Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

4. MULA SA MALIIT AT MAHINA TUNGO SA MALAKI AT MALAKAS

Dapat nating kilalanin ang balanse ng pwersa natin at ng kaaway. Ito ang unang dapat gawin sa paglulunsad ng buong digma, o ng isang kampanya, o ng isang sagupaan. Sa ngayon, maliit at mahina tayo samantalang malaki at malakas ang kaaway. Walang duda na lubhang nalalamangan tayo sa militar sa mga partikular na bagay tulad ng bilang ng tropa, pormasyon, kagamitan, teknik, pagsasanay, tulong ng dayuhan at lahat ng klase ng suplay. Matatagalan bago tayo makalamang sa balanse ng pwersa. Kaya, batayang katangian ng ating digmang bayan ang pagiging matagalan.

Apat ang pangunahing sangay ng armadong pwersa ng kaaway: ang konstabularya, hukbong katihan, hukbong panghimpapawid at hukbong dagat, na binubuo ng di kukulangin sa sandaang libong (100,000) tropa sa kasalukuyan. Sa ilalim ng pasistang diktadura, dinagdagan ng di kukulangin sa apatnapung libong (40,000) tropa ang lakas ng kaaway, sa aktwal na pagdaragdag sa pwersang regular at sa pagpapahaba sa serbisyong militar ng mga treyni na dalawampung (20) taong gulang, na ang dating anim na buwang pagsasanay ay ginagawang isa't kalahating (1 ½) taon. Nagdagdag din sa lakas ng kaaway ang "civilian home defense forces" o CHDF (isa pang pangalan ng BSDU o "barrio self-defense unit"). Ipinahayag ng pasistang diktador na sa kalagitnaan ng 1975 ay aabot sa dalawang daan at limampung libo (250,000) ang kabuuang lakas ng reaksyonaryong armadong pwersa matapos ang integrasyon ng mga lokal na pulisya sa Konstabularya ng Pilipinas.

Ang lakas ng ating ganap na pwersang gerilya ay malayung-malayo sa regular na lakas militar ng kaaway. Ang tipikal na sentro de grabidad ng ating pwersang gerilya ay lakas-platun lamang. Umiikid sa paligid nito ang mga armadong iskwad pampropaganda at ganap na iskwad gerilya. Sa ngayo'y sa Hilangang-silangang Luzon pa lamang natin naaabot ang antas ng pormasyong kumpanya na may sapat na lakas, at doon pa lamang natin nagagawa ang mga operasyong pangkumpanya. Ngayon, kahit doo'y bumaba ang antas ng armadong pagkilos sa antas ng mga platun at iskwad. Gayunman, ang paghina doon na resulta ng walang tigil na kampanya ng kaaway ay higit pa sa nabawi ng paglaki ng Bagong Hukbong Bayan sa pambansang saklaw. Syempre, kung isasama ang partaym na yunit gerilya at yunit milisya, mas malaki ang masasabing bilang ng lakas militar natin; kaya lang, bilang mga armadong tauhan ay maliit at mahina ang mga ito kung ikukumpara sa di regular na pwersa ng kaaway, ang CHDF, na di hamak na mas mahusay ang armas.

Hindi natin tumpak na matataya ang mga nagawa natin sa larangang militar kung hindi sapat na isasaalang-alang ang ilang obhetibong kundisyon. Ang suhetibong mga pwersa ng rebolusyon, laluna ang Partido at ang hukbong bayan, ay nag-umpisa sa halos wala. Muling binuo ang Partido mula sa halos wala noong Disyembre 26, 1968; dagdag pa'y kinailangan nitong harapin ang mga atake hindi lamang ng mga lantarang kaaway kundi pati ang buktot na mga rebisyonistang Lava na tira ng lumang partidong pinagsanib. Ang Bagong Hukbong Bayan ay binuo rin mula sa halos wala noong Marso 29, 1969; dagdag pa'y kinailangan nitong harapin hindi lamang ang mga reaksyonaryong armadong pwersa kundi pati mga rebisyonistang Lava at gang nina Taruc at Sumulong.

Wala kahit isang riple na naipasa sa mga mga pultaym na gerilya ng Bagong Hukbong Bayan mula sa pakikipaglabang anti-Hapones ng Hukbalahap noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig o mula man sa gerang sibil na sumunod dito. Dahil sa mga Kanang oportunistang pagkakamali (noong katatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig), mga "Kaliwang" oportunistang pagkakamali nina Jose at Jesus Lava (noong gera sibil) at, sa bandang huli, mga Kanang oportunistang pagkakamali ni Jesus Lava, itinapon ng mga taksil na rebisyonistang Lava ang lahat ng baril na nakuha sa mga naunang armadong pakikibaka. Kinailangang mag-umpisa ang Bagong Hukbong Bayan sa ilang riple at pistola na karamiha'y inagaw sa pangkating maton nina Taruc at Sumulong para armasan ang siyam na pinaliit na iskwad na may tigpipitong mandirigma.

Mula nang itatag ang Bagong Hukbong Bayan, kinailangan itong maglunsad ng digmang bayan sa kundisyong wala ni digmaang mundyal ang mga imperyalistang kapangyarihan ni lantarang digmaan ang mga reaksyonaryo. Sa simula pa'y isang armadong pwersa na lubhang nagkakaisa ang kinailangang harapin ng hukbong bayan. Karapat-dapat itong bigyan ng kataas-taasang parangal dahil nagawa nitong ipreserba ang sarili at nakaya pang magpalawak at magpatatag sa harap ng malakas na task force ng kaaway, ng suspensyon ng kasulatan ng habeas corpus noong 1971, at ng kasalukuyang paghaharing militar ng pasistang diktadura. Kahit ngayong konsentrado ang kalakhan ng pwersa ng kaaway sa Timog-kanlurang Mindanao laban sa Hukbong Bangsa Moro, nagagawa pa ng kaaway na magmantini ng task force sa bawat rehiyon at ng pwersang konstabularya't isinanib na pulisya sa bawat probinsya, na daan-daang ibayo ang lakas sa armas kung ikukumpara sa atin.

Malaking disbentahe at kahinaan pa rin ng Bagong Hukbong Bayan ang pagkakaroon ng iilang riple lamang at ng napakaliit na pwersang matitipon para humarap sa kaaway, na kung maglunsad ng mga kampanya ng "pagkubkob at panunupil" ay nagdedeploy ng napakaraming yunit na di liliit sa kalahating kumpanya para magtanod, at ng pinalaking mga platun, na nabubuong ganap na kumpanyang regular o ganap na batalyon pa nga, para sagupain tayo sa loob ng kubkuban. Sa gayong kalagayan, masyado tayong nahihirapang imantini ang inisyatiba at isagawa ang patakarang manlipol sa mga labanan. Hindi madalas dumating ang pagkakataong makalipol ng isang iskwad o platun ng kaaway. Nagagawa pa nga ng kaaway na pwersahang pabakwitin ang buong populasyon sa pamamagitan ng pagmamasaker, pandarambong, pambobomba, at panununog. Kapag nawala na ang suportang masa sa loob ng takdang lugar, kadalasa'y napipilitang lumipat ang maliit nating pwersang gerilya.

Sa ngayon, ang tanging paraan para mapatingkad ang armadong lakas at kakayahang lumaban ay hayaang lumarga ang suportang masang tinatamasa natin. Ang mga gulok, sibat, pana, patibong at ibang katutubong sandata na madaling makuha ng masa ay dapat ikumbinasyon sa pampasabog na yaring-kamay at ilang ripleng hawak natin. Sa seryosong pagpapatupad ng patakarang papasukin ang kaaway at sumulong nang paalun-alon sa paborableng kalupaan kapwa sa estratehiya at sa taktika, pinakaepektibo nating magagamit ang kumbinasyon ng mga riple't katutubong sandata at kung minsa'y kahit ang mga katutubong sandata lamang kapag wala nang ibang magagamit. May mga okasyon din na sa panlalansi ay madidis-armahan natin ang mga pwersang CHDF, lokal na pulisya at maliliit na yunit ng kaaway nang hindi man nagpapaputok. Sa lubos na paghawak sa inisyatiba, paulit-ulit nating mabubuyo ang kaaway na bumanda sa tambangang mahusay nating inihanda, o ipadala ang superyor niyang pwersa sa ibang lugar para masalakay natin ang mahina niyang pwersa sa ibang lugar. Sa bawat okasyon, sinisigurado nating makuha ang kagamitang militar ng kaaway.

Dahil nga sa kaliitan at kahinaan natin, may dalawang magkasalungat na panganib na kailangan nating iwasan at labanan. Isa'y ang magtangkang saklawin ang isang purok na sa katunaya'y mas malawak kaysa kakayanin nating saklawin. Karaniwa'y nangangahulugan ito na sobrang naikakalat ang mga iskwad gerilya natin. Ang isa pa'y magkonsentra sa napakaliit na lugar, kaya sa isang ihip lamang ng kaaway ay hindi natin alam kung saan lilipat. Kung ikukumpara sa mga regular na pwersang makilos, ang mga pwersang gerilya ay kumikilos batay sa prinsipyo ng pagkalat. Pero dahil mayroon lamang tayong maliit na pwersang gerilya, at wala pang kahit anong regular na pwersang makilos na magiging pangunahing pwersa sa anumang okasyon, kailangan din natin ang relatibong konsentrasyon at relatibong pagkalat batay sa antas ng ating kasalukuyang pakikidigmang gerilya. Kailangan nating magkaroon ng mga pangunahing yunit gerilya gayundin ng mga sekundaryong yunit gerilya, at ng mga baseng gerilya gayundin ng mga sonang gerilya.

Depende sa kalagayan, kailangang italaga ang limitado nating pwersa batay sa mga tiyak na tungkulin, sa tamang direksyon at sa loob ng tiyak na saklaw. Ang mga kilos natin ay may pormang konsentrasyon, paglipat o pagkalat. Nagkokonsentra tayo para salakayin ang kaaway, pangunahin sa mga tambang at reyd sa maliliit niyang yunit na malilipol natin. Kumakalat tayo para magpropaganda at mag-organisa o "maglaho" kapag naririyan ang kaaway. Lumilipat tayo para umikot o umurong nang sa gayo'y magkapanahon at makapaghanap ng paborableng kalagayan para sumalakay. Katangian ng ating pakikidigmang gerilya ang pleksibilidad o napapanahong pag-iiba-iba ng paraan ng pagkilos, at ang pagiging makilos o madalas na paglilipat-lipat ng lugar. Dapat nating sapulin at patingkarin ang mga katangiang ito para mamantini ang inisyatiba laban sa kaaway.

Ipinapakita ng ating karanasan na daig natin ang kaaway dahil makatarungan ang ating digma, isang digma para sa demokratikong interes ng sambayanan. Kung hindi dahil sa tamang linya sa ideolohiya at pulitika na dinala ng Partido Komunista ng Pilipinas mula nang ito'y muling itatag, hindi sana tayo umabot nang ganito katagal, sa liit at hina ng ating armadong pwersa. Lumulubog ang kaaway sa palalim nang palalim na krisis sa pulitika at ekonomya, at walang tigil na gumagawa ng pang-aabuso na ang epekto ay kontra sa sariling layunin at pumupukaw lamang sa mamamayan para magrebelde. Sa absolutong pamumuno ng Partido, may kumpyansang magtatagumpay ang Bagong Hukbong Bayan dahil saanman naroroo't magtungo'y lumalabas na daig nito ang kaaway sa pulitika, palibhasa'y may pleksibleng estratehiya't taktika na nakabatay sa kongkretong kundisyong nauunawaan nito. Tulad ng Bagong Hukbong Bayan, maliit at mahina pa ang Partido bilang isang organisasyon, pero tiyak itong lalaki at lalakas basta't nagpupunyagi sa tamang linya sa ideolohiya at pulitika.

Sa kasalukuyang kalagayan ng pambansa o kahit sa panrehiyong saklaw, walang ibang magagawa ang Bagong Hukbong Bayan kundi ang lumagay sa estratehikong depensiba laban sa estratehikong opensiba ng isang palalong kaaway. Pero ang nilalaman ng estratehikong depensiba natin ay ang serye ng mga taktikal na opensiba na kaya nating ilunsad at ipagtagumpay. Sa pananalo natin sa mga labanang mabilis na tinatapos, tiyak tayong makakapag-ipon ng lakas para manalo sa mas malalaking labanan at kampanya at sa gayo'y makasulong sa mas mataas na yugto ng digma. Para makasulong mula sa pakikidigmang gerilya tungo sa regular na pakikidigmang makilos bilang pangunahing porma ng pakikidigma, kailangan nating magsumikap nang husto sa loob ng mahabang panahon. Nasa panimulang-panimula at maagang subyugto pa lamang tayo ng estratehikong depensiba.

Masasabi natin na sa matagal na proseso ng paglaki't paglakas ng hukbong bayan mula sa pagiging maliit at mahina, may mga yugto at subyugtong kailangan nitong daanan. Kung ipagpapalagay natin na mula sa kalagayang agrabyado pa ang pwersa natin ngayon ay makakapatas ito at sa bandang huli'y makalalamang sa kaaway, pansamantalang matutukoy ang tatlong estratehikong yugto na dadaanan ng ating hukbong bayan.

Dumadaan ito ngayon sa unang yugto, ang estratehikong depensiba. Sunod itong dadaan sa ikalawang yugto, ang estratehikong pagkakapatas, kapag humigit-kumulang ay magkasinlakas na tayo at ang kaaway at tumatampok na ang pakikipag-agawan natin sa kaaway para makuha ang estratehikong mga bayan, syudad at malalaking pook. Sa huli, dadaan ito sa ikatlong yugto, ang estratehikong opensiba, kapag ang kaaway ay lubhang napahina na at lubusang nahiwalay na at napilitang lumagay sa estratehikong depensiba, sa lubos na kabaligtaran ng pusisyon niya sa yugto ng estratehikong depensiba natin.

Maaliwalas ang hinaharap ng Bagong Hukbong Bayan, kahit kailangan nitong daanan ang mahaba at liku-likong landas. Sa kabilang banda, madilim ang hinaharap ng reaksyonaryong mga armadong pwersa. Kabiguan at kamatayan lamang ang hinaharap ng isang mersenaryo at palamuning militar na naninilbihan sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Nasa mga kamay ng hukbong bayan ang sandatang makapangyarihan sa lahat, ang tangkilik ng mamamayan. Kapag wala ito'y hindi tayo makapaglulunsad ng rebolusyonaryong digma.

Ipinaglalaban ng Bagong Hukbong Bayan ang demokratikong interes ng bayan, taglay ang pagmamalasakit at mulat na disiplinang bakal at ang katapangang bunga ng malalim at malawak na kaalaman. Lumalaban ang mga Pulang kumander at mandirigma nang hindi natatakot magsakripisyo at mamatay, dahil ipinaglalaban nila ang malawak na interes ng mamamayan at hindi ang makitid na interes ng mga imperyalista o ninumang indibidwal o pangkatin ng mga reaksyonaryo. Sa estratehiya, ang kaaway ay kinapopootan at hinahamak ng mga Pulang kumander at mandirigma. Pero sa taktika'y seryoso at masinop nilang isinasaalang-alang ang kaaway para mabigo ang bawat pakana at maniobrang magagawa nito.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >

Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan

ni Amado Guerrero


NILALAMAN:

Introduksyon

1. Ang Bagong Tipo ng Rebolusyong Pambansa-Demokratiko

2. Matagalang Digma sa Kanayunan

3. Labanan sa Maliit at Mabundok na Kapuluan

4. Mula sa Maliit at Mahina tungo sa Malaki at Malakas

5. Paglitaw ng Papet na Pasistang Diktadura sa gitna ng Krisis

6. Sa Ilalim ng Iisang Kapangyarihang Imperyalista

7. Ang Pagbulusok ng Imperyalismong US at Pagsulong ng Rebolusyong Pandaigdig



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.