Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Louie Jalandoni! Bayani ng sambayanan, tanglaw sa demokratikong rebolusyong bayan hanggang tagumpay!
Pinakamataas na pagpupugay ang ipinapaabot ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) kay Ka Louie Jalandoni. Kailanman ay hindi malilimutan ang mga naiambag ni ka Louie sa pagbubuo at pagpapalakas ng Partido at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Taos-puso ring pakikiramay ang ipinapaabot sa pamilya, mga kasama at kaibigan ni Ka Louie Jalandoni, na kanyang naiwan at nagdadalamhati sa kanyang pagpanaw.
Si Ka Louie ay pumanaw noong Hunyo 7, 2025 habang naka-exile sa The Netherlands. Sa edad na 90, malaking panahon nito ay iniambag sa pagsisilbi sa sambayanang Pilipino. Ito ay testamento ng kanyang hindi matitinag na paninindigan para sa pagsusulong ng tunay na kalayaan, demokrasya at kapayapaang nakabatay sa katarungan sa ating bayan at iba pang aping bayan laban sa imperyalismo. Pinagpupuyagan natin ang buhay na halimbawa ni Ka Louie, matapat na lingkod ng masang inaapi at pinagsasamantalahan, dakilang bayani ng rebolusyong Pilipino!
Inspirasyon natin ang kanyang buhay, na sa panahon ng brutal na paghahari ng Martial Law ni Ferdinand Marcos Sr., ay nagsuyod ng landas ng mga tulad niyang mga taong-simbayan para ibigay ang kanilang lakas at talino para sa paglilingkod sa sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan.
Hindi natin malilimutan ang kanyang mga ambag mula sa mga kilusan ng magsasaka nuon sa kanyang bayan sa Negros, hanggang sa pagtirik ng kauna-unahang welga ng manggagawa na bumasag sa lagim at takot ng diktaturyang Marcos—ang welga ng mga manggagawa ng La Tondena noong 1975 na nagbigay inspirasyon at tapang sa iba manggagawa sa bansa na lumaban. Hanggang sa ngayon ay nagsisilbing aral sa mga rebolusyonaryong manggagawa ang makasaysayang welga na ito.
Sa kanyang paglaya mula sa pagkakakulong noong 1973 ng pasistang diktadurang Marcos Sr., ipinagpatuloy ni Ka Louie ang kanyang rebolusyonaryong mga gawain kabilang ang pagiging bahagi ng NDFP Peace Panel at tagapag-ugnay ng rebolusyonaryong kilusang Pilipino sa iba pang mga mamamayan, dayuhang gobyerno o ahensya, at kilusang anti-imperyalista sa ibayong-dagat ng sumunod na mga taon at dekada.
Kinikilala natin ang hindi mabuburang-ambag ni Ka Louie sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba, sa walang-patid na makabuluhang pagsusulong sa negosasyong kapayapaan katuwang ni Ka Joma Sison at iba pang kasama. Bagaman sekondaryong porma ito ng pakikibaka, itinulak sa usapang pangkapayapaan ang makabuluhang mga kasunduan sa pagitan ng NDFP at gobyerno ng Republika ng Pilipinas tulad ng Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at Comprehesive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER) na kumikilala sa mga panlipunan at ekonomikong ugat ng armadong rebolusyong Pilipino. Kasama dito ang paglatag ng solusyon ng repormang agraryo sa pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala, at paglatag ng pundasyon para tahakin ng bayan ang pambansang industriyalisasyon.
Sa isang lipunang pinaghaharian ng imperyalistang Estados Unidos, sa ilalim ng mala-pyudal at mala-kolonyal na sistema, nananatiling kadusta-dusta ang kalagayan ng manggagawang Pilipino. Ipinatupad at pinananatili ang mga kontra-manggagawang patakaran sa ilalim ng imperyalistang patakaran ng neoliberalismo:
Napakababa ng sahod na ni hindi makasapat sa araw-araw na gastusin dahil sa walang habas na pagtaas ng presyo ng pagkain, tubig, kuryente, edukasyon at iba pang pangunahing serbisyo;
Laksa-laksang manggagawa ang walang-trabaho o kulang sa trabaho na nagsasadlak sa ilampung milyong pamilyang Pilipino sa gutom at pagsasamantala;
Laganap ang kontraktwalisasyon at iba’t ibang iskema ng tanggalan at pleksibilisasyon sa paggawa na siyang sumisira sa seguridad sa trabaho; at Kapabayaan at di-ligtas na lugar-ng-paggawa.
Habang lumalaban tayong mga manggagawa para sa sahod at mga batayang karapatan, ginagamit ng estado ang lahat ng instrumento ng panunupil, paniniktik, pananakot, harassment, red-tagging, at maging ang pagpaslang para pigilan ang pag-oorganisa, pagtatayo ng mga unyon, at kolektibong pagkilos.
Ngunit ang kasalukuyang rehimeng US-Marcos Jr. at naghaharing uri ay patuloy na nalulunoy sa tumitinding krisis pampulitika at pang-ekonomiya. Sa amo nitong imperyalistang US, sunud-sunuran si Marcos Jr. kahit pa palapitin ang digmaang inter-imperyalista sa ating bakod, at gawing lunsaran ng mga “ehersisyong-militar” at base ang buong bansa ng mga tropa at kagamitang-pandigma ng US at iba pa nitong kapanalig na tropa. Ito’y mga hamon sa atin para patuloy na magmulat, magorganisa at magpakilos ng libu-libong manggagawa para sa tunay na pagbabago at katarungan panlipunan.
Tanglaw ang makabuluhang buhay ni Ka Louie at iba pang bayani ng rebolusyong Pilipino, sa patuloy na pakikibaka ng sambayanan kasama ang rebolusyonaryong kilusang manggagawa laban sa paninibasib sa ating bayan ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo sa gitna ng lumalalang pandaigdigang imperyalistang krisis.
Hamon sa ating mga manggagawa, mga kabataang tagapag-mana ng uri, at iba’t ibang demokratikong sektor ng lipunang Pilipino na tahakin ang landas ng marubdob na paglilingkod sa inaapi at pinagsasamantalahan tulad ng isinabuhay ni Ka Louie. Ang diwa ng kanyang buhay na inialay para sa sambayanan, ay hindi magmamaliw na apoy sa sumusulong na pambansa-demokratikong rebolusyon hanggang tagumpay!
Pinakamataas na pagpupugay at pulang saludo, Kasamang Louie Jalandoni!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayang may sosyalistang perpektiba hanggang tagumpay!