Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

2. MATAGALANG DIGMA SA KANAYUNAN

Walumpu't limang porsyento (85%) ng populasyon ng bansa ang nasa kanayunan. Sa bilang na ito, mga pitumpu't limang porsyento (75%) ang maralitang magsasaka kasama ang manggagawang bukid; mga labinlimang porsyento (15%) ang panggitnang magsasaka; at mga limang porsyento (5%) ang mayamang magsasaka. Maaaring isa o dalawang porsyento lamang ang panginoong maylupa. Mga tatlo o apat na porsyento ang binubuo ng mga namamasukan sa gawaing di-agrikultural, artisano, maliit na maglalako, negosyante, estudyante, titser at iba pang propesyunal. Naiiba lamang ang porsyentaheng ito sa mga partikular na lugar na may minahan, trosohan, modernong plantasyon at ilang industriya. Mga magsasaka ang karamihan ng mga mangingisda sa baybay-dagat.

Batay sa mga datos na ito, may espesyal na katuturan ang populasyong magsasaka at ang kanayunan sa paglulunsad natin ng digmang bayan. Nasa kanayunan ang pangunahing problema sa lipunan, ang problemang umaapekto sa pinakamaraming mamamayan. Ito ang problema sa lupa. Inaapi at pinagsasamantalahan ng pyudalismo at malapyudalismo ang mga maralitang magsasaka, manggagawang bukid at ang mga nakabababang panggitnang magsasaka. Kung hindi aasikasuhin at lulutasin ang problemang ito, hindi natin makukuha sa panig ng rebolusyon ang pinakamakapangyarihang pwersang makakagapi sa kaaway.

Rebolusyong agraryo ang solusyon. Pinupukaw at pinakikilos ang masang magsasaka para ibagsak ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at hakbang-hakbang na tuparin ang reporma sa lupa. Depende sa kongkretong kalagayan, partikular sa natamong lakas ng pwersang rebolusyonaryo, pwedeng ibaba ang upa sa lupa at pawiin ang usura o tuwirang kumpiskahin ang mga ari-arian ng panginoong maylupa. Sa mga prontera, sisiguraduhin sa mga maralitang katutubo at maralitang setler na magmay-ari ng lupang katamtaman ang laki. Pinaninindigan ang Partido na pangunahing nilalaman ng rebolusyong pambansa-demokratiko ang pagtugon sa hangarin ng magsasaka na magkalupa.

Sa pagsasagawa lamang ng rebolusyong agraryo mapapakilos ng rebolusyonaryong pamunuan ang masang magsasaka bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon at mabubuo ang batayang alyansa ng proletaryado at uring magsasaka. At kung gayon, mula sa hanay ng niyuyurakang uring magsasaka makukuha ang pinakamaraming armadong pangkat. Sa ngayon, mga rikrut na magsasaka ang pangunahing bumubuo sa Bagong Hukbong Bayan. Nakasalalay sa suporta ng masang magsasaka ang paglaki ng ating hukbong bayan.

Sa pangkalahatang pananalita, sinasabi natin na ang pinakamaaasahang alyado ng proletaryado ang uring magsasaka. Sa mas partikular, iugnay natin ang rebolusyonaryong proletaryado sa iba't ibang saray ng uring magsasaka. Ang patakaran natin bilang mga rebolusyonaryong proletaryo ay pangunahing asahan ang maralitang magsasaka kasama ang manggagawang bukid, himukin ang panggitnang magsasaka at nyutralisahin ang mayamang magsasaka. Sa takbo ng rebolusyong pambansa-demokratiko, tinitiyak natin na hindi sobrang masasagasaan ang interes ng mayayamang magsasaka habang alerto naman tayo sa mga reaksyonaryong tendensya nila.

Sa paglaban at pagbabagsak sa mga panginoong maylupa, pangunahing target natin ang mga panginoong maylupa na malawak ang lupain, nagkalupa sa pamamagitan ng garapal na pangangamkam, may kapangyarihan sa pulitika at despotiko. Basta't pahihintulutan ng masa at ng kalagayan, binibigyan natin ng espesyal na konsiderasyon ang mga naliliwanagang panginoong maylupang sumasang-ayon at sumusunod sa ating mga patakaran at sumusuporta sa ating rebolusyonaryong digma.

Atrasadung-atrasado ang bayan natin dahil sa paghahari ng mga imperyalista, at mayroon pa ring malawak-lawak na kanayunan na pinaghaharian ng pyudalismo at malapyudalismo. Ang paurong na kanayunan ay hindi sinlaki ng sa Tsina pero talagang malaki kung ikukumpara sa ating mga syudad. Dito pangunahing ginaganap ang ating digmang bayan. Narito ang kalakhan ng populasyon ng ating bansa.

Nasa kanayunan ang pinakamahinang kawing ng kaaway. Pinakamasahol na pang-aapi at pagsasamantala ang ginagawa ng mga reaksyonaryo sa masang magsasaka. Gayunman, napakalawak ng kanayunan kaya hindi maiiwasan ng kaaway na ikalat ang kanyang armadong pwersa, o pabayaan ang malalawak na purok kapag nakatipon iyon sa ilang lugar. Samakatwid, sa matabang lupa ng kanayunan sisibol at yayabong ang Pulang kapangyarihang pampulitika - ang hukbong bayan, mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa at ang Partido. Wala nang lalawak at huhusay pang maniobrahan para sa ating hukbo at tipo ng pakikidigma.

Ipinapakita ng ating karanasan sa mahigit limang taon na nakalikha tayo ng dalawampung (20) larangang gerilya sa pitong rehiyon sa labas ng Maynila-Rizal. Patuloy na umuunlad ang mga larangang ito sa kanayunan sa kabila ng mga pasistang ganting-hakbang na ngayon lamang naging ganito kabangis. Kung sumusugod ang malaking pwersa ng kaaway laban sa maliit at mahina nating pwersa, pinapagod natin sila sa kasusuntok sa hangin; kaya habang tayo ay tinutugis ay nagagawa nating bumanat sa mas mahihina nilang yunit sa ibang lugar o magpalawak sa bagong lugar. Sa Lambak ng Cagayan (Cagayan Valley) naglunsad ang kaaway ng malaki't matagal na kampanyang "pagkubkob at panunupil", pero hindi nawasak ang maliit at mahinang pwersa natin doon.

Posibleng ilunsad ang matagalang digmang bayan sa Pilipinas dahil malawak-lawak din naman ang atrasadong kanayunan na kinaroroonan ng kalakhan ng populasyon. Maraming lugar ang malayu-layo sa mga sentro at pangunahing linya ng komunikasyon ng kaaway at doo'y nabubuhay ang mga taong umaasa sa sari-saring produkto ng agrikultura. Ibang-iba ang sitwasyong ito kasya sitwasyon sa bayang kapitalista.

Sa mga bayang kapitalista, nauuna sa gerang sibil ang mahabang panahon ng parlamentaryong pakikibaka. Doo'y disgrasyang malaki ang hinahanap ng pwersang rebolusyonaryo kung papasok sila sa isang gera sibil nang hindi nabubuwag ang malaking parte man lamang ng pamalagiang hukbo ng burgesya at nang hindi pa handa ang proletaryado sa pangkalahatang pag-aalsa na pwedeng mabilis at mapagpasyang ipagtagumpay. Ang gera sibil ay pangunahing itinatakda ng kundisyong nasa mga syudad ang karamihan ng tao, at inuumpisahan at tinatapos iyon sa mga pangunahing syudad na sentro ng ekonomyang lubhang unipikado at ng sistema ng komunikasyon na lubhang maunlad. Mas mabilis na napagpapasyahan ang pambansang tagumpay o pagkatalo sa mga bayang kapitalista kaysa sa mga bayang malakolonyal at malapyudal.

Sa Pilipinas, kailangan at posibleng ilunsad ang matagalang digmang bayan. Sa mahabang pahanon lamang hakbang-hakbang na mapapaunlad ang pwersa natin sa pamamagitan ng utay-utay na paggapi sa mga pwersa ng kaaway. Wala tayo sa pusisyon para isagupa ang maliit at mahina nating pwersa sa mga labanang mapagpasya sa estratehiya sa kaaway na nakalalamang pa sa militar. Una'y kauumpisa lamang natin mula sa halos wala. At noo'y hindi rin natin pwedeng ipagpaliban ang pag-uumpisa sa digmang bayan. Mas makakabuti para sa atin sa hinaharap kung mas mahaba ang panahon nating magpaunlad ng armadong lakas mula sa halos wala. Mahigpit na patakaran natin na lumaban lamang sa mga sagupaang kaya nating ipagtagumpay. Kung hindi natin matatalo ang pwersa ng kaaway, umiiwas tayo at humahanap ng pagkakataong banatan ang pwersa niya na kaya nating talunin.

Sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan, ginagamit natin ang estratehikong linya na kubkubin ang mga syudad mula sa kanayunan. Matatag nating pinauunlad ang mga base at sonang gerilya sa iba't ibang estratehikong lugar sa bayan. Sa susunod na yugto, ang mga lugar na ito ay pag-uugnay-ugnayin ng mga regular na pwersang makilos na nasa pusisyong magtanggol sa mas malaki at matatag na mga baseng rebolusyonaryo sa kanayunan. Mula sa ganoong matatatag na baseng rebolusyonaryo ay maaagaw natin sa katapusan ang mga syudad at makakasulong tayo sa pambansang tagumpay.

Habang prinsipal nating tungkulin na isulong ang matagalang digma sa kanayunan, sekundaryong tungkulin naman natin na paunlarin ang rebolusyonaryong kilusang lihim, at ang malawak na anti-imperyalista at demokratikong kilusang masa sa kalunsuran. Dapat nating gamitin ang kumbinasyon ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran at kanayunan; sa mga poblasyon at mga baryo; sa mga Pulang purok, Puting purok at rosas na purok.

Dapat tayong magpakahusay sa pagkukumbinasyon ng mga aktibidad na ligal, iligal at malaligal sa pamamagitan ng laganap at matatag na kilusang lihim. Ang rebolusyonaryong kilusang lihim na umuunlad sa tabing ng mga aktibidad na demokratiko at ligal o malaligal ay dapat magtaguyod sa komprehensibong paglago ng mga rebolusyonaryong pwersa, mag-ugnay sa disinsana'y magkakahiwalay na parte ng Partido at ng hukbong bayan sa bawat antas at maghanda ng batayan sa pag-aalsang bayan sa hinaharap at sa pagsulong ng hukbong bayan.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >

Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan

ni Amado Guerrero


NILALAMAN:

Introduksyon

1. Ang Bagong Tipo ng Rebolusyong Pambansa-Demokratiko

2. Matagalang Digma sa Kanayunan

3. Labanan sa Maliit at Mabundok na Kapuluan

4. Mula sa Maliit at Mahina tungo sa Malaki at Malakas

5. Paglitaw ng Papet na Pasistang Diktadura sa gitna ng Krisis

6. Sa Ilalim ng Iisang Kapangyarihang Imperyalista

7. Ang Pagbulusok ng Imperyalismong US at Pagsulong ng Rebolusyong Pandaigdig



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.