Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

1. ANG BAGONG TIPO NG REBOLUSYONG PAMBANSA-DEMOKRATIKO

Malakolonyal at malapyudal ang bayan natin. Nasa ilalim ito ng di tuwirang paghahari ng imperyalismong US na ang pinakamaaasahang mga ahente at papet ay ang malalaking kumprador-panginoong maylupa at malalaking burukrata. Pinaghaharian ng malaking burgesyang kumprador ang mga syudad at pinaghaharian naman ng uring panginoong maylupa ang kanayunan.

Ang lubos na nakakarami sa apatnapu't isang milyong (41,000,000) mamamayan natin, mahigit siyamnapung porsyento (90%), ay malubhang pinagsasamantalahan at inaapi ng malalaking kumprador at malalaking panginoong maylupa, na kasama ang pinakamalapit nilang tauhan sa pulitika at teknika na pinakamatataas ang sahod ay bumubuo ng isang maliit na minoryang hindi hihigit sa dalawang porsyento ng populasyon. Ang masang anakpawis na manggagawa at magsasaka ang dumadanas ng pinakagrabeng pang-aapi't pagsasamantala. Naghihirap din ang petiburgesyang lunsod at ang panggitna o pambansang burgesya dahil sa sitwasyong malakolonyal at malapyudal, at mas hirap ang petiburges kaysa pambansang burges.

Malinaw kung bakit iisa ang pakahulugan natin sa digmang bayan at digmang rebolusyonaryo. Ipinaglalaban natin ang rebolusyonaryong interes ng malawak na masa ng mamamayan. Sa partikular, ipinaglalaban natin ang pambansa-demokratikong interes nila. Ang atin ay rebolusyong pambansa-demokratiko na naglalayong kumpletuhin ang pakikibaka para sa pambansang kasarinlan at gawing realidad ang mga demokratikong mithiin ng ating sambayanan. Wala tayong ibang magagawa kundi ang ipaglaban ang pambansa at panlipunang paglaya sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Sa isang pakahulugan, ang ating rebolusyong pambansa-demokratiko ay isang pagpapatuloy ng rebolusyong Pilipino na nag-umpisa noong 1896. Pero bago na ang katangian ng rebolusyong ito. Bagong tipo ito. Hindi na ito bahagi ng lumang rebolusyong burges-kapitalista. Bahagi ito ng proletaryo-sosyalistang rebolusyon na umusbong sapul noong unang imperyalistang digmaan sa mundo at pagtatagumpay ng dakilang sosyalistang Rebolusyong Oktubre. Kahit ipinaglalaban pa natin ang rebolusyong pambansa-demokratiko, preparasyon lamang ito para tuparin ang sosyalistang rebolusyon sa ating bayan.

Samakatwid, naglulunsad tayo ng tuluy-tuloy na rebolusyong Pilipino, na may dalawang magkaibang yugto: ang mga yugtong pambansa-demokratiko at sosyalista. Sa dalawang yugtong ito, ang makauring liderato ay tangan ng proletaryado, na sa kasaysaya'y siyang pinakaprogresibong salik sa pulitika at ekonomya, at siyang nagluluwal sa pinakasulong na ideolohiya. Sa pamamagitan ng sulong na destakamento nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas, tinitiyak ng proletaryado na maisasagawa at maipapanalo ang rebolusyong pambansa-demokratiko; na agad sisimulan ang sosyalistang rebolusyon pagkatapos magtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon; at sa loob ng isang tiyak na panahon sa kasaysayan ay lilikhain ng sosyalismo ang pundasyon ng komunismo.

Sa kasalukuyang yugto ng Rebolusyong Pilipino, dalawa ang sandatang ginagamit ng Partido laban sa kaaway: armadong pakikibaka at ang pambansang nagkakaisang prente na magkaugnay tulad ng sibat at kalasag. Nagsisilbi ang mga ito sa isa't isa. Sinisigurado ng pambansa-demokratikong prente na maibibigay ang pinakamalawak na suportang masa para sa armadong pakikibaka; hinahati nito ang hanay ng kaaway at ihinihiwalay ang mga pinakapusakal sa loob ng isang panahon. Armadong pakikibaka, sa partikular, ang sandatang ginagamit para tuparin ang sentral na tungkulin ng rebolusyon: ang pagwasak at pagbabagsak sa paghahari ng kaaway at ang pag-agaw ng kapangyarihan sa pulitika.

Gaya ng sinabi ni Tagapangulong Mao, kung walang hukbong tulad ng Bagong Hukbong Bayan, wala ni anuman ang mamamayan. Sa ating bayan, pakikipaglaro ng tanga ang maghabol sa ilang pusisyon sa reaksyonaryong parlamento nang wala namang sariling hukbo. Anumang oras gustuhin ng kaaway na baguhin ang sistema ng laro, halimbawa'y ng konstitusyon, magagawa nila ito na ang mamamayan ang mapeperwisyo.

Prinsipal ang armadong pakikibaka at sekundaryo ang parlamentaryong pakikibaka. Alam ng bawat tunay na rebolusyonaryo na ang reaksyonaryong hukbo ang pangunahing bumubuo ng reaksyonaryong estado. Walang laban ang mamamayang Pilipino kung wala silang sariling hukbo. Kung walang hukbong bayan, hindi sila makakasulong nang kahit isang hakbang tungo sa pagdurog sa buong militar-burukratikong makinarya ng kaaway.

Sa paglulunsad ng digmang bayan, itinatayo ng Partido ang hukbong bayan bilang pangunahing porma ng organisasyon. Hindi lamang ito isang organisasyon na pinakakonsentrado ang kasapian ng Partido. Organisasyon din ito na itinayo para buklurin ang mga rebolusyonaryong proletaryo at ang masang magsasaka kapwa sa loob ng hukbo at sa mga lokalidad. Sa ganitong paraan nagkakaroon ng pinakaepektibong kongkretong porma ang batayang alyansa ng proletaryado at uring magsasaka na kailangang-kailangan sa isang pambansang nagkakaisang prente.

Ang batayang alyansang ito ng proletaryado ay uring magsasaka ang pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Sa takbo ng digmang bayan, habang lumalakas ang alyansa ay lumalakas din ang pagnanais ng petiburgesyang lunsod na umanib sa pambansang nagkakaisang prente at aktibong lumahok sa gawaing rebolusyonaryo. Gayundin, nahihimok ang pambansang burgesya na sumuporta sa mga batayang pwersa ng rebolusyon tulad ng proletaryado, uring magsasaka at petiburgesyang lunsod. Sa yugtong ito ng rebolusyon, pinakamahusay na mapapatunayan ang pamumuno ng Partido at ng proletaryado sa kakayahan nitong magtayo ng hukbong bayan at magbuo ng batayang alyansa ng masang anakpawis.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >

Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan

ni Amado Guerrero


NILALAMAN:

Introduksyon

1. Ang Bagong Tipo ng Rebolusyong Pambansa-Demokratiko

2. Matagalang Digma sa Kanayunan

3. Labanan sa Maliit at Mabundok na Kapuluan

4. Mula sa Maliit at Mahina tungo sa Malaki at Malakas

5. Paglitaw ng Papet na Pasistang Diktadura sa gitna ng Krisis

6. Sa Ilalim ng Iisang Kapangyarihang Imperyalista

7. Ang Pagbulusok ng Imperyalismong US at Pagsulong ng Rebolusyong Pandaigdig



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.