ang tunay na kalayaan at pambansang soberanya ng sambayanang Pilipino ay sinasalamin ng mga binhi ng mga demokratikong gubyernong bayan sa lokalidad.
Panawagan ng MAKIBAKA-PKM-NDFP sa malawak na kakabaihang magbubukid, masang anakpawis sa kanayunan, mga kabataan at iba pang sektor na magkapit-bisig para palakasin at palawakin ang mapagpalayang kilusang masa laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Walang ibang iaalok sa mamamayan ang lipunang mala-pyudal at mala-kolonyal kundi pang-aalipin, pang-aapi at pagsasamantala, kung kaya dapat makibaka at lumaya rito.
Ang sigaw ng kababaihang magbubukid kontra sa SONA ng papet na rehimeng US-Marcos,
Ibagsak ang papet na rehimeng US-Marcos!
Labanan ang imperyalistang pandarambong sa mga sakahan sa bansa!
Makibaka para sa karapatan ng kababaihang anakpawis!
Tanganin ang Armadong Pakikibaka, Isulong ang Rebolusyong Agraryo!
Demokratikong Rebolusyong Bayan, Isulong!