Pahayag

Pulang pagpupugay kay Kasamang Fidel V. Agcaoili, rebolusyonaryong martir at tunay na bayani ng sambayanang Pilipino! -- NDF-ST

Nagluluksa at nagdadalamhati ang pamunuan ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST), sampu ng mga kasaping organisasyon nito at buong rebolusyonaryong mamamayan ng rehiyon sa biglaang pagpanaw ni Kasamang Fidel V. Agcaoili, pinuno ng NDFP Negotiating Panel para sa usapang pangkapayapaan sa Government of the Republic of the Philippines (GRP).

Namatay si Kasamang Fidel sa ganap na 12:45 ng hapon, Hulyo 23, 2020 sa Utrecht, The Netherlands dahil sa massive internal bleeding due to pulmonary arterial rupture. Ang pagkamatay ni Kasamang Fidel ay walang kaugnayan sa pandemyang Covid-19 ayon sa mga doktor sa ospital na pinagdalhan sa kanya. Dadalhin sa bansa ang kanyang mga labi alinsunod sa kahilingan ng kanyang mga mahal sa buhay. Nakatakda sanang magdiwang si Ka Fidel ng kanyang ika-76 na kaarawan sa Agosto 8, 2020.

Ipinararating ng NDFP-ST ang lubos nitong pakikiramay at pakikidalamhati sa naulila niyang asawa, mga anak, mga apo at iba pang mga mahal sa buhay.

Nakilala si Ka Fidel bilang pinakamatagal na bilanggong pulitikal sa ilalim ng batas militar ng diktadurang Marcos. Dumanas siya ng iba’t ibang uri ng tortyur at pinakamalulupit na pagpapahirap bilang bilanggong pulitikal sa ilalim ng lantarang pasistang paghahari ng rehimeng US-Marcos. Subalit nabigo si Marcos sa kanyang hangaring igupo ang matatag na paninindigan ni Kasamang Fidel hanggang siya’y makalaya matapos ang makasaysayang pag-aalsang bayan sa EDSA nuong Pebrero 1986 na nagpabagsak kay Marcos at mailuklok sa kapangyarihan si Gng. Cory Aquino.

Subalit higit na nakilala si Ka Fidel sa kanyang malalim at pambihirang dedikasyon sa pagtataguyod at pagsusulong ng rebolusyonaryong pagbabago sa bansa alinsunod sa pambansang kalayaan at demokrasya na may sosyalistang perspektiba. Sa ilang dekadang nagdaan, patuloy at walang patlang niyang isinulong at ipinaglaban ang kapakanan at kagalingan ng sambayanang Pilipino mula nuong siya’y nasa kilusang lihim, habang nasa loob ng bilangguan, sa gawaing internasyunal at usapang pangkapayapaan. Siya ang kasamang napakataas ang diwang taglay sa usapin ng paglilingkod sa mga pinagsasamantalahan at inaaping mamamayan hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa ibang panig ng daigdig bilang nasa pamunuan ng NDFP.

Bilang kagawad, at lumaon naging pinuno ng NDFP Peace Panel para sa usapang pangkapayapaan sa GRP, mahigpit niyang pinanghawakan ang mga saligang prinsipyong gumagabay sa usapang pangkapayapaan para labanan at biguin ang mga maniobra at pagtatangka ng GRP na itransporma ang usapang pangkapayapaan tungong kapitulasyon at pagsuko ng rebolusyonaryong kilusan.

Kabilang si Ka Fidel sa NDFP Negotiating Panel sa unang tagumpay nitong nakamit sa usapang pangkapayapaan sa GRP sa pamamagitan ng makasaysayang The Hague Joint Declaration of 1992 na nagsilbing pangkalahatang balangkas na gumagabay sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP at iba pang mahahalagang kasunduan na kailangan para sa matagumpay na negosasyon. Sa proseso, naigiit at naipagtagumpay ng NDFP Peace Panel na mabuo at mapagtibay ng NDFP at GRP ang Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) nuong 1998 na una sa apat na substantibong agenda sa usapang pangkapayapaan.

Nakapanghihinayang na mawalan ng isang matatag na kasama, matapat at respetadong rebolusyonaryong lider na katulad ni Ka Fidel na walang kapagurang ginugol ang kanyang buong buhay para ipaglabang makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya sa bansa. Ganunpaman, naniniwala ang NDFP-ST na marami pang katulad ni Ka Fidel Agcaoili sa hanay ng rebolusyonaryong kilusan sa bansa na handa at nasa pusisyon para punuan ang gawaing naiwan ni Ka Fidel sa NDFP.

Nawala man si Ka Fidel sa ating piling, nag-iiwan naman siya ng alaala na walang katulad ang bigat at halaga sa aral at kadakilaaan. Isang pamana at ala-alang punong-puno ng kabayanihan at kadakilaan na kailanman ay hindi malilimutan hanggang sa mga susunod na henerasyon ng mga rebolusyonaryo. Ang kanyang buhay at pakikibaka ay magsisilbing dagdag na inspirasyon ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan sa patuloy nitong pagsisikap na dalhin ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa rehiyon sa isang bago at mas mataas na antas.

Paalam Kasamang Fidel. Salamat sa iyong ginintuang pamana ng kabayanihan at kadakilaan. Ang iyong bantayog ng kabayanihan ay matatag nang nakatindig sa puso’t damdamin ng sambayanang Pilipino na labis mong minahal at pinaglingkuran.

Pulang pagpupugay kay Kasamang Fidel V. Agcaoili, dakilang kasama, matapat at huwarang rebolusyonaryong lider!

Ibaling ang pamimighati sa rebolusyonaryong katapangan at ibayong determinasyon na isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan hanggang sa ganap na tagumpay!

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!

Mabuhay ang Communist Party of the Philippines!

Mabuhay ang New People’s Army!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Pulang pagpupugay kay Kasamang Fidel V. Agcaoili, rebolusyonaryong martir at tunay na bayani ng sambayanang Pilipino! -- NDF-ST