Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

7. ANG PAGBULUSOK NG IMPERYALISMONG US AT PAGSULONG NG REBOLUSYONG PANDAIGDIG

Malaking bentahe ang dulot ngayon sa rebolusyong Pilipino, partikular sa ating digmang bayan, ng pagbulusok ng imperyalismong US sa Asya at sa buong mundo at ng kaalinsabay nitong pagsulong ng rebolusyong pandaigdig. Patuloy na sumusulong ang rebolusyon bilang pangunahing tunguhin dahil walang tigil na lumalala ang krisis ng imperyalismong US at ng buong sistemang kapitalista.

Nang biguin ng United States ang lumang rebolusyong pambansa-demokratiko sa Pilipinas sa umpisa ng kasalukuyang siglo, nag-uumpisang bumwelo ang lakas nito bilang kapangyarihang imperyalista. Kahit nagapi na ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang kolonyalismong Espanyol, hindi pa sila handa sa ideolohiya, pulitika at organisasyon para talunin ang modernong kapangyarihang imperyalista. Ni wala pa mang obhetibong kundisyon sa loob at labas ng bayan na kagyat na magpapalitaw sa suhetibong pwersa na makapamumuno sa digmang bayan laban sa mga mananalakay na Amerikano sa Pilipinas.

Niyanig at pinahina ng Unang Digmaang Pandaigdig ang buong sistemang kapitalista hanggang malikha nito ang kundisyon para magtagumpay ang Rebolusyong Oktubre hanggang maitatag ng unang estadong sosyalista sa ikaanim ng bahagi ng mundo. Mula sa burges-demokratiko ay naging proletaryo-sosyalista ang katangian ng pandaigdigang rebolusyon. Pero sa lahat ng mga kapangyarihang imperyalista, ang may hawak sa Pilipinas ang nakakuha ng pinakamalaking pakinabang sa digmaang imperyalista. Bukod pa'y natanganan pa rin ng mga imperyalista at kolonyalista ang mga kolonya at malakolonya nila kahit naging mas kapansin-pansin na ang kabuwayan ng paghahari nila sa mga ito.

Pinanatili ng imperyalismong US ang mahigpit na hawak sa kolonya nitong Pilipinas. Patuloy itong nag-alaga ng grupo ng mga reaksyonaryong pulitiko na nauutus-utusan, at lalo nitong ginamit ang bayan bilang baseng lunsaran ng pagpapalawak sa Asya. Noon 1930 lamang naitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas sa kundisyong may pandaigdigang depresyon at naliligalig ang pambansang lipunan.

Patuloy na dumanas ng pangkalahatang krisis ang sistemang kapitalista sa daigdig kahit na katatapos pa lamang ng unang digmaang imperyalista. Sumunod ay sumulpot ang mga rehimeng pasista sa ilang mga bayan ng kanlurang Europa at sa Japan. Lalong sumidhi ang tunggalian ng mga kapangyarihang imperyalista para muling hatiin ang daigdig. Di naiwasang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tulad ng nangyari noong unang digmaang imperyalista, bago pa magkagera at sa buong takbo nito'y tumubo ang United States sa mga pautang at produksyong pandigma at nagsuplay sa magkabilang panig hanggang sa handa na siyang kumampi sa nananalong panig at mandambong.

Pagkatapos ng gera, ang United States ang naging numero unong kapangyarihang imperyalista, pagkaraang kamtin ang hegemonya sa buong sistemang kapitalista at akuin ang prinsipal na responsibilidad na panatilihin ang mga kolonya at malakolonya sa buong mundo. Nasa matatag na pusisyon ang US para bawiin ang Pilipinas sa mga pasistang Hapones at sugpuin ang rebolusyonaryong pwersa rito. Bukod pa, malaki ang naitulong sa US ng grabeng pagkakamali ng rebisyonistang mga pangkatin nina Lava at Taruc na walang lihis na tumahak sa linyang ipailalim ang kilusang rebolusyonaryo sa pakana ng US na pagkalooban ang Pilipinas ng huwad na kasarinlan. Nawaldas at nawala ang mga tagumpay ng pwersang rebolusyonaryo, na natamo nila nang pansamantalang umurong ang pwersa ng US mula sa Pilipinas. Nang mabawi ng imperyalismong US ang Pilipinas, nag-umpisa itong magpalawak sa Asya at kumontra sa bawat kilusang anti-imperyalista sa rehiyon.

Pero sa kabila ng wari'y sobra-sobrang lakas ng imperyalismong US, higit kailanma'y mas malaki ang ipinanghina ng buong sistemang kapitalista. Lumitaw sa malawak na bahagi ng mundo, sa Asya at sa Silangang Europa, ang mga demokrasyang bayang pinamumunuan ng mga partido Komunista at partidong manggagawa. Sa Asya, lumitaw ang Demokratikong Republika ng Byetnam, ang Demokratikong Republikang Bayan ng Korea at ang Republikang Bayan ng Tsina. Sumaklaw sa sangkatlo ng sangkatauhan ang mga bayang sosyalista. Sa mga kolonya at malakolonya, sumulong ang mga kilusan sa pambansang pagpapalaya, taglay ang wala pang katulad na lakas. Kaya kumitid at di maiiwasang kumitid pa ang teritoryong pang-ekonomya ng buong sistemang kapitalista.

Ang tagumpay ng Rebolusyong Tsina at ang pagtatatag ng Republikang Bayan ng Tsina ang nagsilbing pinakamatinding dagok sa mga kapangyarihang imperyalista, at nangyari ito di nagtagal pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nawala sa kanila ang mga saklaw ng impluwensya sa malaking bayang iyon na malaki ang populasyon (sangkapat ng sangkatauhan), sa kabila ng pagkalaki-laking tulong militar at pang-ekonomya ng imperyalismong US sa mga reaksyonaryong Kuomintang. Tuluyan nang nabutasan ang larangang imperyalista sa Silangan. Hindi masusukat ang pandaigdigang kahalagahan ng dakilang tagumpay na ito. Ikinasindak ng imperyalismong US ang impluwensya ng Rebolusyong Tsino kahit sa Asya lamang. Ang mga mamamayan at bansang api sa Asya, Aprika at Amerika Latina ay nag-umpisang tumingala sa Tsina dahil sa rebolusyonaryong inspirasyon ibinibigay nito.

Di nagtagal matapos lumaya ang Tsina, naglunsad ang imperyalismong US ng digmang agresyon laban sa Demokratikong Republikang Bayan ng Korea at nabigo sa layuning sakupin ang buong Korea. Pagkatapos, binuo ng imperyalismong US ang Organisasyon ng Tratado sa Timog-silangang Asya (Southeast Asia Treaty Organization o SEATO) at nilabag ang mga kasunduan sa Geneva tungkol sa Indotsina. Dahil hindi natuto sa mga aral sa gera sa Korea, muli itong naglunsad ng digmang agresyon sa Byetnam, at nagtangkang gapiin ang mamamayan ng Timog Byetnam, wasakin ang Demokratikong Republika ng Byetnam at sakupin ang buong Indotsina. Sa kainitan ng gera sa Byetnam, pitong daang libong (700,000) tropang panalakay ng US at isa't kalahating milyong (1,500,000) tropang papet ang ipinanlaban sa armadong pwersa ng mamamayan. May isang daa't limampung bilyong dolyar ($150,000,000) ang ginastos ng mga imperyalista ng US sa kanilang digma. Pero napilitan silang umurong nang talunan. Pinabilis ng gera sa Byetnam ang pagbulusok ng imperyalismong US hindi lamang sa Asya kundi pati sa buong mundo.

Ang mga bayang Tsino, Koreano at Indotsino ay puro karatig-bayan at kapatid ng bayang Pilipino. Ang kanilang mga tagumpay ay malaking inspirasyon sa mamamayang Pilipino at may obhetibong mga epektong paborable sa paglaki at pagsulong ng Rebolusyong Pilipino. Bukod sa mga tagumpay na ito'y may namumukod na penomenon sa Asya na nagpapaaliwalas sa hinaharap ng digmang bayan sa Pilipinas. Ito ay ang pagpapatuloy ng mga rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong Timog-silangang Asya mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kahit noong kasukdulan ng kapangyarihan ng imperyalismong US, hindi nito nasupil ang mga iyon; hindi nito epektibong nagamit ang SEATO na batbat ng hidwaan. Hanggang ngayon, ang namumukod at matagumpay sa lahat ng iyon ay ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Indotsina. Pero ang lahat ng nagpupunyaging armadong pakikibaka sa Timog-silangang Asya, kabilang ang digmang bayan natin, ay maaasahang maging mas makabuluhan at mas epektibo habang lumalala ang gulo sa sistemang kapitalista at lalong bumubulusok ang imperyalismong US.

Binigyan ng diin ng mga rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Byetnam, Kampuchea at Laos ang katotohanan na matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging posible para sa mga mamamayan ng mga kolonya at malakolonya sa Silangan na magtayo ng malalaki at maliliit na rebolusyonaryong baseng purok sa loob ng mahabang panahon, maglunsad ng matagalang digmang rebolusyonaryo na papaligid sa syudad mula sa kanayunan, at pagkatapos ay unti-unting sumulong sa mga syudad at magkamit ng pambansang tagumpay. Tumpak na ipinakita ni Tagapangulong Mao sa pag-uumpisa ng dekadang ito na, "Pinatutunayan ng di mabilang na pangyayari na sagana sa suporta ang isang makatarungang simulain, habang kakarampot lamang ang suporta ng isang di makatarungang simulain. Matatalo ng mahinang bansa ang malakas, matatalo ng maliit na bansa ang malaki. Pihong matatalo ng mamamayan ng maliit na bayan ang agresyon ng malaking bayan kung pangangahasan lamang nilang mag-alsa at makibaka, mag-armas at lumaban, at hawakan ang kapalaran ng kanilang bayan. Batas ito ng kasaysayan!"

Nagawang magpatuloy ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Pilipinas kahit may ilang taon pa lamang buhat nang muli itong mag-umpisa na taglay ang napakaraming malinaw na disbentahe, (muling nag-umpisa mula sa halos wala sa maliit na bayang kapuluan, na pinaghaharian ng iisang kapangyarihang imperyalista at sa kundisyong walang lantarang digmaan ng mga reaksyonaryo at wala ring digmaan ng mga imperyalista). Isang importanteng paliwanag sa penomenong ito ay ang palala nang palalang krisis ng imperyalismong US at ng buong sistemang kapitalista at ang di mapigil na pagsulong ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo. May malalim na mga epekto sa loob ng bayan ang panlabas na kundisyong ito.

Di maiiwasang maging mas matindi ang anyo ang krisis ng imperyalismong US at ng buong sistemang kapitalista sa malakolonyal at malapyudal na Pilipinas kaysa sa United States o alinmang bayang kapitalista. Nangyayari ang ganito dahil tinitiyak ng bayang imperyalista na makapiga ng mas mataas na ganansya saanman pwede, laluna't binabawi nito ang mga lugi sa ibang lugar. Para lalong makapagsamantala, kailangang lalong mang-aapi. Kaya ang krisis sa pulitika ay naipapakita sa pasistang paghaharing militar at sa di matiis na pang-aabuso nito, na siyang pinakamasahol mula nang matapos ang pasistang pananakop ng Hapones. Katangian ng krisis sa ekonomya ang pamamayani ng mga dayuhang monopolyo, pangunahi'y monopolyong Amerikano, na walang patumanggang naglalabas ng supergansya mula sa tuwirang pamumuhunan at pautang, nagpapalala ng implasyon at kawalan ng hanapbuhay na ilang beses na mas grabe kaysa roon sa mga bayang kapitalista, at nagpapababa sa presyo ng hilaw na materyales na ineeksport. Di maiiwasan na ang maging resulta nito ay masuklam ang mamamayan sa imperyalismong US at sa pasistang gang ni Marcos, at madali silang mapasuporta at mapalahok sa armadong rebolusyon. May kumpyansa silang magtatagumpay sa kalaunan dahil alam nila ang mga pagkatalo at pangkalahatang pagbulusok ng imperyalismong US gayundin ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong mamamayan sa ibayong dagat.

Ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay niyayanig ngayon ng isang krisis na walang kasing-grabe at kasinggulo mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nakaugat ang krisis na ito sa pangyayaring ang imperyalismong US, na pumapapel na pangunahing haligi at pulis ng pandaigdigang kapitalismo, ay sumobra sa pag-iimprenta ng pera at sa pangungutang sa loob at labas ng US; sumobra sa pagkonsumo at pag-aksaya sa kayamanan ng mundo; sumobra sa paggastos para sa establisimyentong militar, laluna sa armamento, baseng militar sa ibang bayan at mga digmang agresyon; at dumanas ng katakut-takot na pinsala sa kamay ng mga mamamayan. Dahil lumiit ang teritoryong pang-ekonomya na pwedeng samantalahin ng mga imperyalista, lumiit na rin ang teritoryo para sa pagbibigayan ng mga kapitalistang bayan, at walang patutunguhan kundi umigting ang mga kontradiksyon ng mga kapitalista. Dahil dito'y tumatampok ang makauring tunggalian ng proletaryado at malaking burgesya sa bawat bayang kapitalista.

Tumitindi ang tunggalian ng dalawang superpower, ang imperyalismong US at sosyal-imperyalismong Sobyet, para maghari sa mundo at manaig sa pag-aarmas. Walang tigil nilang pinag-aagawan ang mga pamilihan, larangan ng pamumuhunan, pagkukunan ng hilaw na materyales at estratehikong pusisyon, at lagi silang nagkakabanggaan. Pinag-iimbutan nila ang mga saklaw ng impluwensya ng isa't isa. Nanggugulo sila sa ilang lugar sa mundo at nagtatangkang manipulahin ang sitwasyon para sa sariling pakinabang. Lagi nilang tinatangkang pabalikin ang di mapipigilang agos ng kasaysayan - gustong magsarili ng mga bayan, gustong lumaya ng mga bansa, at gustong magrebolusyon ng mga mamamayan. Paghahari-harian, agresyon, pakikialam, subersyon at pangongontrol ang makikita sa inaasal ng dalawang superpower sa mga usaping pandaigdig. Pero imbis na tuluyang magtagumpay, wala silang napapala kundi ang pagkondena at paglaban ng mamamayan ng daigdig.

Nagsasabwatan ang dalawang superpower sa tangkang sindakin ang mamamayan sa pamamagitan ng kanilang mga armas na nukleyar, sa pagpipilit na mapasakamay nila ang kapalaran ng sangkatauhan, sa paggawa ng mga huwad na kasunduan sa disarmamento, sa paghehele sa mamamayan sa pamamagitan ng usap-usapan tungkol sa detente o pagluluwag, at sa paggawa ng ilang pansamantalang kasunduan dito't doon bastat isa sa kanilang dalawa ay nasa pusisyong mas makinabang kaysa dati kahit mapinsala ang iba, o kaya'y basta't mangyari lamang na ang isa'y huwag malugi sa tawaran kahit na nakikinabang ang isa pa. Pero sa ribalan ng mga kapangyarihang imperyalista sa mundong kapitalistang malapit nang sumambulat, walang ibang pupuntahan ang pagsasabwatan kundi ang pag-aagawan sa umpisa, sa bawat hakbang at sa wakas. Disidido ang bawat superpower na maghari sa mundo at sa kalaunan ay patalsikin ng isa ang isa pa. Kaya pareho silang hibang na nagpaparami ng armas at naghahandang mandigma. Naririto ang peligro sa kapayapaan sa daigdig at ang posibilidad ng digmaang pandaigdig.

Walang rehiyon sa mundo na hindi pinag-aagawan ng dalawang superpower. Malayo sa United States ang Silangang Europa at saklaw ito ng impluwensya ng Unyong Sobyet pero pinag-iimbutan ito ng imperyalismong US. Malayo sa Unyong Sobyet ang Amerika Latina at saklaw ito ng impluwensya ng US pero pinag-iimbutan ito ng sosyal-imperyalismong Sobyet. Pero kahit sa mga rehiyong ito, hindi hawak ng dalawang superpower ang lahat ng inisyatiba. Dito man, tulad ng sa ibang parte ng mundo, may mga bayang gustong magsarili, mga bansang gustong lumaya at mga mamamayang gustong magrebolusyon.

Ang Kanlurang Europa at ang buong Mediteranyo ay pinag-aagawan ng dalawang superpower. Umaasa ang imperyalismong US sa dati nitong alyansa sa Kanlurang Europa, partikular ang Organisasyon ng Tratado sa Hilagang Atlantic (North Atlantic Treaty Organization o NATO), at nag-aalala sa dahilang sa rehiyong ito pinakakonsentrado ang pamumuhunan niya. Umaasa ang sosyal-imperyalismong Sobyet sa pananaig ng kapangyarihan niya sa Silangang Europa sa pamamagitan ng COMECON at ng Kasunduan sa Warsaw at umaasa rin sa mga partidong rebisyonista sa Kanlurang Europa. Sa kabila ng duwetong US at Unyong Sobyet tungkol sa detente at ng panukala ng Unyong Sobyet na magtayo ng "isang sistema ng seguridad sa Europa", kitang-kita pa rin ang katotohanan na araw-araw ay nagkukumprontasyon ang mga baseng militar at plotang nabal ng US at Unyong Sobyet. Samantala, ang dalawang superpower ay lalu't lalong nakakasalungat ng mga bayan ng Kanlurang Europa, isa-isa man o sama-sama, at sa loob o labas ng Pinag-isang Pamilihan (Common Market); at ang proletaryado sa bawat bayan ay nagiging mas militante sa isang makauring pakikibaka na hindi mapapamunuan ng mga partidong rebisyonistang tungo sa rebolusyonaryong tagumpay laban sa malaking burgesya.

Sa Gitnang Silangan, ang rehiyong nag-uugnay ng Europa sa Aprika at Asya, ginagamit ng imperyalismong US ang Zionistang Israel para palakihin ng mga pribilehiyo at ganansya niya sa langis; at kasabay nito'y ginagamit naman ng sosyal-imperyalismong Sobyet ang isinusuplay niyang armas para manghuthot ng mga pribilehiyo at tumubo sa kinikita ng mga bayang Arabe sa langis. Hindi pa mapagpasya ang gera ng Oktubre. Pero kahit may kanya-kanyang makasariling interes ang dalawang superpower at kahit manipulahin nila ang sitwasyon para sa sariling pakinabang, nananatiling matatag ang mga mamamayang Arabe at Palestino sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatang soberano at para ibalik ang mga lupaing sinakop, at masigasig silang lumalaban sa alyansa ng US at Israel gayundin sa isa pang superpower. Ang mga bayan ng Kanlurang Europa na napipinsala dahil sa katarantaduhan ng dalawang superpower ay napipilitang diretsaha't independyenteng makitungo sa mga bayang Arabe at tumatangging matulak ng alinmang superpower para gumawa ng anumang padalus-dalos na aksyon.

Sa Aprika, walang humpay na nagmamaniobra ang dalawang superpower para palitan ang mga lumang naghaharing kolonyal. Pareho silang nagkukunwaring sumisimpatya sa pakikibaka ng mamamayan laban sa makalumang klase ng kolonyalismo at para sa pambansang independensya. Ang pagkukunwari ng imperyalismong US ay nalalantad sa matalik niyang pakikipag-ugnayan sa mga lumang naghaharing kolonyal at sa sarili niyang mapandambong na mga pakana't aktibidad. Kahit mas nakakapanloko ang sosyal-imperyalismong Sobyet dahil ginagamit nito ang lenggwaheng "rebolusyonaryo" at ang prestihiyo ng rebolusyonaryong nakaraan ng Unyong Sobyet, nalalantad din ang sarili niyang pagkukunwari sa paggawa ng kung ano ang ginagawa, sa esensya, ng isa pang superpower. Patuloy na nagngangalit ang pakikibaka sa imperyalismo, kolonyalismo at rasismo. Importanteng parte ng ikatlong daigdig ang Aprika. Ang mga bayan, bansa at mamamayan dito, tulad ng sa Asya at Amerika Latina ay nasa pangunahing agos ng pakikibaka sa mga superpower.

Sa Timog Asya, ginamit ng sosyal-imperyalismong Sobyet ang mga naghaharing reaksyonaryong Indian para itaguyod ang ambisyon niyang maghari sa mundo at manggulo tulad ng pagbabanta sa Tsina at paghahati sa Pakistan. Dahil sa digmaang Indo-Pakistan na siya ang utak, nahahawakan niya ang ilang mga base para sa plotang nabal nito sa Karagatan ng India. Langung-lango siya sa sariling mga agresibong kilos kaya patuloy siyang nangangarap na magtayo ng isang "sistema ng kolektibong seguridad sa Asya" na kontrolado niya. Higit kailanman, abala ang imperyalismong US sa pagmamantini ng kanyang kontrol sa rehiyong ito at sa paglulunsad ng ng sunud-sunod na ganting hakbang. Pero lumalaban sa dalawang superpower at mga papet nila ang mga mamamayan ng Timog Asya, kabilang ang buto't balat na mga mamamayan ng India at Bangladesh, at ang ilang mga bayan tulad ng Pakistan at Sri Lanka.

Sa Timog-silangang Asya, gustong mapanatili ng imperyalismong US ang kanyang hegemonya sa Thailand, Malaysia, Singapore, Indonesia at Pilipinas. Ang mga bayang ito ay hindi lamang nagsisilbing "pangalawang linya ng depensa" sa estratehiyang militar ng sa Asya kundi inaasahan ding maging malaking alternatibong mapagkukunan ng petrolyo. Pero lalong nagiging kumplikado at mahirap ang sitwasyon para sa imperyalismong US, laluna pagkatapos ng lumalagapak na mga pagkatalo niya sa Indotsina. Gustong samantalahin ng sosyal-imperyalismong Sobyet ang pagbulusok at mga kahinaan ng United States sa rehiyon. Kailangang pagbigyan dito ang kapitalismong Hapones dahil kung hindi'y mas uunlad ang relasyon ng Tsina at Japan kaysa relasyon ng US at Japan. May sariling patakaran ang Tsina na makipagkaibigan sa lahat ng kanyang karatig-bayan. Ang mga mamamayan ng Timog-silangang Asya ay naglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa pamumuno ng mga partidong Marxista-Leninista. Kung magkaroon ng isa pang digmaang pandaigdig, isang rehiyon ang Timog-silangang Asya na halos siguradong magiging Pulang-pula.

Ang pakana ng imperyalismong US na gamitin ang Japan para manguna sa paglaban sa Tsina at maging punong tanod niya sa Asya ay kontra sa sariling interes at pangangailangan ng Japan bilang bayang kapitalistang hindi na sapat na napagbibigyan sa pang-ekonomyang teritoryo ng US tulad ng dati, laluna noong gera sa Korea at gera sa Byetnam. Gayundin, ang pakana ng sosyal-imperyalismong Sobyet na ibuyo ang Japan sa isang sabwatang anti-Tsina sa pamamagitan ng paghahain ng mga likas na kayamanan ng Unyong Sobyet, laluna ang langis at troso ng Siberia ay kontra sa mas kapaki-pakinabang na mga kundisyon sa kalakalan ng Tsina at Japan at kontra din sa pagtanggi ng Unyong Sobyet na ibalik sa Japan ang apat na hilagang pulo nito. Ang mga mamamayan ng Tsina, Korea at Japan ay matatag na lumalaban sa imperyalismong US at sosyal-imperyalismong Sobyet.

Ang paglayas ng Unyong Sobyet sa hanay ng mga bayang sosyalista dahil sa kanyang pagiging rebisyonista, sosyal-kapitalista at sosyal-imperyalista ay hindi nagpapalakas sa pandaigdigang sistemang kapitalista kundi nagpapasidhi sa mga kontradiksyon ng mga imperyalista at mga kapitalista. Dahil sa pangangamkam ng sosyal-imperyalismong Sobyet sa kayamanang sosyal at lakas militar ng proletaryado at mamamayang Sobyet, lumalabas siyang pinakamalakas na karibal ng imperyalismong US, at kakumpitensya rin at malamang na maging among-estado ng iba pang bayang kapitalista sa hinaharap.

Para sa mga rebolusyonaryo sa buong mundo, ganito ang problemang sumulpot sa paglitaw ng sosyal-imperyalismong Sobyet: naririto ang isang kapangyarihang imperyalista na espesyal na katangian ang pagiging sosyalista sa salita at imperyalista sa gawa, at malamang na maglunsad ng puspusang digmang agresyon laban sa sosyalistang Tsina dahil sa ambisyong maging bagong tsarista at dahil sa lantarang paghahandang mandigma para matupad ang ambisyong iyon. Sa paglipas ng panahon, imbis na makapanlito ang sosyal-imperyalismong Sobyet ay ipinakikita nito ang tunay na katangian hindi lamang sa sariling mga salitang kontra-rebolusyonaryo kundi sa walang taros na agresyon at gawaing kontra-rebolusyonaryo.

Ginagamit at isinasagawa ng Tsina ang isang komprehensibong programang ipagtanggol at isulong ang kanyang rebolusyon, tutulan ang dalawang superpower at kontrahin ang mga maniobra nito at ang peligro ng digmaang pandaigdig na nagmumula sa kanila, at isulong ang rebolusyong pandaigdig bilang pangontra sa lason ng imperyalismo at digma. Sa paglulunsad ng Dakilang Proletaryong Rebolusyon sa Kultura batay sa teorya ni Tagapangulong Mao na ipagpatuloy ang rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado, napigilan ng Tsina ang panunumbalik ng kapitalismo sa pinakamataong lipunang sosyalista at napatatag niya ang sarili bilang matibay na balwarte ng sosyalismo at ng pandaigdigang rebolusyon. Habang patuloy niyang nakakamit ang malalaking tagumpay sa rebolusyon at konstruksyong sosyalista, pinahuhusay niya ang kanyang kakayahan hindi lamang para ipagtanggol ang sarili laban sa isa o dalawang superpower kundi para tuparin ang kanyang mga obligasyong internasyunalista.

Gumaganap ang Tsina ng susing papel sa pagpapaunlad ng pagkakaibigan, pagtutulungan at kooperasyon ng mga bayang sosyalista ayon sa prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo. Binibigyan niya ng malaking suporta at tulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng lahat ng aping mamamayan at bansa, at hinihimok din silang umasa sa sarili at imantini ang inisyatiba sa sarili nilang bayan. Kalakip sa kanyang patakarang panlabas ang Leninistang patakaran sa mapayapang pakikipamuhay, partikular ang Limang Prinsipyo. Importanteng sandata ito para sa rebolusyong pandaigdig dahil malilikha nito ang pinakamalawak na nagkakaisang prente laban sa dalawang superpower at masasamantala ang mga kontradiksyon sa hanay mismo ng mga kaaway natin. Ganap na umaalinsunod sa Marxismo-Leninismo na gamitin ang mga kontradiksyon, kunin sa ating panig ang marami, labanan ang ilan, at isa-isang durugin ang mga kaaway natin.

Sa loob ng Mga Bansang Nagkakaisa (United Nations o UN), binibigyan ng malaking diin ng Tsina ang pagpapaunlad sa pakikibaka ng mga bayan ng ikatlong daigdig at ng mga bayang maliit at katamtaman ang laki para igiit ang kasarinlan nila at soberanya ng kanilang estado laban sa dalawang superpower. Nawawasak na ang monopolyo ng mga imperyalista sa mga usaping internasyunal. Kaya nahihirapan na ang alinmang sa dalawang superpower na kumuha ng mga tagapagtaguyod sa paglulunsad ng digmaang pandaigdig. Habang lumalala ang krisis ng sistemang kapitalista sa mundo, siguradong lalong di magkakasundo at lalong magsasalungatan ang dalawang superpower, gayundin ang isa o dalawang superpower at ang mga bayang dependyente, ang mga ito ma'y kapitalista rin o umuunlad.

Habang nangingibabaw ang gulo sa mga usapin ng dalawang superpower at ng sistemang kapitalista sa mundo, napakahusay naman ng sitwasyon para sa anti-imperyalistang pakikibaka ng rebolusyonaryong pwersa sa mundo. Kung sisiklab pa rin ang isang digmaang pandaigdig sa kabila ng lahat ng pagsisikap na hadlangan ito, mas masahol pa ang kahihinatnan ng mga imperyalista. Pinatunayan ng huling dalawang digmaang pandaigdig na ang ganitong gera ay humahantong sa mga gerang sibil at sa mas malawak na rebolusyon laban sa imperyalismo.

Sa pandaigdigang pakikibakang anti-imperyalista laban sa dalawang superpower, tumpak na tumpak na pataasin ng Tsina at iba pang bayang sosyalista ang antas ng rebolusyon at konstruksyong sosyalista at asahan ang kanilang proletaryado at mamamayan, at sa batayang ito'y isakatuparan ang patakarang panlabas na magpapayabong sa pagkikipagkaisa sa Asya, Aprika, Amerika Latina at sasamantala sa mga kontradiksyon ng mga kapitalista, gayundin sa mga kontradiksyon ng dalawang superpower mismo. Sa ganitong kalagayan, ang mga partidong Marxista-Leninista sa buong mundo ay lalago sa pamumuno sa mamamayan sa mga rebolusyonaryong pakikibakang anti-imperyalista sa kani-kanilang mga bayan.

Ang Rebolusyong Pilipino, partikular ang digmang bayan na kasalukuyan nating isinusulong, ay sagana sa suportang nakukuha hindi lamang sa malawak na masa ng mamamayan sa Pilipinas kundi pati sa mga mamamayan at proletaryado ng mga bayang sosyalista, kolonya't malakolonya at bayang kapitalista. Ang nagkakaisang paglaban sa isa o dalawang superpower ang pangkalahatang anyo ng suporta, na makikita rin sa anyo ng diretsahan at kongkretong tulong sa rebolusyong Pilipino na inaasahang lalaki sa hinaharap.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >

Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan

ni Amado Guerrero


NILALAMAN:

Introduksyon

1. Ang Bagong Tipo ng Rebolusyong Pambansa-Demokratiko

2. Matagalang Digma sa Kanayunan

3. Labanan sa Maliit at Mabundok na Kapuluan

4. Mula sa Maliit at Mahina tungo sa Malaki at Malakas

5. Paglitaw ng Papet na Pasistang Diktadura sa gitna ng Krisis

6. Sa Ilalim ng Iisang Kapangyarihang Imperyalista

7. Ang Pagbulusok ng Imperyalismong US at Pagsulong ng Rebolusyong Pandaigdig



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.