AFP, naghahasik ng teror at disimpormasyon sa Negros
Matapos ang brutal na masaker sa Sagay, target naman ngayon ng 303rd IBde ng Armed Forces of the Philippines na maghasik ng teror sa mga komunidad ng Escalante City kung saan aktibong kumikilos at nakikibaka ang mga magsasaka para sa karapatan sa lupa.
Sinalakay ng mahigit 100 sundalo at paramilitar ang Sityo Puting Bato at Pangahuyan sa Barangay Washington, at Cogon at Lawes sa Barangay Alimango, Escalante City, Negros Occidental noong Nobyembre 16, dakong alas-4 ng madaling araw. Partikular nilang tinarget ang bahay ni Elena Yap, myembro ng PAMALAKAYA at Gabriela Negros.
Nagtayo naman ng mga tsekpoynt sa Puting Bato at Tubigon para limitahan ang galaw at pigilan ang paglabas-masok ng mga residente sa mga komunidad. Hinarang sa tsekpoynt ang mga taong simbahan at mga grupong nais magbigay ng tulong sa mga residente. Pati ang mga kasapi ng midya ay pinagbawalang pumasok at mag-ulat tungkol sa okupasyong militar.
Nagpalaganap ng samutsaring gawa-gawang kwento ang mga sundalo para palitawing lehitimo ang kanilang operasyon. May namataan umano silang mga elemento ng Abu Sayaff sa Puting Bato. Ipinagkalat din nilang nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng BHB at AFP sa lugar, isang insidenteng agad na pinabulaanan ng BHB-North Negros. Pinakanakaiinsulto ang kwentong nagtatago diumano sa lugar ang mga salarin ng masaker sa Sagay. Mariin itong pinasinungalingan ng mga residente. Anila, walang kinakanlong ang komunidad kundi ang mga pamilya ng mga biktima ng masaker.
Kaugnay nito, tuluy-tuloy pa rin ang panggigipit sa tumutulong sa mga biktima ng Sagay masaker. Noong Nobyembre 9, nakatanggap si Clarizza Dagatan, pangkalahatang kalihim ng KARAPATAN-Negros, ng banta na siya ang susunod na papatayin. Pinagbantaan rin sina Roque Rillo ng National Federation of Sugar Workers, Noli Rosales ng Kilusang Mayo Uno at Christian Tuayon ng Bagong Alyansang Makabayan-Negros.
Sibilyang pasilidad sa CamSur, kinampuhan
Walang tigil ang mga operasyong militar ng mga elemento ng 902nd IBde, 9th IB, at 92nd Civil Military Company sa mga barangay ng Villasocoro, Tanag, Calabnigan, Malinao at Odoc sa Libmanan, Camarines Sur. Nagpapalaganap ang mga sundalo ng saywar para takutin ang mga residente sa naturang mga barangay.
Dito, kinakampuhan ng mga sundalo ang paaralan, barangay hall at simbahan. Isinailalim nila sa paniniktik, pananakot at interogasyon ang mga residente. Sapilitan nilang pinasurender ang mga inaakusahang mga kasapi ng rebolusyonaryong kilusan para umano “linisin” ang kanilang pangalan. Hinala ng mga residente, ang mga sundalo mismo ang nagpasabog ng bomba sa kapilya ng Barangay Tanag noong Oktubre 21.
Welgista sa SUMIFRU, tinangkang patayin
Dalawang beses na binaril ng hindi nakilalang mga lalaki si Jerry Alicante dakong 8:20 ng gabi sa tapat ng kanyang bahay sa Purok 10, Osmena, Compostela noong Nobyembre 11. Nagtamo ang biktima ng dalawang sugat sa kanang braso. Si Alicante, manggagawa sa plantasyon ng Sumitomo Fruit Corp., ay aktibong kasapi ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farms (NAMASUFA) na naglunsad ng welga noong Oktubre 1. Kabilang siya sa mga naggigiit na gawing regular ang mga manggagawa at kilalanin ang kanilang unyon sa kolektibong pakikipagtawaran.
Kinundena ng NAMASUFA ang tumitinding mga atake sa kanilang hanay sa kanilang protesta noong Nobyembre 16 sa labas ng Davao Convention Center habang idinaraos sa loob nito ang National Banana Congress.