Singilin ang kapabayaan ng ilehitimong rehimeng Marcos II sa bagyong Paeng

Singilin ang inutil at ilehitimong rehimeng Marcos II sa matinding epekto ng nagdaang bagyong Paeng. Naiulat ang malalaking pinsala na umaabot sa P3.16 bilyon sa agrikultura at P2.9 bilyon sa imprastraktura. Samantala, higit tatlong milyong mamamayan ang naapektuhan. Naiulat ang 154 patay kung saan 36 dito ay sa Timog Katagalugan (TK). Dahil dito, isa ang Region 4-A (Calabarzon) sa mga rehiyong isinailalim sa state of calamity.

Sa Quezon, aabot sa 33,786 pamilya o 122,107 indibidwal mula sa 753 barangay ang lumikas. Nasa 802 tahanan ang nawasak habang 10,932 ang nasira. Sa Batangas, 6,556 pamilya o 24,710 indibidwal mula sa 356 barangay ang napilitang lumikas. Lagpas P140 milyong halaga ng pananim (palay, gulay saging at mais) palaisdaan (fishpond, fishpen, bangka at lambat) ang pininsala ng bagyo. Sa Biñan City, Laguna pa lamang, may 1,359 pamilya o 5,620 indibidwal ang lumikas at nasa 16 evacuation centers. May 11 barangay ditong lubog sa baha.

Inabot din ng matinding pagbaha ang Region 4-B (Mimaropa). Sa Palawan, aabot sa 2,168 pamilya o 7,591 indibidwal ang apektado ng Bagyong Paeng. May 46 bahay na nawasak, 290 nasira habang 62 bangkang de motor ang nawasak at may 157 nasira. Sa San Jose, Occidental Mindoro, may inisyal na talang P31.9 milyong pinsala sa agrikultura at P6.45 milyon sa imprastraktura.

Nakakagigil ang pagbubunton ng sisi ni Marcos Jr. sa ibang ahensya at mamamayang Pilipino sa natamong pinsala. Ilang araw nang naianunsyo ang pagdating ng bagyong Paeng subalit walang aksyong ginawa ang ilehitimong pangulo. Sampal sa mukha ng mga nasalanta ang pagliliwaliw sa Japan ng ilehitimong pangulo habang nananalasa ang Bagyong Paeng. Dahil dito, binatikos ng mamamayan ang lantarang paghuhugas-kamay ni Marcos II.

Nagkukumahog ngayon ang ilehitimong gubyernong Marcos II na pahupain ang galit ng bayan sa pagpapakana ng mga proyektong pagtatanim ng puno. Pantapal solusyon lamang ito para pagtakpan ang mga nauna nang mga mapaminsalang proyektong pagmimina at pagtotroso na ipinatupad ng kasalukuyan at mga nagdaang rehimen, laluna ng ama nitong diktador.

Kasuklam-suklam ang labis na kapabayaan ng gubyernong Marcos II para sa tulong at ayuda sa mga biktima ng kalamidad. Tampok din ang pagbabawas ng pondo sa mga institusyon ng gubyerno na nakatuon sa pagmamatyag, pag-iwas at pagtugon sa mga sakuna habang pinalobo ang pondo ng militar at pulis. Nararapat na ilipat ang confidential and intelligence fund, pondo sa AFP modernization program at NTF-ELCAC tungo sa pagtugon sa sakuna at ayuda sa panahon ng kalamidad. Dapat bigyang-pansin sa pagbibigay ng ayuda ang mga magsasaka at mangingisda na pinakamatinding tinamaan at napinsala ng bagyo.

Ang malaking bilang ng pinsala ng Bagyong Paeng ay epekto ng deka-dekada ng pagkawasak ng kabundukan at kagubatan bunga ng malawakang pandarambong ng malalaking kumpanya ng mina at malawakang pamumutol ng puno na namayagpag sa panahon ng rehimeng Marcos I. Matatandaang namahagi ang matandang Marcos ng mahigit 200 timber licensing agreements (TLA) na sumasaklaw sa daan libong mga ektarya ng lupain sa kanyang mga kroni at alyado kabilang ang mga retiradong heneral para kunin ang kanilang katapatan sa diktadura. Kinalbo nito ang aabot sa walong milyong ektaryang kagubatan na halos sinlaki ng Mindanao. Sa TK, kabilang sa mga binigyang konsesyon sina Gopansoy sa gitna hanggang hilagang Quezon, Morato sa hangganang Quezon-Bikol na nagpalayas sa mga magsasaka at pambansang minorya.

Winasak din ng rehimeng Marcos I ang malalawak na bakawan sa bansa para bigyang-daan ang malalaking kumpanya sa pangisdaan na magtayo ng mga fish pen sa pamamagitan ng Presidential Decree 704 o Fishpond Lease Agreement. Sa unang dalawang taon pa lamang ng pagpapatupad nito, sinira nito ang 220,243 ektaryang bakawan sa bansa.

Sinasaluduhan ng NDFP-ST ang mamamayang Pilipino na kagyat na nagbayanihan para ibsan ang pagdurusa ng mga biktima ng Bagyong Paeng. Dapat magtuluy-tuloy ito sa harap ng kawalang aksyon ni Marcos Jr.

Kasabay ng pagtutulungan at damayan, ilunsad ang kampanyang edukasyon hinggil sa mapaminsalang epekto ng mga proyektong pagmimina, malawakang pamumutol ng puno at reklamasyon. Kailangang magkaisa ang mamamayan upang tutulan at labanan ang pandarambong ng mga dayuhang kumpanya sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na burukrata. Ipagtanggol ang kalikasan at pangalagaan ang kapaligiran. Dapat itong itaas sa pakikibaka laban sa imperyalismo na pangunahing dumambong at nagwasak sa kalikasang nagresulta sa pagbabago ng klima sa buong daigdig sa kapinsalaan ng aping mamamayan ng daigdig.###

Singilin ang kapabayaan ng ilehitimong rehimeng Marcos II sa bagyong Paeng