Home   Publications   References  

Features

  Multimedia   Utilities  
Larawan ni Pomeroy: Taksil na Rebisyunista

Tala ng Pagkakalimbag



Read in English
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   

Amado Guerrero

Abril 22, 1972

Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tse Tung
Partido Komunista ng Pilipinas

Ang aklat na ito ay isang kalipunan ng anim na panunuring salaysay na isinulat ni Tagapangulong Amado Guerrero upang ipagtanggol ang pandaigdigang teorya ng Marxismo-Leninismo at ang proletaryadong rebolusyonaryong linya ng Partido Komunista ng Pilipinas, gayundin upang bakahin ang malawak na kalipunan ng mga oportunista at rebisyunistang kaisipan na inilalako sa anim na aklat ng kontra-rebolusyonaryong taksil at eskirol na si William J. Pomeroy.

Unang nalathala ang anim na panunuring salaysay na ito sa magkakahiwalay na espesyal na edisyon ng Ang Bayan, ang opisyal na pahayagan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa pagbubuo ng aklat, ilang rebisyon ang isinagawa ni Tagapangulong Amado Guerrero sa orihinal na teksto at pamagat ng mga sanaysay.

Malinaw kung bakit dapat pagtuunan nang masusing pansin si Pomeroy. Siya ang pinakamatabil sa pangkatin ng mga taksil na rebisyunistang Lava sa pagpapalaganap sa Pilipinas at sa ibayong dagat ng mga kontra-rebolusyonaryo at rebisyunistang kaisipan. Ang kanyang mga aklat ay ipinamudmod ng mga taksil na rebisyunistang Ruso, Amerikano at Pilipino.

Di hamak ang galing ni pomeroy magpalaganap ng mga mapanirang kaisipan kaysa mismo sa mga Lava, ang mga dinastikong lider na taksil na rebisyunista sa Pilipinas, na kakaunti lamang ang mga akda at magaspang ang pagkakasulat. Sa katunayan, madalas sipiin at gawing sanggunian ng mga taksil na rebisyunistang Lava ang kanyang mga akda na tinitingala siya bilang isang awtoridad sa ideolohiya.

Sa mga taksil na rebisyunistang pangkating Lava, si Pomeroy ang kasalukuyang itinuturing na pinakamatapat na alagad ng sosyal-imperyalismong Sobyet. Sa tabing ng mga rebisyunistang bukambibig gumanap din siya bilang espesyal na ahente ng imperyalismong Amerikano. May sapat na mga katibayang magpapatunay na espiya siya ng imperyalismong Amerikano, na ang misyon ay sabotahiin ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.

Bantog na rin sa Pilipinas ang kanyang kontra-rebolusyonaryong rekord. Nakipagsabwatan siya sa imbing anti-komunistang si Luis Taruc sa pagsusulat ng "sariling talambuhay" ng kataksilan, ang librong Born of the People. Kunwari'y nangangalap siya ng materyales para sa librong ito, pero impormasyon para sa imperyalismong Amerikano ang kinakalap niya. Kasabay niyon, dinakila niya si Taruc sa paraang suwabeng maipapalaganap ang kontra-rebolusyonaryong kaisipan at ang buktot na linyang palasuko. Para makalubog sa lumang nagsanib na partido, bumuntot siya sa pangkating Jose-Jesus Lava sa pagpapalipat-lipat sa kanan at "kaliwang" oportunismo.

Tapos kusang sumuko sa mga kaaway sa panahon ng Operation "Four Roses" noong 1952, namalagi siya sa kulungan para lalmang maging bahagi ng reaksiyonaryong kampanya ng gobyerno na sirain ang loob ng mga bilanggong pulitikal at simiutin ang mga impormasyong mapipiga sa rebolusyonaryong kilusang masa. Sa loob ng kulungan isinulat niya ang unang borador ng pesimistikong aklat na The Forest sa kabila ng ilang pagtutol. Dala ng pamamagitan ng gobyernong Amerikano, pinalaya siya bago matapos ang taong 1961, na mas maaga nang sampung taon kaysa sa kanyang mga kasamahan na nasintensyahan ng habambuhay na pagkabilanggo. Kaakibat ang kanyang paglaya ng suporta ng imperyalismong Amerikano sa mga mapangwasak na gawain ng taksil na rebisyunistang pangkating Kruschov sa pandaigdigang kilusang komunista. Dahil sa husay niyang tumahi-tahi ng mga kasinungalingan, napisil siya ng amo niyang imperyalistang Amerikano para sa isang bagong misyon.

Pagkalayang-pagkalaya, agad sinimulan ni Pomeroy ang pagpapakulo ng mga rebisyunistang propaganda. Inilathala niya ang librong The Forest (1963) at ang Guerilla Warfare and Counter-Guerilla Warfare (1964) sa pagtatangkang mapalabas na hindi angkop ang teoryang digmaang bayan ni Tagapangulong Mao para sa Pilipinas at sa iba pang bansa. Sa posturang isang nagwawastong "kaliwang" oportunista, itinaguyod niya ang kontra-rebolusyonaryong linya ng "mapayapang pakikipamuhay, mapayapang pagbabago at mapayapang kompetensya" ng taksil na rebisyunistang pangkating Kruschov.

Nang magamayan ang ganap na pag-unlad ng oportunismo tungo sa imperyalismo sa Unyong Sobyet, kumabit siya sa taksil na rebisyunistang pangkating Breshnev. Sinulat niya ang Half a Century of Socialism (1967) bilang papuri sa panunumbalik ng kapitalismo sa Unyong Sobyet sa lahat ng larangan, at bilang pagtuligsa sa Rebolusyong Oktubre at sa mga dakilang lider komunista. Kasunod niyon, inihanda niya ang librong Guerilla Warfare and Marxism (1968), isang koleksiyon ng mga sipi ng mga Marxista at anti-Marxistang akda (pati na mga sipi sa akda niya) kung saan pinangibabaw niya ang sarili niyang rebisyunistang pananaw. Sa aklat na ito muli niyang tinangkang ibasura ang teorya ng digmang bayan.

Lantaran na siyang nagpakilalang ahente ng imperyalismong Amerikano, bukod pa sa pagiging ahente ng sosyal-imperyalismong Sobyet, sa pagsusulat niya ng librong American Neocolonialism (1970) na ang layon ay hindi upang ilantad ang neokolonyalismong Amerikano, kundi upang gamitin ang salitang 'neokolonyalismo' na tulad ng kahulugan sa teorya ni Kautsky na "supra-imperyalismo" at pagkatapos ay linisin ang kolonyal na rekord ng karahasan at kasakiman ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas mula sa pagpasok ng kasalukuyang siglo hanggang sa taong 1946.

Ang masusing pag-aaral sa mga aklat ni Pomeroy ay magbibigay sa atin ng malinaw na pag-unawa sa pagiging anti-Marxista at anti-Leninista ng taksil na rebisyunistang pangkating Lava at makapagpapatalas sa ating pga-unawa sa pandaigdigang teorya ng Marxismo-Leninismo at kaisipang Mao Tsetung. Makatutulong din ito sa paglalim ng pag-unawa natin sa rebolusyonaryong liniya at sa pagbigo sa mga hakbang ng mga taksil na rebisyunistang Sobyet at ng kanilang mga lokal na ahente na wasakin at sabotahiin ang Rebolusyong Pilipino, ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya.


Back to top
<Prev   1  2  3  4  5  6  7  8  9  10  11  12  13  14  15  16  17  18  19  20  21  22  23  24  25  26  27   Next>


[ HOME|Publications | References | Organizations |Features]
[ Multimedia | Utilities]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.