Tuligsain ang patakaran ni Marcos sa pagpatay sa mga hors de combat na Pulang mandirigma
Buong-lakas na kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pagpatay sa mga hors de combat na Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Hindi bababa sa tatlong insidente ng pagpatay ang ginawa sa mga lalawigan ng Negros Occidental at Rizal sa nakalipas na dalawang linggo.
Ipinakikita ng mga ito at ng iba pang insidente sa ibaba na ginawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang padron ng pagpatay sa hors de combat, na isang pambansang patakaran ng pasistang rehimeng Marcos. Isa ito sa mga brutal na taktika na ginagamit ng mga pwersang militar at pulisya nito na may layuning sindakin ang malawak na masa ng mamamayan.
Ang patakarang ito na “huwag kumuha ng mga bilanggo” ay matinding paglabag sa internasyunal na makataong batas. Hindi bababa sa 60 hors de combat na Pulang mandirigma ang pinatay mula nang maupo si Marcos noong 2022. Si Marcos mismo, at ang mga pangunahing upisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), ay dapat panagutin sa mga rebolusyonaryong hukumang bayan, gayundin sa mga internasyunal na korte at tribunal.
Panata ng mga rebolusyonaryong pwersa na kamtin ang hustisya sa sumusunod na kaso mula simula ng taon:
a) Noong Agosto 1, hinawakan ng mga sundalo ng 15th IB si Alvin Lumagsao Sinsano (Ka Zian), isang Pulang mandirigma, sa Sityo Cambuguiot, Barangay Camindangan sa Sipalay City, Negros Occidental, at pagkatapos ay walang kaabug-abog siyang pinatay.
b) Noong Hulyo 29, inaresto ng mga sundalo ng 15th IB si Reggie Fundador (Ka Tata), isang Pulang mandirigma, sa Sityo Badyang, sa barangay sa itaas. Ang bangkay niyang ay natagpuang iniwan sa Crossing Magtanday sa nasabing barangay, na may malinaw na tanda ng pagpapahirap.
c) Noong Hulyo 18, inaresto ng mga sundalo ng 80th IB ang Pulang mandirigma ng BHB na si Wally Agudes (Ka KM) habang nagpapagaling sa matinding trangkaso sa Barangay Burgos, Rodriguez, lalawigan ng Rizal, bago siya pinatay.
d) Noong Abril 10, pinahirapan at pinatay ng mga pasistang tropa ng 48th IB si Kaliska Dominica Peralta (Ka Rekka) matapos siyang madakip sa Barangay Butong, bayan ng Quezon, lalawigan ng Bukidnon. Wala siyang armas nang arestuhin.
e) Noong Pebrero 23, 2024, isang lima-kataong pangkat ng BHB na binubuo nina Domingo Compoc, Hannah Cesista, Parlito Historia, Marlon Omosura at Alberto Sancho, ang nasukol sa sorpresang pag-atake ng mga pwersang militar sa ilalim ng 47th IB kasama ang mga pwersang pangkombat ng pulis sa Sityo Matin-ao, Barangay Campagao, Bilar, Bohol province. Ang mga Pulang mandirigma ay sumailalim sa matinding pagpapahirap bago pinatay.
f) Noong Pebrero 10, 2024, inaresto ng mga tropa ng 58th IB sa Barangay Calawag, Balingasag, Misamis Oriental ang Pulang mandirigma ng BHB na si Miguel Seriño. Natagpuan ang kanyang bangkay kinabukasan na may tanda ng brutal na pagtortyur. Pinalabas ng AFP na napatay siya sa isang engkwentro.