Walang dahilan na muling manungkulan si Duterte

Todong sakripisyo’t pasakit ang aasahan ng sambayanan kung mananatili sa estado poder ng lampas sa 2022 ang rehimeng Duterte.

Sa pahayag ni Digong kahapon, inanunsyo niya na siya’y tatakbo bilang bise presidente sa darating na eleksyong 2022 at ipagpapatuloy pa umano ang kanyang krusada laban sa iligal na droga, insurhensya at kriminalidad.

Dapat manalamin ni Digong para makita niya na wala na siyang karapatang manungkulan, lalo’y ipagpatuloy pa ang kanyang madugo at magastos na gera laban sa sambayanang Pilipino.

Hugas-kamay at ipinagmamalaki pa ni Digong ang kanyang mahaba at madugong rekord ng paglabag sa karapatang pantao, korapsyon, at kriminalidad sa bansa.

Sa likod ng kanyang kawalang pananagutan, naghahangad at naghahabol ang buhong na pangulo ng kanyang huling alas para makatakas sa kanyang mga kasalanan sa sambayanan at gamitin ang natitira niyang sandali para itayo ang isang bloke pabor sa kanyang pamumuno.

Hindi dapat pahintulutan na makapanatili ang rehimeng Duterte sa Malacañang. Dapat itakwil at labanan ang lahat ng kanyang mga plano para kopohin ang kapangyarihang pampulitika sa bansa nang lampas sa 2022.

Si Digong ang tunay na terorista. Siya ay mamamatay tao at pinuno ng kapabayaan sa panahon ng pandemya.#

Walang dahilan na muling manungkulan si Duterte