Walang tigil-putukan ngayong kapaskuhan dahil sa walang humpay na gera ng panunupil at batas militar sa kanayunan
Hindi makapagdedeklara ng tigil-putukan ngayong kapasukhan ang Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa harap ng walang humpay na gerang panunupil ng rehimeng Marcos, mga opensibong operasyong pangmilitar at pagpapataw ng batas militar sa kanayunan.
Sa desperasyong durugin ang paglaban ng bayan, kasalukuyang nagsasagawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga operasyong militar sa buong bansa laban sa Partido at BHB. Para pagandahin ang imahe nito sa publiko, pinaigting ng AFP ang gerang disimpormasyon upang papaniwalain ang publiko sa kabulastugang “isang pinahinang” larangang gerilya na lamang ang hawak ng Bagong Hukbong Bayan. Subalit pinabubulaanan ito mismo ng kanilang sariling kilos. Milyun-milyong piso ang kasalukuyang nilulustay sa malalaking pagpakat ng pwersa at opensiba sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Sa likod ng mga “insurgency-free” na deklarasyong pampropaganda, ipinapataw ng rehimeng Marcos, sa pamamagitan ng AFP, ang sa aktwal ay batas militar sa maraming interyor na barangay sa Ilocos Norte, Abra, Kalinga, Cagayan, Isabela, Bulacan, Aurora, Laguna, Quezon, Mindoro Oriental, Mindoro Occidental, Camarines Norte, Albay, Sorsogon, Masbate, Capiz, Aklan, Negros Occidental, Negros Oriental, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, mga prubinsya sa Surigao, mga prubinsya sa Agusan, Bukidnon, Davao del Norte, mga prubinsya sa Lanao , at iba pa.
Ang digmang panunupil na ito na isinasagawa ni Marcos at ng AFP ay kinatatangian ng walang habas na pagyurak sa mga karapatang pampulitika at sibil, pati na rin sa mga internasyunal na makataong batas.
Kinatatampukan ito ng sumusunod:
- okupasyon ng militar sa ilandaang barangay sa kanayunan
- brutal na paghuhulog ng bomba mula sa ere at panganganyon ng mga komunidad
- pagpapataw ng mga tsekpoynt upang limitahan ang paggalaw ng mga tao
- pagharang sa mga magsasaka na magsaka sa bukid na nagreresulta sa pagkalugi
- pagboblokeyo sa pagkain at paghihigpit sa komersyo
- aktibong paghikayat ng mga sundalo ng paggamit ng droga, pornograpiya at iba pang mga anti-sosyal na bisyo sa mga kabataan sa komunidad
- mga magdamagang inuman ng mga sundalo ng AFP at walang pakundangang pagpapaputok ng mga baril kapag nalasing
- pagkakasangkot ng mga sundalo ng AFP sa dumaraming insidente ng pang-aabuso at panggagahasa sa mga kababaihan
- sapilitang rekrutment sa CAFGU
- pwersahang pagpapatrabaho at pang-aalila ng mga sundalo sa mga tao para sa kanilang mga detatsment (tulad ng pag-igib ng tubig pampaligo)
- walang humpay na pagharas sa mga magsasaka sa pagbabahay-bahay sa tabing ng “pagpapasurender” ng AFP
- pagtaas ng bilang ng mga kaso ng pagdukot at ekstrahudisyal na pamamaslang, mga masaker, hindi makatarungang pag-aaresto, pagtortyur sa mga sibilyan; at
- pang-aagaw ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka at mga katutubong mamamayan para sa mga mapangwasak na operasyon ng pagmimina, mga plantasyon at mga proyektong pang-imprastruktura.
Milyun-milyon ang nagdurusa sa lahat ng uri ng pang-aapi sa ilalim ng gerang panunupil ng rehimeng Marcos. Dagdag pa, nagdurusa rin sila sa malubhang pagpapabaya ni Marcos sa kapakanan ng milyun-milyong biktima ng mga kamakailang kalamidad. Lalo pa silang magdurusa sa susunod na taon dahil sa mga pagkakaltas ng badyet sa kalusugan at edukasyon, at pagtaas ng badyet para sa pasismo (kasama ang karagdagang badyet ng AFP at NTF-Elcac) at korapsyon (kasama ang napakalaking badyet para sa DPWH at maaanomalyang proyekto pang-imprastruktura ni Marcos).
Ang sitwasyon ay nagtutulak sa Bagong Hukbong Bayan na matatag na isulong ang armadong paglaban at maglunsad ng mga taktikal na opensiba, laluna laban sa pinakakinasusuklamang tropang pasista na responsable sa mga esktra-hudisyal na pamamaslang, mga masaker at lahat ng uri ng terorismo. Ito ay upang ipagtanggol ang taumbayan at tugunan ang kanilang lumalakas na panawagan para sa katarungan at pagwawakas sa batas militar sa kanilang mga lugar.
Bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-56 na anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang mga yunit ng BHB at mga lokal na organisasyon ng masa ng mga magsasaka sa kanayunan ay abala sa paghahanda ng mga pagpupulong at maliliit na pagtitipon upang ipagdiwang ang mga nakaraang tagumpay, tasahin ang mga kahinaan at kalakasan, at muling pagtibayin ang kanilang kapasyahan na maglunsad ng mas malalaking pakikibaka sa susunod na taon.
Ang sunud-sunod na mga deklarasyong “insurgency-free” sa nakaraang mga linggo ng mga upisyal ni Marcos at mga upisyal ng militar ay panabing lamang sa katotohanang nakapataw ang batas militar sa kanayunan. Ito ay nagpapalakas lamang ng loob ng sambayanang Pilipino, ng Partido at ng Bagong Hukbong Bayan na lalong ikalat ang apoy ng digmang bayan. Taglay ang di-natitinag na diwa ng pakikibaka at determinasyong lumaban, tiyak na hindi magugupo ang rebolusyonaryong armadong paglaban, ngayong taon man o kailanpaman.