Panagutin ang rehimeng Duterte sa mga atake sa karapatang pantao ngayong Mayo Uno
Kaisa ang Kabataang Makabayan sa malawak na hanay ng masang nagpupuyos sa galit sa serye ng mga walang habas na paglabag ng rehimeng Duterte sa karapatang pantao kasabay at matapos ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa 2021.
Nitong Mayo Uno ay dagsa ang ulat ng mga iligal na panghaharang, tangkang paninindak, pagbabanta, at tahasang pang-aaresto ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa mga kabataan, manggagawa, maralitang lunsod, at iba pang mga grupong patungo sa iba’t ibang pagkilos sa bansa.
Sa Los Baños, Laguna, 10 kabataang mula sa isang pagkilos para sa Mayo Uno ang kinuhaan ng ID at mahigit isang oras na pinigil matapos harangin ng kapulisan dahil sa “hindi pagsusuot ng face shield sa loob ng pampribadong sasakyan.” Gayundin, ilang miyembro ng PAMANTIK-Kilusang Mayo Uno ang pinigil ng pulis mula sa pagdalo sa pagkilos sa Mamatid, Cabuyao.
Sa Lapu-Lapu City, Cebu, 14 na mga manggagawa, maralita, nakatatanda, at kababaihan na patungo sa isang mobilisasyon ang inakusahan ng paglabag sa safety protocols. Inaresto ang mga ito at pwersahang pinagbayad ng ₱500 kada tao at pagtatrabahuin umano dahil sa “paglabag.”
Sa Dasmariñas City, Cavite, sinira ng kapulisan ang mga panawagan ng mga nasa kilos protesta at nagbanta na dadahasin ang kilos protesta kung hindi nito kagyat na tatapusin ang programa.
Kasabay nito, sa Zambales ay 12 na kabataan ang inaresto habang papunta sa Angeles, Pampanga para sa pagkilos. Hanggang ngayon ay nananatili silang naka-detina batay sa mga gawa-gawang kaso ng paglabag sa quarantine protocols.
Isang araw makalipas ang Mayo Uno, higit pang malupit at marahas ang naging pagtatanghal ng rehimeng Duterte sa pasistang lagim nito.
Sa rehiyon ng Bicol, magkasunod na reyd ang ginanap nitong madaling araw kung saan tinaniman ng mga armas at pampasabog at inaresto sa gawa-gawang mga kaso sina Sasah Sta Rosa, tagapagsalita ng Jovenes Anakbayan, at Pastor Dan Balucio, Secretary General ng BAYAN-Bicol.
Gayundin, pinasok ng mga pasistang elemento ng estado ang bahay ni Justine Mesias—isang estudyante at tagapagsalita ng YANAT Bicol—para taniman ng mga ebidensya at tangka itong arestuhin.
Habang sa Brgy. Lawaan, Roxas City, Capiz, marahas na pinaslang si Atty. John Heredia na administrador sa munisipyo ng Pilar, Capiz. Si Heredia ay dating estudyanteng aktibista, alagad ng midya, at Secretary General ng AMBON Panay—isang kultural na grupo.
Ang sunod-sunod na mga atakeng ito sa mga demokratikong mamamayan ay isa lamang bahag-buntot na tugon ng rehimeng Duterte sa patuloy na pagdaluyong ng kilusang masa sa buong bansa. Sa gitna ng lumulubhang krisis pangkalusugan, pampulitika, at pang-ekonomya, wala nang ibang mapagpipilian pa ang masang hikahos kung hindi makibaka para makamit ang mga karapatan at demokratikong interes nito.
Subalit, sa halip na harapin ni Duterte ang panawagan ng mamamayang Pilipino, pinipili nitong paigting ang kanyang pasistang lagim. Tila walang pagkatanda sa kasaysayan, desperado pa ring umaasa ang rehimeng Duterte na sa pamamagitan ng dahas at pasismo ay mapapawi nito ang apoy ng paglaban na deka-dekada at siglo-siglo nang hinulma ng pagsasamantala ng naghaharing uri sa masang api.
Sa harap ng umiigting na paninibasib ng rehimen sa hanay ng mamamayang Pilipino, lalo lamang natitiyak ang pagtatagumpay ng pakikibaka upang pabagsakin ang sistemang naglugmok sa masa sa patuloy na sumisidhing krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal.
Tinatawagan ng Kabataang Makabayan ang lahat ng patriyotikong kabataan na higit pang palakasin ang panawagan para singilin ang rehimeng Duterte at lahat ng pasistang elemento ng estado sa mga sala nito at inutang na dugo sa masa!
Dagundungin ang lansangan at kalampagin ang tarangkahan ng mga numero unong tagapamayagpag ng pasistang lagim ni Duterte! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at ganap na pagbayarin ang mga kriminal at berdugo ng estado!