Pahayag

Palayain sina Cumpio at Domequil! Ipagtanggol ang mga tagapagtanggol ng mamamayan!

,

Mahigpit na kinukundena ng panrehiyong balangay ng Kabataang Makabayan (KM) sa Eastern Visayas ang nagpapatuloy na pagbibilanggo ng pasistang rehimeng US-Marcos sa mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, taong-simbahan na si Marielle Domequil at tagapagtanggol ng karapatang pantao na si Alexander Abinguna. Isang malaking pagyurak sa hustisya ang halos anim na taon nilang pagkakabilanggo batay sa gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms and explosives. Karagdagang dagok sa kanilang paglaya ang hatol na “guilty” ng Regional Trial Court Branch 45 sa kasong financing terrorism laban kina Domequil at Cumpio, na batay lang din sa mga hungkag na testimonya ng mga ahente militar at ng National Task Force-Elcac.

Walang tunay na demokrasya o kalayaan sa ilalim ni Marcos. Ginagamit nito ang mga batas para gipitin at parusahan ang mga tulad nina Cumpio at Domequil — mga ordinaryong kabataan na nagtatanggol at naggigiit sa karapatan ng mahihirap sa pamamagitan ng kritikal na peryodismo, aktibismo, at pag-oorganisa. Matapos ang pagbibilanggo sa Tacloban 5, hindi tumigil ang pasistang estado sa pagpapatahimik sa mga organisadong kabataan at estudyante sa Eastern Visayas. Patuloy na sinusupil ng rehimeng Marcos ang kanilang matapang na paglalantad sa kolonyal, komersyalisado at bulok na sistema ng edukasyon, paglalantad sa pasistang terorismo ng estado laluna sa kanayunan, at pakikiisa sa malawak na pakikibaka ng mamamayan para sa pambansang demokrasya.

Kapuri-puri ang tatag at tapang na ipinamalas nina Cumpio at Domequil sa higit kalahating dekada nilang di-makatarungang pagkakabilanggo. Ipinagmamalaki at tinitingala namin sila bilang kapwa nila kabataang nakikibaka para sa mas makatarungang kinabukasan ng aming Inang Bayan. Habang nakadetine, imbis na sumuko at ipagkanulo ang masa, minulat at tinulungan nila ang mga kapwa nilang bilanggo. Napakalayo nila sa mga dating lider-kabataan na nang madakip ng kaaway ay pinagtaksilan ang mamamayan at nagsisilbi pa ngayon bilang mga ahente militar at loro ng NTF-Elcac.

Nangangarap nang gising si Marcos at NTF-Elcac kung iniisip nilang ang hatol kina Cumpio at Domequil ay pipigil sa paparami pang kabataan na mulatin at organisahin ang sarili. Lalo kaming nahihikayat na diskubrehin ang tunay na dahilan kung bakit kinukulong at ginigipit ang mga kapwa namin kabataan. Buhay na patunay ang kaso ng Tacloban 5 na sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan at marahas na pagpapabagsak sa naghaharing estado makakamit ng kabataan at mamamayang Pilipino ang tunay na paglaya at demokrasya.

Palayain sina Frenchie Mae Cumpio, Marielle Domequil at Alexander Abinguna! Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!
Hustisya para sa mga biktima ng pasismo ng estado!
Kabataan, paglingkuran ang sambayanan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Palayain sina Cumpio at Domequil! Ipagtanggol ang mga tagapagtanggol ng mamamayan!