Panibagong ambus ng NPA, panibagong tagumpay ng mamamayan

Binabati ng Romulo Jallores Command-BHB Bikol ang Santos Binamera Command-BHB Albay sa matagumpay na ambus na isinagawa ng yunit nito sa Brgy. Bagacay, Jovellar, Albay nitong Oktubre 3 laban sa mga elemento ng 49th IBPA. Pito ang patay sa nakasagupang 16-kataong yunit ng naturang batalyon. Apat ang kumpirmadong agarang napatay. Kinabukasan, isa pang kaswalti ang natagpuan habang ang dalawa namang malubhang nasugatan ay namatay din kalaunan. Samantala, ligtas naman ang lahat ng mga Pulang mandirigmang nagsagawa ng naturang aksyon.

Pinuputakti ng kaaway ang Albay. Malawakan at masinsin ang operasyong kombat ng AFP-PNP sa buong prubinsya. Hindi bababa sa 11 kumpanya ng panlabang pwersa ng AFP-PNP ang nakapakat habang mayroon ding 20 detatsment ng CAFGU. Sa Albay din nakabase ang Tactical Operations Group 5 ng Philippine Air Force, ang 4th Naval Station, Naval Task Force 41 – NAVFORSOL ng Philippine Navy at ang sentrong kumand ng PNP Region V. Sa kabila nito, huwaran ang patuloy pa ring pag-ani ng Pulang hukbo ng mga tagumpay sa larangan.

Sa katunayan, ang tatlong taktikal na opensibang isinagawa ng SBC BHB-Albay nitong magkasunod na buwan ng Setyembre at Oktubre kung saan nagtamo ng kabuuhang siyam na patay at maraming sugatan ang kaaway ay naisagawa sa mga bayang militarisado pa rin hanggan sa kasalukuyan.

Patunay ito ng kapasyahan ng BHB na magsilbi sa masang patuloy na inaapi at pinagsasamantalahan sa kabila ng mga balakid at kahirapan. Isa itong ambag sa laban para sa katarungan para sa daang Albayanong biktima ng paglabag sa karapatang tao at ilang daang libo pang biktima ng araw-araw na pasakit ng kahirapan at kagutuman. Hindi nalilimot ng Pulang hukbo ang 20 Albayanong pinaslang ng AFP-PNP mula nitong 2016 hanggang kasalukuyan gayundin ang lahat ng iba pang ginipit, iligal na inaresto, tinortyur at pinaslang sa ilalim ng mga nagdaang rehimen.

Mariing sampal din ito sa berdugong AFP-PNP na walang humpay sa paghahambog na napahina na nito ang rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya at sa buong rehiyon. Dumaan at lumipas na lamang ang mga pasistang administrasyon, nagkandaalabok ang mga tsapa ng mga nagretirong heneral, nangabigo ang mga kontrainsurhensyang oplan, ngunit nananatili at mananatili pa ring matatag ang Pulang hukbo.

Patuloy na nagpapakahusay ang lahat ng mga yunit ng BHB sa Albay at buong rehiyon sa pagpapataas ng kakayahan sa pakikidigmang gerilya at sa paglulunsad ng mga opensibang aksyong humahambalos sa hanay ng berdugong kaaway. Sa mga susunod na panahon, asahan pa ang higit na marami at matataginting na taktikal na opensibang dadagundong sa rehiyon at buong kapuluan. Hindi magpapapigil at hindi magagapi ang BHB. Patuloy itong susulong hanggang ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.

Mabuhay ang tunay na hukbo ng sambayanan! Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Panibagong ambus ng NPA, panibagong tagumpay ng mamamayan