Pahayag

Sa demokratikong rebolusyong bayan lamang makakamit ang tunay na kalayaan at kapayapaan

, ,

Ngayong ika-12 ng Hunyo 2026, ginugunita ng sambayanang Pilipino ang ika-128 taon ng huwad na kalayaan. Sa kabila ng mga seremonyang ipinagmamalaki ng naghaharing rehimen, nananatiling tali ang Pilipinas sa paghahari ng imperyalismong US sa larangan ng ekonomiya, pulitika, kultura, at militar. Hindi kailanman nagtamasa ng tunay na kasarinlan ang mamamayang Pilipino sapagkat matapos ang tuwirang kolonyal na paghahari ng Espanya ay ipinataw naman ng US ang neokolonyal na paghahari upang mapanatili ang kontrol nito sa bansa.

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na dinarambong ng imperyalismong US ang ating likas na yaman, kinokontrol ang ating pamilihan, at pinagsasamantalahan ang murang lakas-paggawa ng milyun-milyong Pilipino para sa sariling ganansya. Sa ilalim ng rehimen ni Marcos Jr., lalo pang pinalalalim ang ganitong pagpapasakop sa dayuhang kapangyarihan. Bilang tapat na kinatawan ng imperyalistang interes, pinadadali ni Marcos Jr. ang pagpasok ng dayuhang kapital, pagpapalawak ng presensyang militar ng US, at pagpapatupad ng mga patakarang higit na nagpapahirap sa mamamayan.

Tumitindi ang krisis ng monopolyo kapitalismo, kung kaya’t tumitindi rin ang kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang bayan—primarya, sa pagitan ng US at Tsina. Kabi-kabila rin ang pang-uupat ng gera ng US sa mga bansang mayayaman sa langis at mineral, gayundin sa mga bansang tumututol sa kaniyang imperyalistang paghahari. Tila isang agilang mandaragit, lalong ibinabaon ng US ang kanyang mga kuko sa lahat ng saklaw ng impluwensiya nito upang panatilihin ang kanyang dominasyon at kapangyarihan.

Kaya naman, dinidirehe ni Marcos Jr ang garapalang pagpapagamit ng Pilipinas upang maging lunsaran ng gerang agresyon ng US sa rehiyong Indo-Pasipiko. Ngayong taon, inilunsad sa bansa ang pinakamalaking Balikatan Exercises na nilahukan ng mahigit 17,000 tropa mula sa Pilipinas, US, at iba pang alyadong bansa. Nagsagawa rin ng Salaknib Exercise, Kasangga 2026-1 sa Camarines Sur, at Marine Exercise (MAREX) sa Maguindanao del Norte bilang pagsasanay diumano sa eksternal at internal na depensa—sa esensya, paggamit sa bansa bilang base militar at paglupig sa mga rebolusyonaryong nakikipaglaban para sa tunay na kalayaan.

Sa ilalim ng neoliberal na patakarang ipinapataw ng US, sala-salabat na krisis ang kinakaharap ng sambayanang Pilipino. Hindi sumasabay ang pagtaas ng sahod sa tumataas na presyo ng langis, transportasyon, bilihin, at mga yutilidad. Gutom ang abot ng mga magsasakang walang lupa at binabarat ang presyo ng produkto habang labis na pinaluwag ang pag-aangkat at paghahari ng mga dayuhang korporasyon sa bansa. Hindi pa nananagot si Marcos Jr sa isyu ng korapsyon sa flood control at insertion sa badyet pero panibagong serye ng kalamidad na naman ang iniinda ng mamamayan. Nagmistulang sirko na ang Senado para isalba si Sara Duterte sa pananagutan niya sa paglulustay ng kaban ng bayan.

Nagdarahop na ang mamamayan ngunit kinakaladkad naman ngayon sa koalisyong Pax Silica ng US para ungusan ang Tsina sa manupakturang teknolohiya. Nangangahulugan ito ng pagkamkam ng mahigit isang libong ektarya ng lupain para sa pagmamanupaktura ng artificial intelligence at pagproseso ng “rare earth minerals.” Bukod pa rito, pinaplano ring magtayo ng refueling hub sa Mindanao, ammunition facility sa Subic, at iba pang pasilidad militar na layuning gawing istasyong pandigma ang bansa. Lalo itong pagpapakatali sa imperyalistang pandarambong ng US sa ating likas na yaman at lupain, gayundin ang pagkakatali sa pagsuplay sa mga kahingian ng US para sa kaniyang militar na agresyon sa Tsina.

Hindi nakakapagtaka ang pagbubuhos ng pondo ng estado sa mga programang kontra- insurhensiya at ahensya para supilin ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Kaya naman, tulad ng mga naunang rehimen, mahigpit na nakatali si Marcos Jr sa mga doktrina at patakarang kontra-insurhensyang idinidikta ng imperyalismong US. Sa pamamagitan ng AFP, PNP, NTF-ELCAC, at iba pang mapanupil na instrumento ng estado, isinusulong niya ang gera laban sa mamamayan upang durugin ang paglaban ng mga magsasaka, manggagawa, katutubo, at iba pang demokratikong pwersa na nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Ang Bagong Hukbong Bayan ang masugid na nagtatanggol samamamayan laban sa mga dayuhang minahan at korporasyon na nangangamkam ng lupa at hilaw na materyales ng bansa. Sila ang direktang nakikipaglaban sa mga panginoong maylupa at pasistang pwersa ng estado para itaguyod ang karapatan ng mamamayan. Sila ang pangunahing sagka sa tuluyang paggamit sa Pilipinas bilang lunsaran ng gera.

Isang daan at dalawampu’t walong taon nang ginugunita ng Pilipinas ang huwad na kalayaan, at higit na mahaba ang kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa mga mananakop. Isinulong ng Katipunan ang Rebolusyong 1896 laban sa mga kolonyalistang Espanyol. Ipinagpatuloy ng mga rebolusyonaryo gaya nina Macario Sakay, Simeon Ola, Teodoro Asedillo, at iba pang mga gerilyang pag-aalsa laban sa mga kolonyalistang Amerikano. Itinatag ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas ang Hukbong Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) upang labanan ang mga kolonyalistang Hapones. Sa kasalukuyan, aktibong nakikibaka ang Bagong Hukbong Bayan para ipagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.

Magpapatuloy ang armadong pakikibaka ng mamamayan nang buo ang determinasyon at may rebolusyonaryong optimismo, at sa pag-igting ngimperyalistang digmaan, tiyak na lalagutin ng sambayanang api ang tanikala ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Tanging sa Demokratikong Rebolusyong Bayan lamang makakamit ang tunay na kalayaan at pangmatagalang kapayapaan.

Kaguruan, ialay ang buong lakas, talino, at husay sa sambayanan!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Sa demokratikong rebolusyong bayan lamang makakamit ang tunay na kalayaan at kapayapaan