Pahayag

Todo-gyera sa mga magsasaka, ipinagmamalaki ng gobernador, bise-gobernador ng Northern Samar

,

Sa pagbisita kamakailan ng mga upisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Ilocos Region sa Northern Samar, walang-hiyang ipinagmalaki ni Vice Governor Clarence Dato na “matagumpay na modelo” ang pagpapatupad ng kampanyang kontra-insurhensya sa prubinsya. Lalo lang niyang nilantad na ang lokal na gubyerno ng Northern Samar ay galamay lang din ng pasistang rehimeng US-Marcos sa ilan taon nang pambobomba, pamamaslang at pagpapasuko sa masang magsasaka.

Palibhasa’y nanlaki ang mga atay ni Dato at ni Governor Edwin Ongchuan nang piliin ang Northern Samar bilang “pinakamahusay na tagapagpatupad ng E-CLIP” ng National Task Force-Elcac ngayong taon. Dahil dito kaya umano napili ang prubinsya bilang huwaran sa kampanyang kontra-insurhensiya. Pinatunayan lang nina Dato at Ongchuan na tapat silang tagapagpatupad ng pasistang todo-gyerang hinahasik ng rehimeng US-Marcos at ng 8th ID sa masang magsasaka, imbis na paglingkuran ang mamamayan at tumindig para sa mga karapatan nito. Bulag at bingi sila sa ilang kilong bombang hinulog sa anim na beses na nagsagawa ng aerial bombing, sa di mabilang na bala ng kanyong pinakawalan, o sa mga putok ng baril na pumaslang sa mga magsasaka sa prubinsya mula noong 2019.

Sa kanilang pagtingin, “NPA” ang lahat ng napasuko nila sa ilalim ng E-CLIP, kahit na halos lahat nito’y mga ordinaryong sibilyan. May pinasuko matapos harasin at pagbantaan, may nalansi, may binudol ng ilang pisong pabuya na ang kalakhan ay binubulsa ng mga upisyal ng gubyerno at ng militar. Sa Palapag, ang pabuyang ₱40,000 ay nagiging ₱4,000, at ang ₱20,000 ay nagiging ₱2,000. Sa Las Navas, ang saku-sakong relief na ipinamimigay sa mga “surrender ceremony” ay hanggang photo-ops lang at hindi naman pinauuwi sa mga “benepisyaryo.”

Ang mga “halfway house” ng mga surenderi ay nagsisilbing hawla para sa mga nalinlang na maging ahente ng 8th ID. Dito sila ibinibimbin habang pinaghihintay na mabigyan ng susunod na misyon, yunit ng BHB na irereyd, baryo na sasaywarin, o kapwa magsasaka na tatraydurin. Ipinipinta nila bilang paraiso ang mga “peace village” pero ang totoo ay kanlungan ito ng mga taksil na pinaambunan lang ng limos, sapat para makuha ang kanilang kooperasyon, pero kapalit ang pagbebenta ng kaluluwa nila sa mga berdugo.

Ito ang modelong programang kontra-insurhensya na ipinagmamalaki nina Ongchuan at Dato. Sa pagtaguyod nila sa pasistang terorismo ng estado laban sa mga ordinaryong magsasaka, nagiging duguan na rin ang mga kamay nila. Dapat nilang tandaan na ang tungkulin nila ay pagsilbihan ang mamamayan na nagluklok sa kanila sa poder, at hindi ang rehimeng US-Marcos na iwinawasiwas ang pasismo para ipagpatuloy ang korapsyon at pananamantala sa bayan.

Todo-gyera sa mga magsasaka, ipinagmamalaki ng gobernador, bise-gobernador ng Northern Samar