Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  
Manindigan Para sa Sosyalismo Laban sa Modernong Rebisyunismo

I. Ang Marxista-Leninistang Paninindigan ng Partido Laban sa Modernong Rebisyunismo



Read in English Basahon sa Hiligaynon
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>

Armando Liwanag, Tagapangulo, Partido Komunista ng Pilipinas

Enero 15, 1992


Ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre ng Partido na patuloy na sumalig sa Marxista-Leninistang paninindigan sa modernong rebisyunismo at masusing sumubaybay sa mga kaganapan sa Unyong Sobyet at Silangang Europa mula pa noong maagang bahagi ng dekada sisenta ay di nagtaka sa kasuklam-suklam na antisosyalista at antidemokratikong hinantungan ng modernong rebisyunismo.

Hindi dapat kalimutan ng Partido na ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre na nagtatag dito ay nagkaroon ng pagkakataong kumilos kasama ang mga labi ng lumang pinagsanib na Partido ng mga partido Komunista at Sosyalista mula pa noong maagang bahagi ng 1963 batay sa napagkaisahang kasunduan na ang muling paglulunsad ng anti-imperyalista at antipyudal na pakikibakang masa ay nangahulugan ng muling paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang lumang pinagsanib na partido ay sasalig sa rebolusyonaryong esensya ng Marxismo-Leninismo at itatakwil ang rebisyunistang linyang Khruschov na burges na populismo at pasipismo at ang sumunod na Khruschovismo kahit wala na si Khruschov sa panahon ng rehimeng Breshnev.

Kaya, noong Abril, 1967 nang nilabag ng mga taksil na rebisyunistang Lava ang napagkaisahang kasunduan at binalewala ang Komiteng Tagapagpaganap na nabuo noong 1963, ay nangailangang ilatag ang kalagayan para sa muling pagtatayo ng Partido bilang isang proletaryong rebolusyonaryong partido. Kahit sino ay maaaring alalahanin ang lubhang magkatunggaling proklamasyon ng mga proletaryong rebolusyonaryo at ng mga taksil na rebisyunistang Lava na ang una'y inilathala sa Peking (Beijing) Review at ang ikalawa'y sa Prague Information Bulletin sa loob ng unang linggo ng Mayo, 1967.

Ang muling pagtatayo ng Partido sa pundasyong teoretikal ng Marxismo-Leninismo noong Disyembre 26, 1968 ay nangangahulugan ng pagpuna at pagtatakwil sa lahat ng mga suhetibista at oportunistang kamalian ng rebisyunistang grupong Lava at ng modernong rebisyunismo na isinapraktika at ipinalaganap ng grupong ito sa bansa at ng mga magkakasunod na rebisyunistang pangkating Sobyet sa pandaigdigang saklaw.

Ang pagpuna at pagtatakwil ng modernong rebisyunismo ay mga pundamental na nilalaman ng muling pagtatayo ng Partido at nakasaad sa mga saligang dokumento ang pagwawasto, "Iwasto ang Kamalian at Muling Itayo ang Partido" at sa Programa't Saligang Batas ng Partido. Ang mga dokumentong ito'y nananatiling wasto at epektibo. Walang anumang namumunong organo ng PKP ang may kapangyarihan at dahilan para baguhin at itakwil ang pagpuna at pagtatakwil sa modernong rebisyunismo ng Kongreso ng Muling Pagtatayo noong 1968.

Noong huling bahagi ng dekada sitenta, pinagpasyahan ng Partido na magpalawak ang rebolusyonaryong kilusan sa ugnayang pandaigdigan nito dagdag pa sa relasyon ng Partido sa mga Marxista Leninistang partido at organisasyon sa labas ng bansa. Ang pandaigdigang kinatawan ng NDF ay tinagubilinang pag-aralan ang mga posibilidad para makakilos ang NDF tulad ng Palestinian Liberation Organizations, African National Congress at iba pang mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa pagpapalawak ng mapagkaibigan at diplomatikong relasyon sa lahat ng mga pwersa sa ibayong-dagat na nais magbigay ng suportang moral at materyal sa rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas sa anumang mayor na usapin at kahit anong saklaw. Ang linyang ito sa ugnayang panlabas ay umaalinsunod sa Marxista-Leninistang paninindigan ng Partido at ng pandaigdigang nagkakaisang prente laban sa imperyalismo.

Noong 1982, isang tiyak na mungkahi ang lumitaw na ang NDF o sinuman sa mga kasaping organisasyon nito ay buong sigasig na mag-ayos ng mapagkaibigang relasyon sa mga naghaharing partido sa Unyong Sobyet at Silangang Europa at ganoondin sa mga partido at kilusan na may mahigpit na ugnayan sa CPSU. Gayunman, ang mungkahing ito'y isinantabi at ang kinatigan ay ang kontra mungkahi ng pandaigdigang Kagawarang Liyason (ILD) ng Komite Sentral ng Partido na ang Partido at hindi ang NDF ang dapat mag-aral at magtayo ng relasyong "praternal" sa mga naghaharing partido ng Unyong Sobyet at Silangang Europa at iba pang mga kaugnay na partido.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20   Next>
Back to CPP Documents


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.