Panlilinlang at panlalason ng 59th IBPA sa mga unibersidad at kolehiyo sa Batangas, tungkuling labanan ng laksa-laksang kabataan at estudyante
Sa desperado nitong panaginip na wakasan ang rebolusyonaryong kilusan at pigilan ang pagkamulat ng mga kabataan, di-mabilang na ulit na tinangkang linlangin ng 59th IBPA, AFP-PNP at NTF-ELCAC ang libu-libong estudyante sa porma ng mga ‘symposium’ sa iba’t-ibang kolehiyo at pamantasan sa lalawigan ng Batangas. Ilan lamang dito ang Batangas State University, TUP Batangas, PUP Sto. Tomas, Cuenca Institute, Cuenca Senior High School, at marami pang iba.
Kasabay ng walang konsensyang pagpapabango nito ng sarili, hindi kailanman inako, o nabanggit man lamang ng sinungaling na 59th Infantry Battalion of the Philippine Army ang kanilang buong responsibilidad sa pagkamatay ng 9-anyos na batang babae na si Kyllene Casao sa Taysan, Batangas, at ni Maximino Digno, isang matandang magsasaka na may kapansanan sa pag-iisip sa bayan ng Calaca. Sa halip, nagpakalat sila ng kasinungalingan na ang NPA ang nakapatay kay Casao, habang armadong NPA naman umano si Digno na ‘napatay sa isang engkwentro.’ Bagamat paulit-ulit na itong pinasinungalingan at binatikos ng mga kaanak, kaibigan at kabarangay ng dalawa, pinaninindigan pa rin ng berdugong kasundaluhan ang mga kasinungalingang ito, sa pamumuno ng pasista at panggap-makamasang kumander nito na si Lt. Col. Ernesto Teneza Jr.
Maging ang murang isipan ng mga mag-aaral ng hayskul ay hindi ligtas sa mga kasinungalingan ng teroristang 59th IBPA. Patuloy nitong nire-redtag at ikinakabit sa terorismo ang mga ligal na samahang masa na nagsusulong ng karapatan sa edukasyon, malayang pag-oorganisa at pamamahayag, at iba pang batayang demokratikong karapatan ng mga kabataan. Salaula nitong binabansagang terorista, tinatakot, o di kaya’y kinakasuhan ang mga kabataang human rights defender gaya ni Hailey Pecayo, tagapagsalita ng Tanggol Batangan na nito lamang Disyembre ay pinawalang-sala sa lahat ng kasong isinampa ng 59th IBPA laban sa kanya. Ayon sa pahayag ni Pecayo, ibinasura rin ng piskalya ang Motion for Reconsideration na isinumite ng nasabing yunit ng kaaway.
Lantarang profiling at panghaharas din ang nararanasan ng kabataang nakikipamuhay at nag-oorganisa sa mga komunidad ng magsasaka, gaya ni Jay Kim Federizo ng Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform o SUGAR Batangas. Tinutunton ng mga sundalo ang kinaroroonan niya at iba pang organisador ng maralita katulad ni Monique Margallo ng Brgy. San Isidro Sur ng Sto.Tomas at malisyoso silang ikinakabit sa tunay na Hukbo ng mga mamamayan—ang NPA.
Maging ang mga labi ng mga namartir na mandirigma at sibilyang kabataan sa Balayan, Batangas noong Disyembre 17, 2023 ay hindi rin iginalang ng kasundaluhan. Natagpuan ang ilang bangkay ng mga babae na nakababa ang saplot. Nanghimasok din ang ilang intelligence asset sa mga burol at libing, matapos pahirapan nang husto ang mga pamilyang kunin ang katawan ng kanilang bayaning mahal sa buhay.
Sa kabila ng mga ito, nananatiling buo ang diwa at paninindigan ng mga rebolusyonaryong kabataan sa probinsya sa kawastuhan ng pagrerebolusyon bilang natatanging solusyon sa higit na lumalalang krisis ng lipunan dulot ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Sa kanayunan, nananatili ang mainit na pagtangkilik at pagtataguyod ng mga kabataang magsasaka sa Bagong Hukbong Bayan sa iba’t-ibang anyo. Patuloy ang pagsanib o pakikipamuhay ng mga kabataang magsasaka na nais maranasan ang buhay sa Hukbo—na kadalasa’y nagdedeklara din bilang pultaym na Pulang mandirigma. Masugid ding lumalahok ang rebolusyonaryong kabataan sa gawaing pampulitika, produksyon, militar, at iba pa.
Maging sa kalunsuran, nagpapatuloy ang taos-pusong pagsuporta ng mga kabataan sa digmang bayan; mula sa suportang materyal at pinansyal, integrasyon, pag-tour of duty at pagsampa sa Hukbo, hanggang sa paglulunsad ng mga operasyong pinta at dikit at mga rebolusyonaryong pag-aaral upang itaas ang kanilang pampulitikang kamulatan at maipalaganap sa malawak na mamamayan ang dakilang landas ng demokratikong rebolusyong bayan.
Hindi palilinlang ang mga kabataan sa mga kasinungalingang kinakalat ng 59th IBPA. Ang pambansang ligalig na dala ng nilulutong inter-imperyalistang gera ng US laban sa China, panghihimasok ng China sa bansa at ang lumalalang krisis sa ekonomya at pulitika sa Pilipinas ay mga kalagayang lalong pumupukaw sa mga makabayan at progresibong kabataan.
Hinahamon ng KM-Batangas ang bawat kabataan at estudyante sa probinsya: patalasin ang kritikal na kaisipan, puspusang pag-aralan ang 55-taon nang digmang bayan sa Pilipinas, at walang humpay na turulin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Kailangan din nating masigasig na ipahayag ang ating mga demokratikong panawagan, gayundin ang disgusto at pagkamuhi sa bulok na kalakaran ng AFP-PNP at isiwalat ito sa malawak na mamamayan sa lahat ng paraan. Sa gayon, mabibigo ang bawat pagtatangka ng reaksyunaryong estado at militar na bansutin ang kaisipan nating mga kabataan, ikulong tayo sa apat na sulok ng paaralan at ihiwalay sa pakikibaka ng mamamayan sa lipunang ating kinabibilangan.
Biguin ang pasistang pag-atake at panlilinlang ng AFP-PNP!
Pag-aralan ang digmang bayan, ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!