Wakasan ang permanenteng presensyang militar ng US sa Pilipinas

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Na may pagsang-ayon ng rehimeng Marcos, at kapalit ng mga pangakong pamumuhunan ng mga negosyo ng US at pautang mula sa World Bank, napalakas at napalawak ng militar ng US ang permanenteng presensyang militar nito sa Pilipinas. Sa anumang oras, aabot ng ilanlibo ang bilang ng mga tropang pangkombat ng US na nasa Pilipinas, na dala ang kanilang kagamitan at armas pandigma.

Sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), tumatamasa ang militar ng US at mga tauhan nito ng mga karapatang ekstrateritoryal na nang-uuyam sa sinasabing soberanya ng Pilipinas. Ibinababa nitong lalo ang katayuan ng bansa tungo sa pagiging himpilang militar ng US, sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino.

Saywar na linyang ibinubulalas ng imperyalistang US at mga tuta nito na kailangan umano ng bansa ang kapangyarihang militar ng US para magtanggol o pigilan ang panghihimasok ng superpower na China sa ating teritoryong pandagat. Ang imperyalismong US, na halos kalahating siglong sumaklot sa bansa bilang kolonya, ay ipokritong nagdedeklara ng “matibay na pagkakaibigan” at “pagdedepensahan,” habang dumadaong sa karagatan ng Pilipinas ang kanilang malalaking barkong pandigma at niyuyurak ng mga sundalong Amerikano ang kalupaan ng bansa.

Sa tabing ng pinagsanib na mga ehersisyo

Ayon sa armadong pwersa ng US, magsasagawa ito ngayong taon ng higit 500 war games, ehersisyong militar, at pinagsanib na pagsasanay na iba’t ibang laki at tipo sa Pilipinas kasama ang mga tuta utusan nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Kabilang dito ang ehersisyong Balikatan noong Abril, na pinakamalaki sa kasaysayan, kung saan 12,600 tropang Amerikano ang sumugod sa bansa sakay ang kanilang mga barkong pandigma at mga eroplanong pambyahe ng militar.

Hindi isinapubliko ng embahada ng US o maging ang AFP ang kumpletong listahan ng 500 aktibidad na ito. Pero hindi bababa sa pitong iba pang ehersisyong militar ang iniulat sa midya na inilunsad nitong nagdaang ilang buwan bago at pagkatapos ng Balikatan, kabilang ang:

a) ang Salaknib na ehersisyong pandigmang isinagawa mula Marso 13 hanggang Abril 4 sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija at iba pang erya sa Central Luzon at Northern Luzon, na nilahukan ng hindi bababa sa 3,000 tropang militar ng US at AFP.

b) ang Cope Thunder 23-1 pandigmang ehersisyong panghimpapawid noong Mayo 1-12 sa Clark Air Base;

c) ang trilateral na ehersisyong kasama ang mga coast guard ng US at Japan noong Hunyo 1-8 na nilahukan ng ilandaang tauhan na isinagawa sa katubigan malapit sa baybaynin ng Mariveles, Bataan;

d) ang pagsasanay sa pagpapakilos ng pwersang nabal sa North Luzon na isinagawa noong Hunyo 29-Hulyo 3 sa Camilo Osias Naval Base sa Cagayan, kung saan itinatayo ang mga pasilidad ng US;

e) ang Marine Aviation Support Activity na nagsimula noong Hulyo 6 at nakatakdang magtapos sa Hulyo 21, na kinabibilangan ng pagpapasabog ng mga bomba, pag-atake sa himpapawid, pag-aagaw sa paliparan, kung saan higit 2,700 personel at 43 sasakyang panghimpapawid ng militar ang ginagamit, at inilulunsad sa maraming bahagi sa Luzon at Visayas;

f) Cope Thunder 23-2, ehersisyong pandigmang panghimpapawid na nagsimula noong Hulyo 2 at nakatakdang magtapos sa Hulyo 21, na ilulunsad sa iba’t ibang bahagi ng Luzon at Visayas; at

g) ang pagsasanay sa paggamit ng long-range rocket system na nagtapos noong Hulyo 9 kung saan gumamit ng High Mobility Artillery Rocket System (Himars) para magpasabog sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Ang mga ehersisyong pandigma na ito ay nagsisilbi sa layuning “interoperability,” pinagandang tawag sa “operational control,” na sa salitang militar, ay nangangahulugan ng pagkuha ng kontrol sa isang yunit militar o organisasyon. Ang lahat ng mga ehersisyong ito ay kinabibilangan ng pagsasanay ng tropa ng AFP sa paggamit ng mga kagamitang militar ng US, gayundin ang mga pang-operasyong maniobra ng US, para tiyaking magsisilbi ang AFP sa layunin ng militar ng US kung mayroon mang pumutok na armadong sigalot.

Ang mga ehersisyong pandigma na ito ay nagsisilbi rin para udyukan ang bentahan ng armas ng US sa Pilipinas. Walang-kahihiyang naglalaway ang mga upisyal ng AFP sa panahon ng mga “pinagsanib na pagsasanay” kapag nakikita ang mga kagamitang panggera ng US. Ang sinasabing programang “AFP modernization,” na may badyet na P27.5 bilyon ngayong taon, ay programang dinisenyo ng US para sa pagbili ng mga gamit, sarplas o pinaglumaan nitong kagamitan, para lalong sumalalay ang AFP sa sa US, kabilang ang pagsalalay sa pagsuplay ng US ng mga bala at bomba, pati na mga piyesa pang-maintenance.

Liban pa sa nabanggit nang kamakailang mga ehersisyo, nagsagawa rin ang US ng pinagsanib na ehersisyong pandigmang pandagat kasama ang Canada sa Taiwan Strait noong maagang bahagi ng Hunyo, at nakatakdang maglunsad ng iba pang pinagsanib na aktibidad militar kasama ang armadong pwersa ng Australia, Japan at iba pang mga bansa sa palibot ng West Philippine Sea sa darating na mga buwan. Sa nagdaang mga taon, sinusulsulan ng US ang mga alyado nito sa North Atlantic Treaty Organization (NATO), Quad (Quadrilateral Security Dialogue) at kasunduang militar na AUKUS (Australia, United Kingdom, US) para magpakat ng mga barkong pandigma para sumali sa “pinagsanib na pagpapatrolya” kasama ang US sa ilalim ng pangkalahatang estratehiyang pigilan ang paglakas ng China sa ekonomya at militar, at pagtatayo ng kutang militar sa tinatawag nitong “first island chain” na pumapalibot sa China.

Para patindihin ang mga operasyong nakaasinta sa China, higit na pinalalakas ng US ang kontrol nito sa Pilipinas na nagsisilbi bilang mahalagang himpilan mula sa punto de bista ng estratehiyang geopulitikal at pangmilitar ng US. Lumalaki ngayon ang bilang ng mga tropa at kagamitang pandigma ng US na naka-istasyon sa mga base at pasilidad nito sa bansa, na sila namang nagsisilbing magnet sa posibleng armadong pag-atake ng China at iba pang kaaway ng US.

Ekstrateritoryal na karapatan ng US at ekstraordinaryong mga pribilehiyo sa Pilipinas

Ang kamakailang mga ulat ng pagpapalipad ng mga panghimpapawid na sasakyang militar ng US sa saklaw na kahanginan ng Pilipinas at paggamit ng mga pasilidad kabilang na ang mga paliparang internasyunal sa Manila at iba pang lugar nang walang paunang kaalaman ng sibilyang mga awtoridad ay nagbibigay-diin sa kawalan ng soberanya sa ilalim ng EDCA at iba pang tagibang na kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at United States. Ekstrateritoryal na mga karapatan at ekstraordinaryong mga pribilehiyo ang ibinibigay ng mga kasunduang ito sa militar ng US, sa mga tauhan, pati na mga kontraktor nito. Gamit ang Visiting Forces Agreement (VFA) at EDCA, ang mga tropang Amerikano ay buong-yabang na namamayagpag sa buong bansang itinuturing nilang kanilang base militar.

Sa ilalim ng EDCA, binibigyan ang US ng “kontrol sa operasyon” sa loob ng “pinagkasunduang mga lokasyon” sa saklaw ng mga kampo militar ng AFP. Sa mga eryang ito, maaaring magtayo ang militar ng US ng mga base at pasilidad at maglunsad ng maraming klaseng operasyon at aktibidad mula sa “pagsasanay; pagbyahe; pagsuporta at katulad na aktibidad; pag-refuel sa mga sasakyang panghimpapawid; pag-iimbak ng mga sasakyan; pansamantalang pagsasaayos ng mga sasakyan, sasakyang pandagat at panghimpapawid; pansamantalang pagpapatuloy sa mga personel; komunikasyon; pagpupwesto ng mga kagamitan, suplay at kagamitang pandigma; pagpapakat ng mga pwersa at kagamitang pandigma.”

Ang mga “pinagkasunduang lokasyon” na ito ay ipinagagamit sa US “nang walang renta o katulad na halaga.” Hindi inoobliga ng kasunduan ang US na magbayad para sa kahit anong pagkawasak sa kalikasan na maaaring idulot ng pagtatapon ng nakalalason o delikadong mga materyal. Matatandaan na iniwan ng US ang Clark Air Base at Subic Naval Base nang hindi nilinis ang kanilang mga basura na lumason sa mga bukal at tubig dagat at mga lamang-dagat.

Partikular na pinagkakalooban din ng EDCA ang US ng karapatang gumamit ng pampublikong lupain at pasilidad tulad ng mga daanan, daungan at paliparan, kabilang na ang mga pagmamay-ari o kontrolado ng mga lokal na gubyerno.

Liban pa sa karapatang gumamit ng mga daanan, daungan at paliparan, pinahihintulutan din ng EDCA ang US na magpatakbo ng sarili nitong sistema sa telekomunikasyon, paggamit sa “lahat ng kinakailangan spectrum sa radyo” na ipagkakaloob nang “walang bayad.” Ganap na kabaligtaran ito kung paanong dapat kumuha ng lisensya at magbayad para makagamit ng mga ere sa radyo ang mga Pilipino. Dagdag pa, binibigyan ng EDCA ang US ng pribilehiyong gumamit ng tubig, kuryente at iba pang pampublikong yutilidad na mas murang singil, alinsunod sa mga kasunduan at kundisyon, kabilang na ang mga upa at bayarin, na katumbas ng tinatamasa ng gubyerno ng Pilipinas at ng AFP.

Binibigyan ng absolutong kontrol ang militar ng US sa mga lokasyong ito hanggang ang mga ito ay “hindi na kailangan ng United States,” nangangahulugang kahit hanggang kailan nito gusto at kailangang gamitin ang mga lokasyong ito. Isinuko ng gubyerno ng Pilipinas ang soberanya at walang awtoridad sa mga base militar at pasilidad ng US liban na lamang sa mga paraang aprubado ng US.

Pinagkakalooban ng espesyal na katayuang ligal ang mga sundalong Amerikano at, liban sa ilang kaso, ay hindi saklaw ng mga batas kriminal at sibil ng Pilipinas sa panahong nakatigil sila sa bansa. Sa kasaysayan at hanggang sa ngayon, ang presenya ng tropang militar ng US ay lagi’t laging nagdadala ng malubhang pinsalang panlipunan kabilang na ang prostitusyon, dislokasyong pang-ekonomya at kahirapan. Sa ilalim ng VFA, ang mga abuso at krimeng ginawa ng mga sundalo ng US habang nasa Pilipinas ay hindi naparurusahan. Kahit sa mga tampok na kaso tulad ng Subic Rape Case at pagpatay kay Jennifer Laude, ang mga hinatulang sundalo ng US ay nakatamasa ng mga pribilehiyong ligal at inilipad palabas ng bansa nang hindi naparusahan sa kanilang mga krimen.

Ibasura ang EDCA at ibang hindi patas na kasunduan, pauwiin ang lahat ng mga tropang Amerikano

Dapat igiit ng mamamayang Pilipino ang pagbabasura sa EDCA, sa VFA, sa Mutual Defense Treaty at lahat ng iba pang hindi patas na kasunduang militar sa US. Ang mga kasunduang ito ay ang pinakatampok na manipestasyon ng ganap na kawalan ng soberanya ng Pilipinas. Ang mga kasunduang ito ay nagtatali sa patakarang panlabas ng bansa sa US at inaalis ang kakayahan ng mamamayang Pilipino na iguhit ang kapalaran ng bansa.

Lahat ng kasunduang ito’y lubos na nagbibigay sa United States ng kapangyarihang gamitin ang Pilipinas bilang isang malaking base militar para magsilbi sa geopulitikal na interes nito sa rehiyon. Sa harap ng umiigting na tunggaliang imperyalista sa pagitan ng US at China, at tumitinding pang-uupat ng gera ng US, hinihigop ng mga ito ang Pilipinas sa alimpuyo ng posibleng gera sa pagitan ng mga higanteng superpower.

Dapat hindi sumalalay ang Pilipinas sa militar ng US o kahit anong soberanong kapangyarihan para ipagtanggol ang sariling lupain at teritoryong pandagat. Kung hindi’y ipinasasakamay ng Pilipinas ang soberanya nito sa US. Dapat kumilos ang mamamayang Pilipino na ipatigil ang umiigting na pag-ikid ng paparaming pagpapapakat ng pwersang militar na nagdadala ng sitwasyon sa rehiyon at buong mundao papalapit sa bingit ng lantarang armadong tunggalian.

Dapat igiit ng mamamayang Pilipino ang pagbabasura sa mga hindi patas na kasunduang militar na nagpapatibay sa pangmilitar na pagsalalay ng Pilipinas sa US. Dapat nilang labanan ang pangangayupapa ng rehimeng Marcos sa mga dikta ng US sa militar, ekonomya, at pulitika. Dapat isulong ng Pilipinas ang panlabas na patakaran ng kapayapaan habang pinauunlad nito ang nagsasariling kakayahan bilang bansa na ipagtanggol ang sarili sa aspetong militar, na maaari lamang makamit sa pamamagitan ng kasarinlang pang-ekonomya at pampulitika at ganap na pambansang kalayaan.

Wakasan ang permanenteng presensyang militar ng US sa Pilipinas