Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

3. LABANAN SA MALIIT AT MABUNDOK NA KAPULUAN

Ang Pilipinas ay maliit na kapuluang mabundok. Binubuo ito ng may pitong libo't sandaang (7,100) pulo at pulu-puluan na may kabuuang sukat na dalawang daan siyamnapu't siyam na libo, apatnaraa't apat (299,404) na kilometro kwadrado o 115,600 milya kwadrado. Ang nakatala sa ibaba na labing-isang (11) pinakamalalaking pulo ang bumubuo sa siyamnapu't apat na porsyento (94%) ng kabuuang lawak ng lupa at kinaroroonan din ng siyamnapu't apat na porsyento (94%) ng kabuuang populasyon ng bayan. Mabundok at may matabang lupa ang mga pulong ito tulad ng marami pang iba.

pkdbtable1
PuloSukat
(km.kuwadro)
Populasyon
1. Luzon104,68818,001,270
2. Mindanao94,6307,538,315
3. Samar13,0801,019,358
4. Negros12,7052,218,972
5. Palawan11,785236,635
6. Panay11,5152,114,544
7. Mindoro9,735472,396
8. Leyte7,2141,362,051
9. Cebu4,4221,634,182
10. Bohol3,865683,297
11. Masbate3,269492,908

Ang importansya ng isang pulo ay itinatakda hindi lamang ng laki nito. Mas importanteng isaalang-alang sa ating digmang bayan, laluna sa panimulang yugto nito, ang populasyon, kagubatan at kalupaang mabundok.

Tatlo ang namumukod na katangian ng Pilipinas sa pagiging kapuluan. Una, gutay-gutay sa maraming pulo ang ating kanayunan. Ikalawa, pinaghihiwalay ang dalawang pinakamalalaking pulo, ang Luzon at Mindanao, ng kalat-kalat na mga pulo ng Kabisayaan. Ikatlo, ihinihiwalay ng dagat ang maliit nating bayan sa iba pang bayan. Dahil sa mga katangiang ito'y sumusulpot sa ating digmang bayan ang masyadong kakaibang mga problema.

Sa isang banda ay totoong malawak ang kanayunan natin kung ikukumpara sa mga syudad. Sa kabilang banda'y totoo ring kailangan nating lumaban sa loob ng makikitid na larangan dahil maliit ang buong bayan at di dugtung-dugtong ang kanayunan. Ang digma natin at ng kaaway ay madaling tumindi, bumagsik at maging lubhang makilos. Sa Luzon at Mindanao, may napakalawak tayong lugar para magpaunlad ng regular na pwersang makilos, pero pinaghihiwalay ang dalawang pulong ito ng daan-daang kilometro at ng mas maliliit pang pulo na sa unang tingin ay sa pwersang gerilya lamang magiging angkop, sa buong takbo ng digmang bayan. Sa pag-unlad ng regular na pwersang makilos sa Luzon at Mindanao, malilikha ang pinakapaborableng kundisyon para sa paglitaw niyon sa mga pangunahing pulo sa Kabisayaan.

Talagang napakahirap at kumplikadong problema natin kung paano isusulong ang digmang bayan sa kapuluang tulad ng sa atin. Sa yugtong ito na sinisikap pa nating paunlarin ang pakikidigmang gerilya sa pambansang saklaw, kinailangang bagu-baguhin ng sentral na pamunuan ang ayos ng organisasyon para bigyan ng sapat na atensyon ang mga panrehiyong organisasyon ng Partido at hukbo. Isa lamang itong manipestasyon ng problema. Madaling durugin ng kaaway ang mga armadong yunit pampropaganda at panimulang yunit gerilya na nakakalat sa magkakalayong lugar. Isa pa itong manipestasyon ng problema.

Walang duda na sa umpisa ay malaking disbentahe sa atin ang labanan sa isang kapuluan tulad ng bayan natin. Dahil kailangang pumwesto ang sentral na pamunuan sa kung saang kalibliban sa Luzon, walang ibang magagawa ngayon at kahit sa mahabang panahong darating kundi gamitin at ipatupad ang patakaran ng sentralisadong pamumuno at disentralisadong mga operasyon. Sa buong bayan ay dapat tayong magtalaga at magpaunlad ng mga kadreng may-sapat na kahusayan para makapagdispusisyon at makapagmantini ng inisyatiba hindi lamang sa loob ng panahong kasing-ikli ng isa o dalawang buwan (panahon ng regular na pag-uulat) kundi sa loob din ng mga panahong kasinghaba ng dalawang taon o higit pa, sakaling piliin ng kaaway na konsentrahan at iblokeyo ang isang pulo o isang partikular na larangan.

Ang pag-unlad ng rebolusyonaryong baseng sentral sa isang dako sa Luzon ay mapagpasyang makakatulong at matutulungan sa pag-unlad ng maraming mas maliit na base sa Luzon, Kabisayaan at Mindanao. Kaya inaasikaso natin ang pagtatalaga ng mga kadre para sa pakikidigmang gerilya sa buong bansa. Sa maliit na bayang tulad ng Pilipinas, o mas partikular pa'y sa pulong tulad ng Luzon, kahibangan kung sumiksik noon sa isang makitid na purok ang sentral na pamunuan, ikonsentra nito roon ang lahat ng limitadong tauhan at lahat ng pagsisikap at sa gayo'y maakit ang kaaway na magkonsentra ng sarili niyang pwersa roon. Kahibangan kung minaliit ang kakayahan ng kaaway na kumilos nang mabilis at magkonsentra ng kanyang pwersa sa pulong pinakamaunlad ang komunikasyon.

Kung saan pinakapwede ay sinimulan ng sentral na pamunuan ang armadong pakikibaka, sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga Pulang mandirigma sa ikalawang distrito ng Tarlac noong unang bahagi ng 1969. Nagpadala agad ng mga kadre ng Partido sa kabundukan at mga burol ng Isabela. Pagkaraa'y mabilis na lumaki rito ang naging pangunahing pwersa ng Bagong Hukbong Bayan mula noong unang bahagi ng 1971 hanggang bisperas ng pasistang paghaharing militar. Ilang kadreng sinanay rito ang ipinadala sa ibang rehiyon para kumilos sa kanayunan. Ang sigwa ng unang kwarto ng 1970 at ang sumunod na mga aksyong protesta ng masa at pag-oorganisa sa masa sa Maynila-Rizal at iba pang syudad sa buong bayan ay nagbunga ng pinakamalaking bilang ng mga kadre para sa pambansang pagpapalawak ng Partido at hukbong bayan sa kanayunan. Ang mga kadreng ito ay nag-umpisang baguhan pero masigla, nagpalitaw ng mga bagong kadre sa hanay ng mga lokal na aktibistang masa at Pulang mandirigma, at napapanday sa takbo ng matitinding rebolusyonaryong pakikibaka.

Nalikha na natin ang pitong panrehiyong organisasyon ng Partido at hukbo sa labas ng Maynila-Rizal. Pagkatapos mapalakas ang mga ito, laluna yaong sa Hilagang-kanluran, Hilagang-silangan at Gitnang Luzon, mas malakas ang loob nating makakatanaw at makakahakbang tungo sa pagtatayo ng rebolusyonaryong baseng sentral sa paborableng kalupaan na mas matao at mas malawak kaysa bandang silangan ng Ilog Cagayan. Dapat ay nasa lugar ito na talagang mas mahirap iblokeyo ng kaaway. Mangyari pa, magiging mas madali ang pag-ugnay ng sentral na pamunuan sa mga panrehiyong organisasyon ng Partido sa Luzon kaysa roon sa Kabisayaan at Mindanao. Itong mga huling nabanggit ay mapapangasiwaan pa rin sa pamamagitan ng espesyal na organo ng Komite Sentral.

Sa kalaunan, ang pagiging kapuluan ng bayan natin ay magiging malaking bentahe sa atin at malaking disbentahe para sa kaaway. Mapipilitang hatiin ng kaaway ang kanyang atensyon at pwersa hindi lamang sa kanayunan kundi pati sa napakaraming pulo. Lilitaw ang malaking bentahe natin kapag matagumpay na nating napaunlad ang pakikidigmang gerilya sa buong bansa at kapag naumpisahan man lamang natin ang regular na pakikidigmang makilos sa Luzon, o sa Luzon at Mindanao.

Ang patakaran natin ay "unahin ang ilang pangunahing pulo at isunod ang iba pa." Malinaw nang naiintindihan ito sa Kabisayaan. Sa bawat pulo o sa partikular na parte ng pulong pinili nating pagkonsentrahan, dapat nating paunlarin ang pag-asa-sa-sarili; itakda ang kikilusan ng mga yunit gerilya sa sakop na limitado sa isang tiyak na panahon, para maiwasang sumabog ang ating pagkilos, pero sapat ang lawak para makapagmaniobra; at sumulong tayo na parang alon, laging nagpapalawak batay sa pagpapatatag. Ipinapakita ng mapait nating karanasan na nagiging dahilan ng mababaw na gawaing pampulitika at pagkadurog ng ating mga iskwad ang sobrang pagkakalat ng mga ito, sa maling pag-asa na makasaklaw ng mas malawak na lugar, o sabay-sabay na maasikaso ang napakaraming estratehikong lugar. Ang ilang iskwad gerilya ay kailangang magkaroon ng sentro de grabidad o lugar na pagtitipunan, para sa pansamantalang pag-urong o para paglunsaran ng konsentradong operasyon laban sa kaaway. Pero kailanma'y hindi natin dapat kaligtaan na kailangan maging makilos, at sa gayo'y madalas na kailangang ilipat-lipat ang nasabing sentro.

Dapat siguraduhin ng bawat panrehiyong organisasyon ng Partido na sa kasalukuyang yugto ay isa, dalawa o tatlong armadong larangan lamang ang pinauunlad nito. Kailangang ibase sa pangunahing larangan ang panrehiyong komiteng tagapagpaganap ng Partido. Dapat lamang lumitaw ang mas maraming base at sonang gerilya kapag konsolidado na ang ilan na kayang pangasiwaan nang sabay-sabay. Sa kasalukuyan, hindi kailangang magkaroon ng armadong pwersa sa bawat probinsya sa loob ng rehiyon. Mas madalas pa nga ay mainam na maglagay tayo ng armadong pwersa sa hangganan ng mga probinsya para makuha ang pinakamalaking pakinabang dahil unang una na'y kulang naman tayo ng armadong lakas para sa bawat probinsya.

Sa lahat ng pwersang rebolusyonaryo sa buong bayan, kailangang bigyan ng diin ang prinsipyong umasa sa sarili. Ito'y dahil ihinihiwalay ng karagatan ang maliit nating bayan sa mga karatig na bayan, laluna roon sa mga pumapanig sa ating rebolusyonaryong simulain. Sa isang pakahulugan, mas mapalad sa atin ang mga mamamayang Byetnamese, Kampucheano at Lao dahil kanugnog nila ang Tsina na nagsisilbing malakas na likuran nila. Kailanma'y di lalabis ang pagdidiin nating umasa sa sarili. Ang mga pangunahing pangangailangan ng ating digmang bayan ay kailangang tustusan ng hukbong bayan at ng malawak na masa mismo. Sa labanan mismo tayo pangunahing kumukuha ng armamento. Kailangang tumaas ang ating antas sa teknik na militar at ang ating kakayahan sa taktika't estratehiya sa pamamagitan ng mahigpit nating pagsunod sa Marxistang prinsipyong sumulong nang yugtu-yugto at magpakahusay sa isang yugto bilang paghahanda sa susunod na yugto. Ang katangian ng ating digmang bayan ay pinatitingkad ng pagiging pulu-pulo ng ating bayan.

Sa mula't mula pa, ang disbentaheng resulta ng pagiging pulu-pulo ng ating bayan ay nababawi na ng mabundok na katangian nito. Napakainam na kundisyon sa ating digmang bayan ang mabundok na kalupaang may tao't masukal. Kung ang katangiang pulu-pulo'y may epektong nagpapakitid sa ating mga larangan ng labanan, sa kabilang banda nama'y may epektong nagpapalawak at nagpapalalim ang katangiang mabundok. Mga bundok ang karaniwang natural na hangganan ng mga probinsya. Kaya't mapapanatili natin ang ating impluwensya sa ilang probinsya kahit na magbase tayo sa iisang mabundok na hangganan. Dahil mabundok ang tereyn, hindi rin tayo madaling malapitan ng kaaway, at doo'y mas malaki ang pagkakataon nating gampanan ang gawaing pampulitika sa hanay ng mamamayan kaysa iba pang lugar. Bago pa man mag-umpisang umahon ang kaaway, pasa-pasahan nang maipapaabot sa atin ang mga ulat ng masa sa poblasyon at mga baryo, aktwal nating makikita mula sa mga paborableng pwesto ang pagdating niya at matatantya ang laki at posibleng itatagal ng kanyang operasyon sa ayos ng kanyang mga tropa, trak at eruplano. Samakatwid ay mapapaghandaan natin ang kanyang pagdating.

Tinutuhog ng Sierra Madre ang halos ang buong haba ng Luzon; mula sa bandang silangan ng Lambak ng Cagayan ay dumadaan ito sa Gitnang Luzon at humahangga sa Kabikulan. Umaabot sa siyam na probinsya ang pinag-uugnay nito. Sa ilang lugar, dalawa o tatlong probinsya ang nagtatagpo rito. Sakop ng Kordilyera at Kabundukan ng Ilokos ang bandang gitna at kanluran ng Hilagang Luzon. Umaabot sa labing-isang (11) probinsya ang pinag-uugnay rito. Sa ilang lugar, apat na probinsya ang nagtatagpo rito. Bukod-tangi ang mga bulubunduking probinsya at mga gilid nito dahil dito nilipol ng pwersang gerilya ang pinakamakapal na konsentrasyon ng tropang Hapones sa Pilipinas - umabot sa sandaa't limampung libo (150,000) - noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Limang probinsya ang pinag-uugnay ng kabundukan ng Tarlac-Zambales. Dapat mahusay na ikoordina ang armadong pakikibaka sa malawak na kapatagan, nang may espesyal na pagsasaalang-alang sa nakapaligid na mga base militar ng US at mga pangunahing kampong militar ng Armadong Pwersa ng Pilipinas (AFP). Marami pang ibang maliit na bundok sa Luzon; paborable rin ang mga ito para sa pwersang gerilya.

Mas mabundok at masukal pa ang Mindanao kaysa Luzon. Nasa sentro ng Mindanao ang mabubundok na probinsya ng Bukidnon at Cotabato. Matao ang mga ito tulad ng mga probinsyang bulubundukin ng Hilagang Luzon at nakaugnay sa halos lahat ng probinsya ng Mindanao. Sa labas ng Luzon at Mindanao, apat na probinsya ang nagtatagpo sa kabundukan ng Panay at tigdadalawang probinsya ang nagtatagpo sa kabundukan ng Samar, Leyte, Negros at Mindoro.

Ang kalupaang mabundok ay mas paborable sa hukbong bayan habang mas marami ang naninirahan sa mga paanan, mga kaingin, talampas, pampang at tabing-sapa. Ang karaniwang naninirahan sa mabubundok na lugar ay ang mga pambansang minorya at maralitang setler. Madaling-madali nilang tanggapin ang rebolusyonaryong propaganda at marami sa kanila ang nasasandatahan ng desabog bilang parte ng kanilang pamumuhay. Pareho nilang kaaway ang reaksyonaryong gubyerno na ang turing sa lupain nila ay "lupang publiko" at kung hindi diretsahang kumakamkam dito ay pumapayag na kamkamin ito ng malalaking panginoong maylupa, malalaking burukrata o malalaking kapitalista. Sa umpisang-umpisa pa lamang ay kailangang masigasig natin silang pukawin at pakilusin para ipagtanggol ang lupain nila at kaunting ari-arian laban sa mangangamkam at pwersa ng kaaway. Sa paglulunsad ng mga operasyong militar laban sa atin, laging pwersahang pinababakwit ng kaaway ang mga naninirahan sa bundok para hadlangan sila sa pagsuporta sa atin at mapadali ang pagkamkam ng kanilang lupa. Dapat nating puspusang labanan ang lahat ng pwersahang ebakwasyon.

Ang pagbibigay natin ng pinakamataas na kahalagahan sa paglikha ng mga base at sonang gerilya sa kabundukan ay nakatulong nang malaki para mapreserba ang ating pwersang gerilya sa harap ng napakaraming maliit at malaking kampanya ng "pagkubkob at panunupil" na inilunsad laban sa atin. Kung di nagamit ang Sierra Madre, hindi sana napreserba ang maliit nating pwersa sa Lambak ng Cagayan na ang pangunahing pwersa ay tatlong kumpanya lamang, laban sa pitong libong (7,000) tropa ng kaaway. Kung di nagamit ang kabundukan ng Sorsogon, hindi sana napalaki ang maliit na panimulang pwersa natin doon hanggang maging pangunahing pwersang lakas-platun at walong iskwad, at mas madali sana itong nabawasan nang dumagsa ang sanlibong (1,000) tropa ng kaaway. Gayunman, dapat din nating tukuyin na mali ang umasa lamang sa mabundok na kalupaan. Ang ibig nating sabihin ay gamitin ang kumbinasyon ng di gaanong mataong kalupaang mabundok at ng mas mataong kapatagan, pero pangunahing umasa sa kabundukan sa pagtupad sa mga layuning militar sa maagang yugtong ito ng ating digmang bayan.

Mula sa lugar na mabundok at maburol, pwede tayong magpalawak sa mga kapatagang mas matao. Kahit abante na tayo sa pagtatayo ng mga base sa kapatagan, mananatili ang estratehikong importansya ng mga base nating mabundok at maburol bilang paniguro sa matagumpay na pagsulong ng digmang bayan. Pinakamahusay na makakapanatili ang rebolusyonaryong baseng sentral sa mataong kabundukan, na ang pinakamalawak ay nasa Luzon. Kahit saan, ang mga base sa kapatagan, baybay-dagat, lawa at ilog makakakuha ng suportang kailangang-kailangan, mula sa mga base sa kabundukan at mga burol.

Mula sa dalawampung (20) base at sonang gerilya na nakatayo na at batay sa karanasang natamo sa paglikha ng mga ito, pwede nang umpisahang itatag ng liderato ang rebolusyonaryong baseng sentral sa mataong kabundukan ng Hilagang Luzon. Sa hinaharap, ang mga base't sonang gerilya ng Hilagang-silangang Luzon, Hilagang-kanlurang Luzon at Gitnang Luzon ay pwedeng maging terminal ng regular na pwersang makilos na lilitaw sa rebolusyonaryong baseng sentral.

Pagkatapos na mapaghusay ang pagtatayo ng dalawa o tatlong baseng gerilya sa bawat rehiyon sa labas ng Maynila-Rizal, pwede na nating likhain ang mas marami't iba-ibang tipo ng base't sonang gerilya. Bawat panrehiyong organisasyon ng Partido at ng hukbong bayan ay magtatatag ng sariling baseng sentral at sa kalauna'y magbubuo ng sariling panrehiyong pwersang makilos. Sa bisperas ng pag-agaw ng kapangyarihan sa buong bansa, sisipitin ang Maynila-Rizal ng mga regular na pwersang makilos mula sa hilaga at mula sa dalawang rehiyon ng Timog Luzon.

Ang Mindanao ay mahahati sa tatlo o apat na rehiyon at maitatayo rin ang isang rebolusyonaryong baseng sentral na magkokoordina sa mga iyon. Matagalang tungkulin ng pwersa natin sa Mindanao ay higupin ang pwersa na kaaway mula sa Luzon at durugin ang mga iyon. Sa bagay na ito'y pwede tayong mahusay na makipagkooperasyon sa Moro National Liberation Front at Bangsa Moro Army. Masasamantala ng pwersa natin sa Kabisayaan ang mga tagumpay natin sa Luzon at Mindanao, at makakaambag sila sa tungkulin na piliting mahati ang pwersa ng kaaway at durugin ang pwersang ito.

Dahil kapuluan ang ating bayan, kailangan nating magpaunlad ng mga base't sonang gerilya sa mga baybay-dagat. Isang maliwanag at kagyat na dahilan ang komunikasyon. Dapat tayong makapagpaunlad ng lalong maraming ruta sa pagitan ng Luzon, Kabisayaan at Mindanao sa pamamagitan ng gawaing pampulitika sa hanay ng mga mangingisda at magdaragat. Sa Kabisayaan, ang pagsakay sa bangka ay kasingkaraniwan ng pagsakay sa trak sa Luzon at Mindanao. Kung hahango tayo ng mga aral sa timog-kanlurang Mindanao, laluna sa kapuluan ng Sulu, mas mapapaunlad pa natin ang pakikidigmang dagat, isang porma ng pakikidigmang gerilya na gumagamit ng maliliit na bangka at malalaki't maliliit na pulo. Magiging mahusay na suporta ito sa pakikidigmang gerilya natin sa katihan.

^
BACK TO TOP

< PREV|1|2|3|4|5|6|7|8|NEXT >

Ang Mga Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan

ni Amado Guerrero


NILALAMAN:

Introduksyon

1. Ang Bagong Tipo ng Rebolusyong Pambansa-Demokratiko

2. Matagalang Digma sa Kanayunan

3. Labanan sa Maliit at Mabundok na Kapuluan

4. Mula sa Maliit at Mahina tungo sa Malaki at Malakas

5. Paglitaw ng Papet na Pasistang Diktadura sa gitna ng Krisis

6. Sa Ilalim ng Iisang Kapangyarihang Imperyalista

7. Ang Pagbulusok ng Imperyalismong US at Pagsulong ng Rebolusyong Pandaigdig



 Download PDF file

 Read in English


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.