Hinggil sa mga red-tagging poster na nagkalat sa La Union sa ika-51 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines

,

Isa na namang kahibangan ng rehimeng Marcos II at ng kaniyang pasistang galamay na AFP-PNP-ELCAC ang mga naipaskil na poster sa mga munisipyo ng Agoo, Aringay, Caba, at iba pang bayan sa La Union nitong nakaraang April 24, 2024, anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Umaga ng April 25 nang namataan ng mga mananakay sa McArthur Highway ang mga sako na may mga black propaganda hinggil sa CPP-NPA-NDFP. Dati na itong taktika ng estado at ginagamit sa red-tagging ng mga legal at lehitimong organisasyong masa. Maging ang mga lider ng mga lehitimong progresibong samahan ng magsasaka at mangingisda sa Rehiyon ng Ilocos ay nabansagan nang terorista at rebelde sa mga poster na ganito.

Nakababahala ang mga ganito dahil ipinapanganib ang buhay ng mga lider masa sa pagtuturing sa kanilang terorista at masasamang elemento ng lipunan.

Higit na nakababahala ay ang isang poster na nagsasaad na “Huwag maniwala sa mga research (sa komunidad)”. Ang esensya ng poster na ito ay babala dahil ang mga research daw na pumapasok sa komunidad ay tabing lamang ng terorismo o rebelyon.

Nakakatawang kung ano-anong mga panlipunang aktibidad ang kanilang nirered tag, kahit ang napakahayag at lehitimong research. Ang research ay bahagi ng siyentipikong pananaliksik ng tao upang higit na maunawaan ang kaniyang kalagayan. Ayaw ba ng estado na maunawaan ng kaniyang mamamayan ang kaniyang tunay na kalagayan at mabigyan ng lunas ang kaniyang mga suliranin? Masama bang mag-research, lalo na sa mga komunidad ng mga magsasaka at mangingisda, na batbat ng mga suliranin at kahirapan? Laging nagsisimula ang research sa isang problema o nais tuklasin, at hindi ba’t ang resulta ng research ay dapat lamang na magbunga ng mga solusyon?

Palagiang nais ng naghaharing rehimen na panatilihing mangmang ang mamamayan upang hindi nito masuri ang kaniyang kalagayan at hindi makita ang kabulukan ng lipunan, sa gayo’y hindi sila mamumulat at kumilos para baguhin ito. Ngunit tayo ay nasa panahon na kahit anong pagtatangkang pagtakpan ang baho, umaalingasaw ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas, na sanhi ng di maampat-ampat na kahirapan ng sambayanan. Bumubulusok ang imperyalismo at hinahatak tayo sa kaniyang krisis. Walang pag-unlad na maaasahan ang masang anakpawis sa estadong tinatagurian siyang kaaway. Na sa bawat hakbangin niya upang itaguyod ang sariling kagalingan ay binabansagang “akto ng terorismo.”

Kinokondena ng NDF- Ilocos ang mga ganitong taktika ng kaaway at nananawagan sa mamamayan na tanggalin ang mga ganitong klaseng black propaganda na ikinakabit nila. Iulat sa mga lokal na rebolusyonaryong organisasyong masa kung may makitang nagkakabit ng mga ganito, piktyuran o videohan.

Walang duda na ang may kagagawan ng mga ito ay ang AFP-PNP at ELCAC sa ilalim ng kanilang kampanyang paninira sa hibang na pangarap na wasakin ang CPP-NPA-NDFP. Ang NDFP na nagdiwang ng kaniyang ika-51 anbersaryo noong Abril 24, ay tinatangkilik ng masa at ito ang nais ng kaaway na basagin.

Subalit anupamang hibang na hakbangin ang nais nilang gawin, hinding-hindi na nila matatanggal ang mahigpit na pagyakap ng masa sa CPP-NPA-NDFP na kanilang tunay na tagapagtanggol.

Hinggil sa mga red-tagging poster na nagkalat sa La Union sa ika-51 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines