Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan

ni Amado Guerrero

Narito ang upisyal na salin sa Pilipino ng Specific Characteristics of Our People's War. Pangunahing ibinatay ito sa isinaayos na salin ng Kawsa noong Nobyembre 1982. Isinaayos ang naturang salin ng Kawsa alinsunod sa memo ng KTKS ng Enero 30, 1998. May pinadulas at isinaayos ding ilan pang bahagi sa salin ng Kawsa 1982.

Pambansang Kagawaran sa Edukasyon - Pangkalahatang Kalihiman
Pebrero 1998

Sa walang pagkasaid na kabangyaman ng Marxismo-Leninismo ay humahango tayo ng mga batayang prinsipyo at istorikong aral para bigyan ng liwanag ang digmang bayang inilulunsad natin. Pero pangkalahatan ang halaga ng mga ito, pangkahalatang gabay sa pagkilos natin. Gagawin nating patay na dogma ang nabanggit na mga prinsipyo't aral kung makukuntento tayo nang hindi isinasanib ang mga ito sa kongkreto nating praktika. Kung babalewalain naman natin, bulag tayong kikilos.

Ang dogmatismo at empirisismo ay parehong kasumpa-sumpa sa mga komunista. Gaya ng sa lahat ng bagay, dapat nating pagsanibin ang teorya at praktika sa kondukta ng digmang bayan. Dapat ilapat ang unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong sa mga kongkretong kundisyon ng Rebolusyong Pilipino. Mahigpit tayong tumatalima sa turo ng dakilang Lenin na ang kaluluwa ng Marxismo ay ang kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga partikular na katangian ng ating sariling digmang bayan natin mauunawaan ang mga batas na nagpapakilos dito, at sa gayo'y mapagtitibay at maipapatupad natin ang wastong estratehiya at mga taktika para sa pagsusulong nito tungo sa tagumpay.

Ang mga batayang prinsipyo at istorikong aral na naipundasyon na sa unibersal na teorya ng rebolusyonaryong proletaryado ay pinagbuwisan ng buhay ng iba't ibang sambayanang nagtagumpay sa kani-kanilang mga rebolusyon. Pero kung ang pag-uusapan ay ang pagsusulong at pagtatagumpay ng sarili nating digmang bayan, wala nang mas importante pa kaysa mga prinsipyo't aral na natutuhan natin batay sa mga kundisyon sa Pilipinas at sa sarili nating karanasang rebolusyonaryo. Kaugnay nito, pinakamataas ang pagpapahalaga natin sa mga prinsipyo't aral na pinagbuwisan ng buhay ng sarili nating mamamayan.

Nagsasaniban ang teoryang Marxista-Leninista at praktika ng Pilipinas. Hindi lamang natin pinakikinabangan ang mga tagumpay na natamo sa ibang bayan para ipagtagumpay ang sarili nating rebolusyon, kundi inaasahan din nating idagdag ang sariling tagumpay sa tagumpay ng iba at ibigay ang ilang kapaki-pakinabang na ambag sa pagsusulong sa Marxismo-Leninismo at pandaigdigang rebolusyong proletaryo, para sa wakas ay lumaya ang sangkatauhan sa salot ng imperyalismo at pumasok sa panahon ng komunismo. Sa kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino, naglulunsad tayo ng digmang bayan, ng isang digmang rebolusyonaryo, dahil ito ang tanging paraan para wakasan ang armadong pang-aapi sa mamamayan na ginagawa ng reaksyonaryong estadong instrumento ng uring malaking kumprador-panginoong maylupa.

Para komprehensibong maintindihan ang mga partikular na katangian ng ating digmang bayan, dapat nating isaalang-alang ang mga partikular na kundisyon tulad ng sumusunod: naaayon ang ating digmang bayan sa bagong tipo ng rebolusyong pambansa-demokratiko; kailangang matagalan ang digmang ilulunsad natin sa kanayunan; mabundok na kapuluan ang larangan ng ating pakikipaglaban; malaki't malakas ang kaaway samantalang maliit at mahina pa tayo; sumulpot ang pasistang diktadura sa gitna ng krisis sa pulitika't ekonomya ng naghaharing sistema; iisang kapangyarihang imperyalista ang naghahari sa bayan kaya unipikado ang armadong reaksyon, liban sa timog-kanlurang Mindanao; at pabulusok ang imperyalismong US sa Asya at sa buong mundo habang sumusulong ang pandaigdigang rebolusyon sa gitna ng pangkalahatang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista na wala pang katulad mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa pagtalakay sa mga partikular na katangian ng ating digmang bayan ay kailangan nating tukuyin ang ilang mga bentahe at disbentahe o lakas at kahinaan. Kasabay nito, agad nating tinutukoy kung sa anong pangkalahatang proseso natin malulubos ang mga bentahe't lakas at mapangibabawan ang mga disbentahe't kahinaan.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >


NILALAMAN:

Introduksyon

1. Ang Bagong Tipo ng Rebolusyong Pambansa-Demokratiko

2. Matagalang Digma sa Kanayunan

3. Labanan sa Maliit at Mabundok na Kapuluan

4. Mula sa Maliit at Mahina tungo sa Malaki at Malakas

5. Paglitaw ng Papet na Pasistang Diktadura sa gitna ng Krisis

6. Sa Ilalim ng Iisang Kapangyarihang Imperyalista

7. Ang Pagbulusok ng Imperyalismong US at Pagsulong ng Rebolusyong Pandaigdig



Download PDF file

 Read in English

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.