Pahayag

Siyentista, inhinyero, propesyunal, ipagdiwang ang ika-52 na anibersaryo ng Pambansang Demokratikong Prente! Palaparin ang ating hanay, isulong ang rebolusyon!

Binabati ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB) ang mga kasama nitong organisasyon at ang sambayanang Pilipino sa ika-52 na anibersaryo ng Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas, o National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa kasalukuyang yugto ng kilusang pagwawasto, mahigpit na tinatanganan ng LAB ang tungkulin nitong palaparin at palakasin ang sarili para mas mapalapit pa ang libo-libong siyentista, inhinyero, at propesyunal ng Pilipinas sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Muli naming pinaparangalan ang mga dakilang rebolusyonaryo, partikular mula sa sektor at hanay namin, na naglaan ng kanilang buhay para sa rebolusyon at sa masang api. Nagsisilbing inspirasyon ang mga buhay nina Aloysius Baes, Engr. Mon Ramirez, JM “Ka Simon” Ayuste, at marami pang iba sa dumadaming bilang ng mga siyentista, inhinyero, propesyunal, at estudyanteng naaabot ng LAB.

Kinikilala ng LAB ang pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas sa NDFP; at nagkakaisa tayo sa layunin na itaguyod ang armadong pakikibaka sa balangkas ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa gayon, mahigpit na pinanghahawakan ng LAB ang mga rebolusyonaryong tungkulin nito kung saan magiging malaki ang ambag ng mga kasanayan at karanasan ng mga siyentista at inhinyero para sa pag-unlad ng demokratikong rebolusyong bayan.

Sa mga nagdaang taon, nakikita natin ang pag-unlad ng ilang bahagi ng ating gawain. Mula sa maliit na bilang ng kasapi ng LAB, ilang beses nang lumaki ang ating kasapian. Lumalaki, bagama’t mabagal, ang ating baseng masa sa mga ligal na organisasyon na ating kinikilusan. Gayundin, naging mas masigla ang pagpapakilos sa mga alyado ng LAB at NDFP. Muling sumisikad na rin ang ating gawain sa pagtataguyod ng ating minamahal na Bagong Hukbong Bayan, mula suportang materyal hanggang sa pagpapasampa.

Gayunpaman, nananatiling hamon para sa atin ang matagal nang umiiral na konserbatismo sa pagrekluta ng mga rebolusyonaryo at paglalatag ng kilusang lihim sa hanay ng sektor ng S&T. Bilang bahagi ng kilusang pagwawasto, pangibabawan natin ang konserbatismo! Maging mapangahas tayo sa pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa masang siyentista’t inhinyero!

Nananatiling hamon din sa LAB na basagin ang paglilimita sa pagpapakilos sa ating kasapian sa mga ligal na pagkilos, at sa pagsasantabi sa kilusang lihim at armadong pakikibaka. Dapat mapangibabawan ng ating kasapian na hindi magpakahon sa mga personal na limitasyon, at mulat na inuuna ang kapakanan ng kilusan at pagsusulong ng rebolusyon. Bilang mga rebolusyonaryo, kailangan nating maging mapanlikha at mapangahas ang bawat isa sa pagpapatupad ng kanilang rebolusyonaryong tungkulin, nasaan man o anuman ang kanilang kalagayan. Ituloy natin ang paghikayat sa ating mga kasama sa full time na paggampan ng rebolusyonaryong gawain, lalo na sa hanay ng mga propesyunal.

Gayundin, kinakailangan tumungo at abutin kung saan mismo nakakonsentra ang mga ang sektor ng S&T—sa mga unibersidad, opisina ng malalaking kumpanya, at kagawaran ng reaksyunaryong estado—at ang paglunsad ng mga kampanyang bitbit ang pambansa at lokal na isyu na nakaka-apekto sa kanila at buong sambayanan. Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, nananatiling mababa ang sahod ng maraming propesyunal sa S&T; kulang sa badyet para sa mga kagamitan; at walang benefits o seguridad sa trabaho. Sa umiiral na krisis pang-ekonomya at pampulitika, mataba ang lupa para sa pagtatayo ng mga balangay ng LAB.

Ang pinakamagandang paraan para ipagdiwang ng LAB ang anibersaryo ng NDFP ay ang puspusang pagkilos para magrekrut ng ng mas maraming kasapi at itayo ang mas maraming balangay higit sa nakaraan. Gayundin ang tuloy-tuloy na pagtataguyod natin sa Bagong Hukbong Bayan. Ito ang panahon ng muling pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan mula sa panahon ng pansamantalang pag-atras—at sabay na magmamartsa ang LAB, kasama ang buong NDFP, tungo sa ibayong tagumpay!

Siyentista, inhinyero, propesyunal, ipagdiwang ang ika-52 na anibersaryo ng Pambansang Demokratikong Prente! Palaparin ang ating hanay, isulong ang rebolusyon!