Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

5. PAGLITAW NG PAPET NA PASISTANG DIKTADURA SA GITNA NG KRISIS

Ang pagtatatag ng pasistang rehimeng diktador ng pangkating US-Marcos ang pinakamalinaw na manipestasyon na niyayanig ang naghaharing sistemang pampulitika ng isang krisis na hindi na nito kayang harapin sa dating paraan. Ang papet na pasistang diktadura ay isang kontra-rebolusyonaryong hakbang na tanda ng kahinaan at kawalan ng pag-asa at sa halip ng kalakasan. Para paghandaan ito, ipinakana ng naghaharing pangkatin nina Marcos ang sunud-sunod na teroristang aksyon na tinampukan ng ikalawang masaker sa Plaza Miranda. Ang mga ito at ang sumunod na pagpapataw ng isang pasistang paghaharing militar at ang lantarang paghaharing awtokratiko ay lubusang ikinapoot ng mamamayan at nagpasidhi sa pagnanais nila sa rebolusyonaryong pagbabago at sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Ang imperyalismong US ang utak ng pasistang diktadura. Itinatag ito para siguraduhin na batay sa "bagong konstitusyon", hindi lamang mapepreserba kundi mapapalaki pa ang mga pribilehiyo at interes na tinatamasa ng imperyalismong US batay sa konstitusyon ng 1935, Susog Pariti at Kasunduang Laurel-Langley sa harap ng lumalakas na anti-imperyalistang pakikibaka ng malawak na masa, at higit pa'y itinatag ang pasistang diktadura para mapalakas ang Pilipinas bilang base ng imperyalismong US sa kanluraning gilid ng Pasipiko at sa Asya at sa harap ng bigong digmang agresyon ng US sa Indotsina. Bilang kapalit, walang taning na pinanatili si Marcos sa kapangyarihan hanggat napapakinabangan siya ng imperyalismong US at, syempre pa, hanggat ang ambisyon niya'y hindi lumalampas sa pagiging pangkalahatang representante ng malaking kumprador burgesya at uring malalaking panginoong maylupa, at kahit pa sa pagiging pinakamayaman sa kanilang lahat.

Laging idinadakdak ng pasistang diktador na si Marcos na isang "bagong lipunan" ang kanyang rehimeng di makatarungan. Pero ang totoo, dahil sa malahalimaw niyang pang-aabuso ay naididiin lamang na walang iba ito kundi ang paglala ng lumang lipunang malakolonyal at malapyudal. Saksi tayo ngayon sa walang taros na pagkapapet, kahayupan, kabulukan at pagkabangkarote. Sa lahat ng lokal na reaksyonaryo, ang pinunong pasista, ang kanyang pamilya at pinakamalalapit na mga tauhan sa burukrasyang militar at sibil ang nagtatamasa ng pinakamalaking pakinabang sa "bagong lipunang" papet, brutal, bulok at bangkarote.

Sa esensya, ang pasistang diktadura ay ang lantad na paghaharing terorista ng isang reaksyonaryong pangkatin na nagdadala sa interes ng malalaking kumprador at malalaking panginoong maylupa. Habang nagtatagal ito sa kapangyarihan, lalong tumataba ang lupa para sa ating digmang bayan. Dahil sa negatibong halimbawa ni Marcos, siya ang tumatayong pinakamahusay na guro ng mamamayan tungkol sa estado at rebolusyon. Sa pakahulugang ito, siya ang ating pinakamahusay na propagandista. Napakahusay niyang nailalantad ang bawat kasamaan sa lipunang malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng kanya mismong mga kasinungalingan at kalokohan. Ang pagkamkam niya sa lahat ng kapangyarihan ng gubyerno; pagpawi sa lahat ng ligal na partidong pampulitika; pagmomonopolisa sa mga peryodiko; at makahayop na pagsupil sa lahat ng kalayaang demokratiko sa mga paraang tulad ng pagmamasaker, asasinasyon, pagsosona, pwersahang ebakwasyon, pambobomba at panununog, blakmeyl, pangingikil, iligal na pang-aaresto, iligal na detensyon at tortyur - malinaw na nagpapatunay ang mga ito na kailangan at makatarungan ng armadong rebolusyon laban sa armadong kontra-rebolusyon.

Lahat ng pasistang kilos ng pangkating US-Marcos na isinasagawa sa pamamagitan ng makahayop na armadong pwersa ay naglalayong "patatagin" ang paghahari ng imperyalismong US at mga lokal na uring reaksyonaryo sa malawak na masa. Pero sa esensya'y pinalalawak at pinalalalim ng gayong mga kilos ang armadong paglaban. Higit kailanman, mas maraming inilulunsad na labanan at mas maraming itinatayong base't sonang gerilya ang Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng Partido. Marami ring aktibista, myembro man ng Partido o hindi, na naglulunsad na ng pakikibakang masa laban sa pangkatin ding US-Marcos bago ibaba ang Proklamasyon 1081, ang lumalahok ngayon sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa larangan o bumubuo ng malakas na rebolusyonaryong kilusang lihim sa iba't ibang estratehikong purok sa bayan.

Hanggang ngayon, ang Bangsa Moro Army, na mas mahusay na naaarmasan kaysa Bagong Hukbong Bayan, ang nakakapaglunsad ng pinakamalalaking pagsagupa sa kaaway at nakakapinsala nang malaki sa tropa at kagamitan nito. Sa paghigop sa malaking parte ng pwersang katihan, pwersang dagat at pwersang himpapawid ng kaaway, ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ng mga pambansang minorya na isinusulong nila para makapagpasya sa sarili at para labanan ang pambansang pang-aapi sa Timog-kanlurang Mindanao ay nakakatulong nang malaki sa Bagong Hukbong Bayan sa iba't ibang lugar ng kapuluan. Kapalit nito, pinaghuhusay natin ang pagsusulong ng digmang bayan sa sarili nating mga purok para matuliro ang kaaway. Sa ngayon, saksi tayo sa kalituhan ng kaaway na di malaman kung sa dulong timog babaling o sa dulong hilaga.

Liban sa Bagong Hukbong Bayan at Hukbong Bangsa Moro, walang makabuluhang armadong pwersang lumalaban sa pasistang rehimeng diktador. Sa Luzon, Kabisayaan at mas malaking parte ng Mindanao, walang makabuluhang armadong paglaban liban sa isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan. Masasabing sa mga purok na ito ay nakaharap tayo sa iisang reaksyong pasista. Walang lantarang digmaan ang mga reaksyonaryo dito. Maraming usap-usapan tungkol sa "Filipino Freedom Fighters", isang pangkat na umano'y pinatatakbo ng isang grupong anti-Marcos na may suporta ng US; pero hanggang ngayon, kahit nakaraan na ang dalawang taon ng pasistang paghahari, lumilitaw na pakitang-pwersa lamang iyon na mahilig maglabas ng manakanakang manipesto na nagbabanta ng kakatwang kumbinasyon ng kudeta at pakikidigmang gerilya. Tapat sa orihinal at esensyal nilang katangian, ang mga taksil na rebisyonistang Lava ay lantarang sumuko sa pangkating US-Marcos at garapal na nakikipagsabwatan sa pagtugis sa mga rebolusyonaryo at panggagantso sa masa. Walang ibang dapat gawin kundi ituring na traydor at espiya ang mga pusakal na rebisyonistang pasistang ito.

Dahil walang lantarang digmaan ng mga reaksyonaryo sa kinaroroonan ng Bagong Hukbong Bayan, nakaharap ito sa iisang reaksyong pasista. Ibig sabihin ay nakakapaglunsad ang kaaway ng mas malalakas na opensiba laban sa atin sa alinmang partikular na purok na piliin niyang konsentrahan. Mangyari pa'y disbentahe natin ito. Kaugnay nito, wala tayong ibang magagawa kundi pag-aralan at gamitin ang tumpak na estratehiya't taktika sa pagharap sa mga kampanya ng kaaway. Gayunman, ipinapakita ng karanasan na kahit malayo ang armadong paglabang isinusulong sa timog-kanlurang Mindanao, napilit nito ang kaaway na magbawas ng malaking pwersa sa Lambak ng Cagayan, Hilagang-silangang Luzon mula noong Marso 1973.

Mayroong bentahe, sa katagalan, na ang Bagong Hukbong Bayan ang tanging armadong pwersang inaangkin ng mamamayan sa di liliit sa siyamnapung porsyento (90%) ng teritoryo ng Pilipinas. Nagiging mas madali at simple para sa panggitnang pwersa na pumili kung aling panig ang dapat nilang suportahan. Lalo ngang nagiging mas madali at simple ang pagpili habang nagiging masahol ang kaaway. Kaylaki at kaylinaw ng kumpyansa at tiwala ng malawak na masa sa Bagong Hukbong Bayan, sa kabila ng kaliitan at kahinaan ngayon ng hukbong ito, dahil ito lamang ang panlaban nila sa pasistang tiranya.

Sa ilalim ng pasistang diktadura, lalo pang lumala ang krisis sa ekonomya na siya nang batayan ng krisis ng buong reaksyonaryong sistemang pampulitika bago pa man gawin ang makakanang kudeta ni Marcos. Pinaghihirap ng krisis sa ekonomya ang bawat mamamayan sa buong bayan kahit parang hindi siya tuwirang nabibiktima ng pang-aabusong pampulitika't militar ng pasistang diktadura. Ang pag-uugnay ng papet na pasistang diktadura sa pang-ekonomyang paghihirap ng mamamayan ang paraang lalong nagpapabisa sa propaganda natin para sa armadong rebolusyon. Noon pa mang bago ipataw ang pasistang paghaharing militar, naiintindihan na ng malawak na mamamayan kung ano ang responsibilidad ng pangkating US-Marcos sa krisis sa ekonomya.

Di makontrol na implasyon; laganap na kawalan ng trabaho; mabilis na pagtaas ng buwis; patuloy na debalwasyon o pagbaba ng halaga ng pera; nagkukulang na pagkain, panggatong at abono; walang limitasyong pagpasok dito ng dayuhang kapital at walang limitasyong paglabas ng ganansya; malaking depisit sa panlabas na pangangalakal na pinagtatakpan ng teknikal na ismagling at huwad na istatistiks; labis-labis na pangungutang sa loob at labas ng bayan; walang tigil na pagtaas ng gastos sa militar; implasyunaryong depisit na paggasta sa "impraistruktura" na bumubundat sa mga bangkong imperyalista at dayuhang kontratista - ang lahat ng ito ay nagsisilbi sa kalakalang kolonyal at sa pandarambong sa likas na kayamanan ng bayan, at bukod pa'y mga pagkakataon para sa katakut-takot na pangungurakot, panunuhol at ispekulasyon sa lupa na ang nananakaw ay monopolisado ng pasistang diktador. Ang lahat ng kapansin-pansing kasamaang ito ay katangian ng pasistang rehimeng diktador. Napakatulin ng pagbulusok ng ekonomya kaya kailangang matamang subaybayan ng mga kadre ng Partido ang mabilis na nagbabagong datos sa ekonomya.

Naghihirap ang malawak na masa dahil sa kumbinasyon ng mga abuso sa pulitika at ekonomya. Habang bumubulusok ang ekonomya, lumalala ang tiranya sa pulitika. Para patuloy na mapagsamantalahan ang mamamayan, ang pasistang rehimeng diktador ng pangkating US-Marcos ay nagdaragdag ng mga armadong pwersa, namimili ng higit pang gamit militar, at nanunuhol sa mga upisyal at kawal sa pamamagitan ng pagtataas ng ranggo at pagdadagdag sa sahod, panustos at iba pang pribilehiyo. Ang dagdag na gastos para sa palamuning tulad ng militar ay nagiging dahilan ng lalong pagbulusok ng ekonomya. Ang ibayong pagsasamantala at ibayong pang-aapi ay nagbubunga ng ibayong paglaban. Kayat sa sariling kagagawa'y di matapus-tapos ang panibagong paggastos ng pasistang diktadura para sa militar.

Walang kahihiyang ibinabando ng pasistang diktadura sa buong mundo na matagumpay nitong napapanatiling mura ang paggawa sa Pilipinas para pagsasamantalahan ng mga imperyalista. Ilang taon na ngang pinananatili ng pangkating US-Marcos ang atrasadong kundisyon sa bayan kaya marami ang walang trabaho. Ngayon naman, sa ilalim ng paghaharing militar, lalo pang pinamura ang lakas paggawa. Ipinagkait sa manggagawa ang karapatan nilang mag-unyon, laluna ang karapatang magwelga, kahit na kaybilis ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Kapag iginigiit ng mga manggagawa na taasan ang sahod nila, lantaran silang tinatakot ng armadong pwersa ng pasistang militar at maaaring suspindihin o patalsikin nang walang dahilan ng kanilang amo. Sinisistematisa ng "bagong kodigo ng paggawa" ang pagsupil sa mga karapatan ng manggagawa na magkabilang sinasalakay ng pasistang gubyerno at ng malaking burgesya. Para mapanatili ang paghahari ng takot, madalas reydin at sonahin ng pasistang militar at pulisya ang mga pabrika at komunidad ng manggagawa.

Garapal na sinasabi sa mga magsasaka na kung nais nilang magkalupa ay dapat silang makipagkontrata sa kanilang panginoong maylupa; pero sa laki ng ipinapahulog sa kanila ng ayon sa kontrata ay hindi nila mababayaran kahit ang unang hulog. Ito ang ipinangangalandakang "reporma sa lupa". Pinagbabayad din ang mga magsasaka ng mataas na buwis sa lupa, espesyal na pataw sa pagbebenta ng kanilang produkto, ng butaw sa pagsapi at espesyal na mga butaw sa "baranggay" at "samahang nayon", at mga takdang kontribusyon sa sinasabing "savings fund" at "barrio guarantee fund". Sa ilalim ng programang "Masagana 99" ay pinagbabayad din sila ng mataas na interes para sa pinamahal na abonong mula sa Planters' Products na pag-aari ni Marcos, at sinisingilan ng pataas nang pataas na bayad sa patubig kung mayroon man. May mga pakana rin sa "seguro" at "medicare" para lalo pang manghuthot sa magsasaka. Inuutusan ang mga baranggay sa buong bayan na magtayo ng CHDF; dahil dito'y nadadagdagan ang gastos ng magsasaka at nababawasan ang panahon nilang magtrabaho sa bukid dahil pilit silang pinagroronda. Sa mga lugar na kapiling na ng masang magsasaka ang hukbong bayan, nagsasagawa ang kaaway ng sukdol sa kahayupang operasyong militar na kalakip ang pwersahang ebakwasyon, pagmamasaker, pandarambong, panununog at walang taros na pambobomba at pagpapaulan ng bala.

Tulad ng masang anakpawis, nasusuklam ang petiburgesyang lunsod sa pasistang diktadura. Lubusan at kongkretong nakatambad sa kanila ang pinakaesensya ng reaksyonaryong estadong naglilingkod sa interes ng imperyalista, malaking kumprador at panginoong maylupa; at sa araw-araw na pamumuhay ay hindi ligtas ang limitadong kita nila sa pamiminsala ng implasyong umuusbong sa loob ng bayan at nanggagaling din sa labas. Sa kaululan ng pasistang diktadura ay sinusupil nito ang lahat ng kalayaang demokratiko at inuusig ang laksa-laksang demokratikong personalidad na kabilang sa petiburgesyang lunsod o yaong mga nirerespeto ng saray na ito. Talamak ang pang-aabuso ng pasistang diktador at ng kanyang mga tauhang militar; kayat bawat petiburges ng lunsod ay diretsahang nakaranas na ng pang-aabuso o may kamag-anak o personal na kaibigan na inabuso ng mga iyon. Alam na alam ng petiburgesyang lunsod na nililikha ang kalagayang pinaghaharian ng takot at sindak para mapanatili si Marcos sa kapangyarihan at maitaguyod ang interes ng mga mapagsamantalang dayuhan at pyudal.

Matutuklasan ng pambansang burgesya, laluna ng nakakababa at panggitnang seksyon nila, na itinatakwil sila ng pasistang diktadura. Natutulak sila sa pagkabangkrap. Lalo pang nandarambong ang mga monopolyong empresang dayuhan sa Pilipinas sa pagtatangka nilang makabawi sa lugi't kagipitan sa ibang parte ng mundo. Walang kahihiyang patakaran ng pasistang diktadura na itali ang buhay nito sa pagbebenta ng Pilipinas sa mga monopolyong kapitalistang dayuhan, pangunahin sa mga Amerikano at Hapones. Sa ilalim ng konstitusyon ni Marcos, Batas sa Insentiba sa Pamumuhunan, Batas sa Insentiba sa Pag-eeksport at napakaraming iba pang dikretong pasista, ang mga monopolyong kapitalista ng US at iba pang bayan ay nagtatamasa ng mga pribilehiyong lampas pa sa ipinagkaloob ng konstitusyon ng 1935 at ng Kasunduang Laurel-Langley na may sugnay sa pariti. Mabilis nilang pinararami ang ari-arian nila, dinudurog ang pambansang burgesya, inaagaw ang lahat ng klase ng negosyo at oportunidad, at walang taros na dinadambong ang bayan.

Samantalang totoo na nakaharap sa atin ang iisang reaksyong pasista sa Luzon, Kabisayaan at mas malaking parte ng Mindanao, panlabas na anyo lamang ito ng sitwasyong poot na poot sa kaaway ang malawak na masa ng mamamayan at masigla nilang tinatangkilik ang maagang pag-umpisa ng ating digmang bayan. Sa ilalim ng wari'y lakas ng kaaway ay ang papalubhang krisis at walang lunas na pagkabulok. Kung hindi sa malawak na pagtangkilik na tinatamasa ng ating maliliit na armadong yunit, hindi makakatagal ang mga ito sa malalakas na salakay ng kaaway.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >

Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan

ni Amado Guerrero


NILALAMAN:

Introduksyon

1. Ang Bagong Tipo ng Rebolusyong Pambansa-Demokratiko

2. Matagalang Digma sa Kanayunan

3. Labanan sa Maliit at Mabundok na Kapuluan

4. Mula sa Maliit at Mahina tungo sa Malaki at Malakas

5. Paglitaw ng Papet na Pasistang Diktadura sa gitna ng Krisis

6. Sa Ilalim ng Iisang Kapangyarihang Imperyalista

7. Ang Pagbulusok ng Imperyalismong US at Pagsulong ng Rebolusyong Pandaigdig



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.