Pahayag

Panganganyon sa Cagayan: Test fire ng Balikatan 2023, opening salvo ng EDCA

,

 

24 Mayo 2023 | Niyanig ng malalakas na pagsabog ang mga residente ng Sta. Teresita at Buguey matapos magpalawala ng kanyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kasagsagan ng Balikatan 2023 sa prubinsya ng Cagayan, gabi ng Abril 22 at Mayo 3. Taliwas ito sa pahayag ng AFP at mga lokal na burukrata na walang magaganap na live firing habang nagsasanay. Ginawang katwiran ng mga tropa ng AFP at US Armed Forces ang ilang engagement ng New People’s Army (NPA) sa pagitan ng mga tropa ng 501st Infantry Brigade (IBde) upang magpalipad ng mga kanyon na tumarget sa mga komunidad at kabundukan.

Sa loob ng isang linggo, dalawang beses na kinanyon ng AFP ang mga pagitan ng Dungeg at Aridowen sa bayan ng Sta. Teresita, ika-22 ng Abril bandang alas-8 ng gabi matapos itong maghulog ng bomba at mag-istraping mula sa himpapawid gamit ang .50 caliber machine gun. Sinundan ito sa Alucao, Sta. Teresita at Villa Cielo, Buguey noong Mayo 3, pasado alas-11 ng gabi. Tinatayang sa mga natukoy na base ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) nakaposisyon ang artillery—sa Lal-lo International Airport sa bayan ng Lal-lo at sa Camp Camilo Osias Naval Base sa Sta. Ana na gagawing radar station ng US. Sa mga lugar na ito sinanay ng binuong Quick Reaction Force 3rd Littoral Regiment ang mga tropa ng Marine Battalion Landing Team-10 ukol sa aerial surveillance sa pamamagitan ng mga unmanned aircraft system o drone.

Bago pa man pormal na mag-umpisa ang tinaguriang “pinakamalaking Balikatan sa kasaysayan” na nilahukan ng 17,500 kasundaluhan ng bansa, US at Australia, mag-aapat na buwang nananalasa ang mga tropa ng 5th Infantry Division (ID) sa mga bayan ng Northeast Cagayan upang bigyang-daan ang mga instalasyon at base ng EDCA sa lalawigan. Hindi bababa sa 2,000 pinagsama-samang tropa ng Philippine Army, Regional Mobile Force Battalion, Marine Battalion, Special Action Force, Scout Ranger, 52nd Division Reconnaisance Company at CAFGU ang ipinakat sa 15 baryo na sumasaklaw sa limang bayan ng Northeast Cagayan: Lallo, Buguey, Sta. Teresita, Gonzaga at Sta. Ana. Samantala, nananatili pa ring militarisado ang ilang baryo sa mga bayan ng Gattaran at Baggao. Ito ay sa kabila ng walang-kamatayang deklarasyon ng Northern Luzon Command (NoLCom) at 5th ID na wala nang NPA sa Cagayan at sa buong rehiyon ng Cagayan Valley.

Hindi ito ang unang kaso ng terorismo mula sa himpapawid ng pasistang AFP sa Northeast Cagayan at sa buong lalawigan. Matatadaang pitong mga magdirigma ng NPA ang nagbuwis ng buhay nang maghulog ang TOG2-PAF ng 250-librang bomba gamit ang FA-50 fighter jet noong Setyembre 2021 sa Dungeg, Sta. Teresita na sinundan noong Enero at Pebrero 2022 sa Bagsang, Sta. Clara, Gonzaga kung saan may mga nasawing katutubong Agay na nag-uuling sa bundok.

Sa unang hati pa lamang ng taon na ito, nakapagtala na ng anim na insidente ng aerial bombardment sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Asahang sasahol at mas magiging garapal ito sa pagpasok ng mga sundalong Amerikano at pagtatayo ng mga base militar ng EDCA. Lalala ang kaso ng mga paglabag sa internasyunal na makataong batas tulad ng airstrike dahil hindi nito napag-iiba ang mga sibilyan sa mga armado o kombatant. Nagdulot din ito ng mararamihang ebakwasyon at sikolohikal na trauma sa mga residenteng direkta at hindi direktang naapektuhan ng nasabing pambobomba. Sa kasamaang palad, hindi pa rin napananagot ang AFP sa mga krimen na ito.

Sa ilalim ng AFP Modernization Program, ayuda militar ng US ang lahat ng mga ginamit na kagamitan at armas na pandigma sa naturang mga insidente. Sa halip na itutok ang mga ito sa mga mananakop, mga pamayanang sibilyan ang walang pag-aalangang inaatake nito. Mayabang at “matapang” ang AFP sa mga kalaban nitong mahina pa ang lakas-pamutok gayung bahag ang buntot sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa laban sa pagyurak ng US at China.

Marapat lamang na buklurin ang pinakamalawak at pinakamalapad na nagkakaisang prente laban sa pagtatayo ng EDCA base sa rehiyon. Dapat na ilantad at sukdulang kundenahin ang indiscriminate aerial bombing ng NoLCom sa prubinsya kasabay ng malakas na panawagan at militanteng paglaban upang palayasin ang mga militar sa kanayunan, na hindi lamang naghahasik ng teroristang lagim bagkus ay nagsisilbing kasangkapan ng US para sa EDCA at sa gera kontra-mamamayan.

Isulong ang pambansang kalayaan at demokrasya!
Ibasura ang EDCA!
Panagutin ang 5th ID sa mga krimen nito sa mamamayan!
Militar sa kanayunan, palayasin!

Panganganyon sa Cagayan: Test fire ng Balikatan 2023, opening salvo ng EDCA