Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Reb at Ka Alex, mga martir ng sambayanan at bayani ng kabataan!

Pinakamataas na pagpupugay at Pulang saludo ang iniaalalay ng Kabataang Makabayan-Laguna kina Jian Markus “Ka Reb” Tayco at Royce Jethro “Ka Alex” Magtira matapos mabuwal sa naganap na labanan noong ika-23 ng Hunyo, 2024 sa Bayan ng Tuy, Batangas.

Ang kanilang kadakilaan ay malinaw na inspirasyon hindi lamang ng kabataan sa Timog Katagalugan, ganundin sa buong kapuluan ng Pilipinas!

Kagaya ng nakararaming kabataan-estyudante, nagmula sa uring petiburgesya sina Ka Reb at Ka Alex. Nahubog ang kanilang kasariwaan sa mga kampanyang masa kanilang nilubugan. Namulat sila sa gitna ng pandemyamg Covid-19, kung saan sinamantala ng rehimeng US-Duterte ang malubhang krisis para patindihin ang militarisasyon at pasismo sa buong bansa. Danas nina Ka Reb at Ka Alex ang naging palpak na tugon ni Duterte sa edukasyon sa gitna ng pandemya, na nagdulot sa kanilang pagkamulat at pagsali sa mga organisasyong masa.

Parehong ginamit nila Ka Reb at Ka Alex ang kanilang husay at talino sa sining upang mag organisa at mag propaganda. Isa ito sa kanilang naging makinarya upang lubos na makalubog sa masang anakpawis. Pareho nilang itinaguyod ang pambansa, siyentipiko, at makamasang kultura.

Ang kanilang kagalingan at kasikhayan na kumilos ay naging mitsa upang mamuno ng mas malawak na sektor ng kabataan. Naging lider-estudyante silang dalawa sa kanilang probinsya ng Cavite at maging sa buong rehiyon ng Timog Katagalugan.

Labas sa sektor ng kabataan-estudyante, mulat na umugnay sina Ka Reb at Ka Alex sa batayang masa sa Cavite. Tinutulan nila ang mga demolisyon sa mga komunidad ng mangingisda sa Manila Bay at sumuporta sila sa laban ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa.

Subalit sa patuloy na pagkilos sa organisasyong masa, nagagap nina Ka Reb at Ka Alex na walang ibang daan patungo sa paglaya kundi ang pagkapit ng armas at lubos na makilahok sa Pambansang Demokratikong Rebolusyon bilang mga pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Ang mga naging batayang isyu ng lipunan na siyang nagtulak kina Ka Alex at Ka Reb ay buhay at nagpapatuloy hanggang sa araw ng kanilang pagkabuwal. Kaya’t kagaya ng paggagap nila Ka Alex at Ka Reb sa pagiging makatuwiran ng rebolusyon, ay tinatanganan ng Kabataang Makabayan-Laguna ang hamon ng diwang mapanglaban na nabitawan nina Kasamang Reb at Kasamang Alex!

Tiyak na makakamit ng sambayanang Pilipino ang pambansang paglaya sa pamamagitan lamang ng pagsusulong ng pambansang demokratikong rebolusyon. Sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas, nanawagan ang Kabataang Makabayan-Laguna sa lahat ng kasapi nito na mas pag-ibayuhin ang pag-igpaw sa mga kahinaan at sumulong upang makapagpasampa ng mas maraming kabataan na siyang magpapatuloy ng mga nasimulan nina Ka Reb at Ka Alex.

Kabataan, ngayon ang tiyak na panahon upang makibaka para sa pambansang kasarilanan ng masang anakpaws! Umigpaw sa kahinaan, isulong ang rebolusyon, at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

MABUHAY SINA KA REB AT KA ALEX!
MABUHAY ANG MGA MARTIR NG SAMBAYANAN!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!

Pinakamataas na pagpupugay kay Ka Reb at Ka Alex, mga martir ng sambayanan at bayani ng kabataan!