Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

6. SA ILALIM NG IISANG KAPANGYARIHANG IMPERYALISTA

Iisa ang pinakatamang paliwanag kung bakit wala pang lantarang digmaan ang mga reaksyonaryo sa kabila ng matinding panloob nilang kontradiksyon, isang kontradiksyon na hanggang ngayo'y tinatampukan ng terorismo at karahasan ng pasistang gang ni Marcos; ito ay dahil pinaghaharian ang buong bayan ng iisang kapangyarihang imperyalista. Ibang-iba ang Pilipinas, kung gayon, sa Tsinang pinaghati-hati ng ilang nagbabangayang panginoong militar na inaalagaan ng ilang magkakakontrang kapangyarihang imperyalista.

Sumusunod na ang lahat ng ibang paliwanag tulad ng: hindi kailanman nagkaroon ang mga reaksyonaryong anti-Marcos ng mahigpit na nabubuklod at malaki-laking armadong pwersa na bukod sa armadong pwersa ng estado; maliit at pulu-pulo ang bayan at walang gaanong lugar na mapaghahati-hati sa ilang saklaw ng impluwensya; kinumpiska ng tusong si Marcos ang armas ng buhaghag at maliliit na armadong grupo ng mga reaksyonaryong pulitiko na hindi niya pinagtitiwalaan o kaya'y alam na sumasalungat sa kanya; sinanay ang mga pinuno ng reaksyonaryong armadong pwersa na manatiling tuta ng sinumang punong kumander sa anumang pagdadahilang umano'y alinsunod sa konstitusyon; at kung anu-ano pa.

Marami pang pwedeng maging paliwanag pero kung may kabuluhan din lamang ang mga ito sa usapin ay pare-parehong hahantong sa iisang paliwanag: na ang imperyalismong US ang iisang pinakaimportanteng pwersang nagpapasya sa reaksyonaryong pulitika sa Pilipinas. Sa hanay ng mga reaksyonaryong pulitiko sa bayan, ang pananatili o pagpapalit ng isang pangkat ay may hayag o tahimik na pagsang-ayon ng imperyalismong US. Bago magkaroon ng diktadurang pasista, ang mga eleksyong presidensyal ay pinagpapasyahan ng pondo sa kampanya at suporta ng mga dyaryo na ibinibigay ng mga imperyalista ng US at mga ahente nilang malaking kumprador-panginoong maylupa; at walang batayang pagkakaiba ang dalawang pangunahing partidong pampulitika liban sa kung aling partido ang may pangkatin ng mga kandidatong pinakamahusay na naglilingkod sa interes ng mga imperyalista ng US at lokal na reaksyonaryo at kasabay nito'y pinakamahusay na nagkukunwaring naninindigan sa interes ng mamamayan.

Sa kasalukuyang kalagayan na lantad na lantad na ang paghahari sa pamamagitan ng baril, agad at diretsahang pumapasok sa usapin ang estratehikong kontrol at impluwensya ng imperyalismong US sa reaksyonaryong armadong pwersa kapag naitatanong natin kung kaya ba o hindi ng mga reaksyonaryong anti-Marcos na palitan o ibagsak ang pasistang gang ni Marcos. Makabuluhang gunitain ang panahon na lantarang ipinakita ng imperyalismong US kung hanggang saan nito magagamit ang estratehikong kontrol at impluwensya sa reaksyonaryong armadong pwersa para tumulong sa pagpapalit ng reaksyonaryong administrasyon. Iyon ang panahong nilabanan ni Magsaysay si Quirino noong 1953 at diretsahang inutusan ng CIA at JUSMAG ang mga kumander ng batalyon ng AFP na suportahan si Magsaysay.

Para sa imperyalismong US, hindi mapapayagan ang lantarang digmaan ng lokal na mga tauhan nito dahil ang kalalabasan lamang niyon ay magugulo ang anumang "katatagan" at mga bentahe na natamo nito sa Pilipinas sa ilalim ng pasistang diktadura. Kung gayon, mahirap asahang magbibigay ng armas ang imperyalismong US sa isang grupong anti-Marcos pero maka-US pa rin para itayo ang isang hukbo laban sa pasistang gang ni Marcos. Sapat nang magpasimuno ang imperyalismong US ng isa pang kudeta kung kakailanganing palitan si Marcos sa pamamagitan ng armadong pwersa, dahil ayaw niyang bitiwan ang kapangyarihan kahit mas nakabibigat na kaysa napapakinabangan ang kanyang kabahuan at pang-aabuso.

Hinding-hindi naging gawi ng imperyalismong US na payagang mabigyan ng armas ang mamamayan sa isang bayan tulad ng Pilipinas, na ang mga reaksyonaryong armadong pwersa ay mahigpit pa nitong impluwensyado at kontrolado. Bago maganap ang kahangalan sa Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tumanggi ang mga kolonyalista ng US na mamigay ng armas sa mamamayan para paghandaan ang paglusob ng mga Hapones. Noong magtatapos na ang digmaan at nagbababa na sila ng maraming tropa rito ay saka lamang sila namigay ng maraming armas sa mga gerilya ng USAFFE. Pagkasakop na pagkasakop muli sa Pilipinas, ginawa ng imperyalismong US at mga alipuris nito ang lahat ng paraan para samsamin ang itinuturing nilang di lisensyadong mga armas.

Ganito dapat ang pagtingin natin sa paulit-ulit na bantang magkudeta ng mga reaksyonaryong anti-Marcos. Ang pinakalitaw na tagapagsalita nila ngayon ay si Raul Manglapus, na kabilang sa lumang grupo ng mga ahente ng CIA na naglagay kay Magsaysay sa pagkapresidente noong 1953. Alaga siya ngayon ng Departamento ng Estado ng US at maliwanag na isa siyang reserbang kabayo. Gayunman, hindi ibig sabihing siya ang prinsipal na reserbang kabayo. Nagkataon lamang na nasa pusisyon siya sa hanay ng mga reaksyonaryong anti-Marcos na hayagang magpropaganda laban sa pasistang gang ni Marcos, di tulad ni Aquino na nakakulong o ni Macapagal na mas gustong mag-abang sa dilim.

Alam ng pasistang diktador na nakadepende sa imperyalismong US ang itatagal ng buhay niya sa pulitika, pati na ang personal niyang kaligtasan. Kaya ginagawa niya ang lahat para masiyahan ang amo niyang imperyalista. Alam din naman niyang nakikinabang ito sa walang takdang paghahari niya, gayundin sa pag-aalaga ng mga kabayong reserba para ipamblakmeyl. Kaya ginagawa niya ang lahat para patuloy na mahawakan ang reaksyonaryong armadong pwersa: pinahahawakan ang pinakaestratehikong mga kumand sa kanyang mga kamag-anak at bataan; sinisipa ang mga itinuturing niyang di mapagkakatiwalaan; sinusuhulan ang mga upisyal sa pamamagitan ng promosyon sa ranggo at dagdag sa sahod at alawans kasabay ng pagdaragdag ng tauhan; binibigyan ang nasabing mga upisyal ng pagkakataong mangurakot (kabilang na ang lantarang pambablakmeyl at pangingikil); at ipinapailalim sa sarili niyang organisasyon sa pang-eespiya ang regular na mga ahensya sa pang-eespiya.

Malinaw ang mga plano at taktika ni Marcos para tumagal sa kapangyarihan. Balak niyang unti-untiin iyong ang mga okasyong tulad ng eleksyon ng lokal na upisyal, pagtatayo ng isang malaking partidong pampulitika at posibleng isa pa o ilang maliit na partidong puro kontrolado niya, pagnonombra niya ng isang "legislative advisory council" ["lehislatibong konsehong tagapayo"], pagdaraos ng "interim national assembly" ["pansamantalang pambansang asambleya"], pananatili niya bilang prime minister, at kung anu-ano pa. Hangad ni Marcos na tumagal sa kapangyarihan hanggang sa sumuko sa kanya ang lahat ng karibal niya sa pulitika alang-alang na rin sa makasariling interes nila. Tutal, madaling magkasundo si Marcos at ang mga karibal niya sa pulitika tungkol sa kung ano ang esensyal na konstitusyon ni Marcos at iba pang pasistang batas na nagsisilbi sa imperyalismong US at mga lokal na uring reaksyonaryo.

Pero ang kasaysayan ay hindi mag-isang madidisisyunan ni Marcos. Lumalala ang krisis sa ekonomya at pulitika. Mas kinamumuhian ng mamamayan ang kanyang pasistang rehimen kaysa rehimen niya bago magbatas militar, at tuluy-tuloy na lumalaki at sumusulong ang kilusang rebolusyonaryo. Kahit hangad niyang ilatag ang sarili niyang disenyo ng "normalisasyon" para lamang manatili sa kapangyarihan, maaaring palitan siya ng imperyalismong US mismo imbis na pabayaang maghari nang walang taning, ayon sa isang klase ng "normalisasyon" na kung hindi sasang-ayunan ay makalalasap siya ng kudeta. Sa maraming kaso sa ibang parte ng mundo, natutuklasan ng mga papet ng imperyalismong US na sila ang napagbubuntunan ng sisi ng mga amo nila.

Hanggang ngayo'y mahusay na nagsisilbi sa imperyalismong US ang pasistang diktadura. Ginamit ito para panatilihin at palakihin ang mga pang-ekonomyang pribilehiyo at interes ng US sa Pilipinas kahit magwakas na ang Susog Pariti at Kasunduang Laurel-Langley. Sa paghahasik ng lagim laban sa mamamayan, ipinagmamalaki ni Marcos na nalikha niya ang "katatagan" sa pulitika para palakihin ang mga monopolyong kapitalista ng United States at iba pang bayan ang kanilang pamumuhunan at makakuha sila ng mas malalaking ganansya. Pero maliwanag din namang hindi niya nadurog ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbong Bayan. Kahit may pasistang paghaharing militar, malalim na nakapag-ugat sa bawat rehiyon ang mga rebolusyonaryong organisasyong ito at higit kailanma'y mas mataas ang tingin sa kanila ng mamamayan. Ang rebolusyonaryong kilusan ay tuluy-tuloy na lumalawak sa buong bayan.

Alinsunod sa kalait-lait na "doktrina ni Nixon", mahihiwatigang tinatanggap ng imperyalismong US na hindi na siya makakatagal sa lupalop ng Asya kung isasangkot niya ang sariling lakas-tauhan sa isang digma sa katihan at kaya sa kontekstong ito'y ipinapahayag ang patakaran na mamabutihin pa niyang magbigay ng kagamitang pandigma at ng "proteksyong nukleyar" sa kanyang mga papet at "paglaban-labanin ang mga Asyano" kaysa isangkot ang sariling lakas-tauhan. Sa anu't anuman, sa doktrinang ito'y paulit-ulit na idinidiin na mananatiling "kapangyarihan sa Pasipiko" ang imperyalismong US. Malinaw na kailangang mahigpit na hawakan ng imperyalismong US ang Pilipinas para manatiling "kapangyarihan sa Pasipiko" at sa gayo'y magkaroon ng baseng lunsaran ng impluwensya sa buong Asya. Habang humihina ang "unang linya ng depensa" ng US (Indotsina, Taiwan, Timog Korea at Japan, laluna ang Okinawa), lumalaki ang importansya para sa imperyalismong US ng "ikalawang linya ng depensa" (Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Singapore at Thailand). sa "ikalawang linyang" ito, gumaganap ng susing papel ang pamumuhunan at mga baseng militar ng US sa Pilipinas.

Sa Asya, pinakakonsentrado sa Pilipinas ang pamumuhunan ng US at patuloy itong lumalaki. Batay sa konserbatibong tantya noong 1972, na hindi lubos na kinekwenta ang kasalukuyang halaga sa pamilihan ng lahat ng pag-aari ng US sa Pilipinas, umaabot sa tatlong bilyong dolyar ($3,000,000,000) ang tuwirang pamumuhunan lamang ng US. Ang halagang ito ay walumpung porsyento (80%) ng dayuhang pamumuhunan dito, nasa estratehikong lokasyon at may mataas na ganansya.

Para maprotektahan ang mga ito laban sa mamamayan, hindi lamang mahigpit na kinokontrol ng imperyalismong US ang pulitika sa Pilipinas at ang reaksyonaryong armadong pwersa sa Pilipinas kundi nagmamantini rin ito, sa ilalim ng di pantay na mga tratadong militar, ng sariling mga tauhan at instalasyong militar sa lupain ng Pilipinas bilang pundamental na sandata. Sampu-sampung libong tropa ang nakaistasyon dito bilang pakitang-pwersa at maaaring madagdagan ito anumang oras. Kabilang sa mga instalasyong militar ng US ang naglalakihang base ng hukbong himpapawid at baseng nabal, at istasyon ng radyo at radar; mayroon ding mga reserbasyong militar ng US na maaaring mag-opereyt muli kailanman maisipan ng imperyalismong US. Ang Clark Air Base at Subic Naval Base ang pinakamalalaking baseng militar ng US sa Asya. Nakapusisyon ang mga sandatang nukleyar sa dalawang baseng ito, gayundin sa Pasuquin, Ilocos Norte at sa istasyon sa Bukidnon na umano'y nagmamasid sa lagay ng panahon.

Sa ganitong kalagayan, nakatitiyak tayo na higit kailanma'y mas apektado ang imperyalismong US sa pag-unlad ng ating digmang bayan sa Pilipinas kaysa pag-unlad ng digmang bayan sa Byetnam o saanman sa Asya. Mas malaki ang taya nila sa Pilipinas. Kaya sa kabila ng mga banal na salita ng imperyalismong US tungkol sa "pag-urong" nito mula sa Asya, maaasahan nating gagamit ito ng sariling tropang panalakay sa sambayanang Pilipino sakaling hindi na makasapat ang lokal na reaksyonaryong armadong pwersa.

Sinuman ang nasa poder sa Malakanyang, hanggat tau-tauhan lamang siya ng imperyalismong US at mga lokal na uring reaksyonaryo, ay kikilos laban sa pambansa-demokratikong interes ng mamamayan at magiging tampulan ng galit ng mamamayan. Lulubha ang krisis ng imperyalismong US at ng pandaigdigang kapitalismo, gayundin ang krisis sa pambansang pulitika at ekonomya. Sa ganitong kundisyon ay hindi mapipigilan ang pag-unlad ng ating digmang bayan. Malamang na darating ang panahon na hinding-hindi na tayo kayang labanan ng mga lokal na reaksyonaryo at papasok na ang mga tropang panalakay ng US. Sa pagtantyang ito, dapat tayong humanda na ang ating rebolusyonaryong digma na nag-umpisang isang gerang sibil ay magiging pambansang digma laban sa lantarang agresyon ng dayuhan. Hindi lamang nagkataon na itinalagang embahador ng US sa Pilipinas ang isang tulad ni William H. Sullivan, ang berdugo ng Indotsina, at iba pang upisyal ng US na beterano rin ng digmang agresyon ng US sa Byetnam.

Mula nang ilunsad uli ang ating digmang bayan, dumarami ang mga tagapayo ng US sa militar at pulisya tungkol sa kontra-insureksyon at lumalahok ang mga ito sa pagsasanay at mga operasyong militar laban sa mamamayan. Dumarami ang kagamitang militar na ipinagbibili at ibinibigay sa lokal na reaksyonaryong armadong pwersa. Ang mga sasakyang panghimpapawid ng US na pinalilipad ng mga pilotong Amerikano ay sumasali sa pagririkurida at pambobomba sa atin. Sa balatkayo ng aksyong sibiko ay itinalaga ang mga "green beret" ng US para magrikurida sa iba't ibang parte ng kanayunan. Ang mga tauhan ng Agency for International Development o AID, Peace Corps at iba pang kunwari'y tauhang sibilyan ng US ay pinag-eespiya ng "country team" ng US na binubuo ng embahador ng US, ng hepe ng istasyon ng Sentral na Ahensya sa Paniniktik (Central Intelligence Agency o CIA), hepe ng Joint United States Military Advisory Group o JUSMAG, direktor ng AID at hepe ng Ahensya sa Impormasyon ng Estados Unidos (United States Information Agency o USIA).

Ang walang tigil at lumalaking tulong militar ng US at ang posibleng agresyon ng imperyalismong US ay dalawang salik na makakapagpatagal sa ating digmang bayan. Kapag nag-umpisa ang agresyon ng US, posible na kakailanganin nating ibahin ang ating estratehiya't taktika, anumang antas ang narating na ng ating digmang bayan. Kahit ngayon, bilang parte ng preparasyon natin para sa agresyong US, dapat nating ilantad at labanan ang bawat klase ng panghihimasok ng US sa ating bayan. Kaugnay nito, dapat nating hingin agad ang suporta ng mamamayang Amerikano at iba pang mamamayan sa iba pang bahagi ng mundo.

Sa harap ng imperyalismong US, mahigpit tayong nangangailangan ng suportang internasyunal. Para magtagumpay tayo, kailangang-kailangan ang suporta ng mga nasa ibayong dagat na sumisimpatya sa ating makatarungang simulang rebolusyonaryo. Kahit matatag tayong naninindigan na umasa sa sarili, hindi natin ibig sabihing dapat mawala ang suporta at tulong mula sa labas ng bansa. Ang totoo'y habang sumusulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, pwedeng lumaki ang kantidad ng tulong mula sa labas ng bansa kahit pwedeng lumiit ang proporsyon nito sa kabuuang pagsisikap natin sa digma. Naipakita sa digmaan sa Byetnam na sa pagtaas ng antas ng armadong pakikibaka ay lumaki ang kantidad ng tulong na internasyunal. Nangyari ang ganito dahil sinuportahan nang husto ng imperyalismong US ang mga papet nito, at inilunsad ang pinakamalaki at pinakamatagal na digmang agresyon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >

Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan

ni Amado Guerrero


NILALAMAN:

Introduksyon

1. Ang Bagong Tipo ng Rebolusyong Pambansa-Demokratiko

2. Matagalang Digma sa Kanayunan

3. Labanan sa Maliit at Mabundok na Kapuluan

4. Mula sa Maliit at Mahina tungo sa Malaki at Malakas

5. Paglitaw ng Papet na Pasistang Diktadura sa gitna ng Krisis

6. Sa Ilalim ng Iisang Kapangyarihang Imperyalista

7. Ang Pagbulusok ng Imperyalismong US at Pagsulong ng Rebolusyong Pandaigdig



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.