Pahayag

Terorismo ng estado sa tabing ng kontra-terorismo

Ang Senado na ngayo’y dominado ng malaking bilang ng mga senador na maka-Duterte, bilang resulta ng pandaraya sa eleksyong mid-term noong 2019, ay inaprubahan ang Senate Bill 1083, o mas kilala bilang Anti-Terrorism Act of 2020 na naglalayong amyendahan ang Human Security Act of 2007.

Layunin ng panukala na gawing ligal at palubhain ang dati nang laganap na terorismo ng estado kabilang ang Red-tagging, arbitraryong pag-aresto at extrahudisyal na pagpatay sa tabing ng kontra-terorismo. Layunin nitong lalupang patatagin ang de facto na pasistang diktadura ni Duterte na hindi nangangailangan ng anumang pormal na deklarasyon ng batas militar tulad ng ginawa ni Marcos noong 1972.

Katulad ng terminong subersyon noong Cold War at batas militar sa ilalim ni Marcos, ang salitang terorismo ay malabong ipinaliliwanag para gawing pangkalahatang katawagan para sa kahit ano’ng planadong aksyon o  karaniwang krimen at para magsagawa ng mga hakbang pamarusa laban sa pinakamalapad na hanay ng oposisyon, kritiko at mga aktibista na labag sa  mga batayang demokratikong karapatan at kalayaan.

Nilalayon ng panukalang batas na parusahan ang mga ipinagpapalagay ng mga awtoridad na nagmumungkahi, nag-uudyok, nakikipagsabwatan, lumalahok sa pagpaplano, pagsasanay, paghahanda at pagbibigay-daan sa isang “teroristang” atake; gayundin ang mga ipinagpapalagay na nagbibigay ng materyal na suporta sa mga “terorista,” at pagrerekrut ng mga kasapi para sa isang “teroristang” organisasyon.

Pinapayagan nito ang pulis at militar na basta-bastang isailalim sa paniniktik ang mga indibidwal at organisasyon; obligahin ang mga telekomunikasyon na isiwalat ang mga tawag at mensahe; arestuhin ang mga taong ito nang walang mandamyento, at ikulong sila nang mas matagal hanggang 14 na araw.

Pinahihintulutan nito ang paunang pagbabawal sa mga pinaghihinalaang “teroristang” organisasyon bago pa sila bigyan ng pagkakataon na malaman ang kanilang kaso at kumuha ng abugado at sumailalim sa pagdinig ng mga korte. Ibinababa nito ang pamantayan para sa pag-aresto at pagkukulong ng walang mandamyento.

Tinatanggal nito sa Human Security Act of 2007 ang karampatang kabayaran sa mga tao na maling ikinulong. Ang mga berdugo ng estado ay patuloy na lalabag sa karapatang-tao nang walang pananagutan at sa mas malawak na saklaw kaysa dati.

Magagawang kriminal ng mga Regional Trial Court ang mga indibidwal at organisasyon bilang mga “terorista” sa simpleng utos ng rehimen, ng pulis o ng militar pati na rin sa hiling ng mga dayuhan o mga ahensyang nakapangingibabaw sa mga bansa. Makikinabang din ang mga imperyalistang amo sa teroristang estado ng tutang rehimen ni Duterte.

Makatitiyak tayo na ang rehimen at ang mga ahenteng militar at pulis nito ay magsasagawa ng paniniktik, pag-aresto ng walang mandamyento at arbitraryong pagkukulong, malupit at hindi akmang pagparusa, at paglabag sa karapatan sa malayang asosasyon, malayang pagpapahayag, karapatan sa privacy, pagkilos, at tamang proseso.

Ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na dominado rin ng supermayoryang maka-Duterte na pinag-iisa ng korapsyon sa pork barrel ay nasa proseso rin ng pagpapasa sa tinatawag na panukalang batas na anti-terorismo na katulad ng sa Senado. Ang ganitong panukala ay kasabay ng mga panukala para sa pagbabago ng konstitusyon at pagpapalawig ng termino ng mga inihalal na upisyal ng gubyerno.

Walang tigil ang rehimeng Duterte at kanyang mga tagasunod sa pagpapatindi ng pang-aapi at pagsasamantala sa malawak na masa ng sambayanan. Isinasara nila ang lahat ng pintuan para sa posibilidad ng usapang pangkapayapaan sa NDFP. Inuudyukan nila ang sambayanan na maglunsad ng lahat ng anyo  ng paglaban para ipagtanggol ang kanilang pambansa at demokratikong karapatan.

Katulad ng batas Anti-Subersyon sa nakaraan, ang kasalukuyang “anti-terorista” na panukala ng mga tuta ni Duterte sa Kongreso ay hindi makapipigil sa  rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan, sa halip ay lalo pang magtutulak sa milyun-milyong Pilipino na tahakin ang landas ng armadong rebolusyon para makamit ang kanilang pambansa at panlipunang kalayaan mula sa malakolonyal at malapyudal na  mga kalagayan na lalupang naging hindi katiis-tiis sa ilalim ng tiranikong rehimeng Duterte.

**isinalin ng Pambansang Komisyon sa Propaganda
29 Pebrero 2020

Terorismo ng estado sa tabing ng kontra-terorismo