Panagutin ang rehimen sa walang habas na pagpaslang sa dalawang aktibista sa Albay
Mariing kinukundena ng Kabataang Makabayan ang pagpaslang ng berdugong PNP sa dalawang aktibista sa Guinobatan, Albay nitong gabi ng Hulyo 25 – isang araw bago ang huling SONA ni Duterte.
Ayon sa upisyal na pahayag at ulat ng Santos Binamera Command, Bagong Hukbong Bayan – Albay (SBC BHB – Albay), ang dalawang biktima ng pagpatay ay sina Jemar Palero at Marlon Naperi – kapwa mga padre de pamilya – na nagsasagawa ng operasyong pinta (OP) sa Brgy. Paulog, Ligao City kasama ang dalawa pang iba nang mataunan ng mga ahente ng pulisya. Hinabol ang dalawa ng mga pulis na sakay ng isang sasakyan at isang motor bago sila nadakip at isinakay.
Gayunpaman, may lakas ng loob ang berdugong PNP na ipakalat ang kasinungalingang ‘nanlaban’ at naunang magpaputok ng baril ang mga aktibista kaya’t napilitan silang dumepensa. Ang naratibong ito ay singluma at singpeke ng islogan ng PNP na paglilingkod sa mamamayang sila mismo ang pumapaslang!
Manipestasyon ng rurok ng pagkabulok ng pasistang rehimeng Duterte ang walang habas na pagpatay sa dalawang aktibistang naglalayon lamang na ipahayag ang kanilang saloobin at hinaing laban sa gubyerno.
Ang modus ng reaksyunaryong estado at armadong pwersa nito na ituring na delikado o nakamamatay na ‘sandata’ ang iilang lata ng pintura at mga panawagan para sa panlipunang pagbabago at pag-unlad ay patunay lang din na hindi kailanman kikilalanin ng naghaharing uri ang karapatan ng masang api na ipaglaban ang kanyang mga karapatan.
Sa lalong paigting ng krisis ay lalo din lamang nasasandal ang rehimeng Duterte at mga kasapakat nito na higit pang higpitan ang kapit nito sa kapangyarihan. Lubha itong alerto sa anumang senyales ng paglakas ng kilusang masa sa takot at pangamba na mangahulugan ito ng tuluyang pagpapatalsik ng pangkating Duterte mula sa estado poder.
At dahil wala itong ibang nalalamang gawin, ang tanging tugon ng reaksyunaryong kapangyarihan sa pagdagundong ng mga boses ng masang nananawagan ng pananagutan ay pagsukli rito ng dagundong ng mga baril, tanke, at bombang magtatangkang patahimikin ang hanay ng taumbayan.
Ang hindi nila nalalaman, ang init ng bawat armas na itinututok nila sa sambayanang nakikibaka – kasabay ng dagitab ng bawat balang kanilang pinapakawalan – ang siyang lalong magpapasiklab sa apoy ng galit ng masang handang ialay maging buhay para sa pagtatagumpay ng digma ng mamamayang Pilipino.
Nakikiramay ang Kabataang Makabayan sa pamilya, mga kamag-anak, kaibigan, at mga kasama nina Jemar at Marlon.
Bagama’t naudlot ang kanilang pagpinta ng mga letra ng pakikibaka, dadalhin ang kanilang alaala ng bawat rebolusyonaryong magpapatuloy at magpupunyagi para sa ganap na pagbagsak hindi lamang ng rehimeng Duterte, kung hindi ng sistemang malapyudal at malakolonyal na nagsasadlak sa masa sa lalong kahirapan habang inaangat ang makapangyarihan sa lalong karangyaan.
Pagbabayarin ng masang Albayano – kasama ng lahat ng kabataan at mamamayan – ang pasistang rehimeng naghatol ng kamatayan sa dalawang aktibistang magiting na nakibaka para sa panlipunang paglaya at demokrasya!
Sa isang lipunan kung saan ang magsalita ay ipinagbabawal at ang dumaing ay tinuturing na isang krimen, malinaw sa laksa-laksang demokratikong kabataan at mamamayan na wala nang ibang landas na patutunguhan ang pakikibaka at pagnanasa sa malayang bukas kung hindi ang landas tungong armadong pakikidigma!
Hustisya para kina Jemar Palero at Marlon Naperi!
Hustisya para sa lahat ng biktima ng pasistang rehimen!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Duterte, wakasan na!