Kapitalistang midya na kontra manggagawa
Lantad ang pamamayani ng kapitalistang interes ng malalaking kumpanya sa midya sa pagtrato ng mga ito sa kanilang mga empleyado at sa pagbabalita tungkol sa mga laban ng mga manggagawang Pilipino.
Matingkad na halimbawa nito ang sunud-sunod na mga protesta ng mga manggagawa ng PLDT nang tanggalin ng maneydsment nito ang 8,000 kontraktwal na manggagawa noong Hulyo. Ito ay sa kabila nang kautusan ng DOLE at ng Korte Suprema na iregularisa ang naturang mga empleyado. Ito ang pinakamalaking tanggalan ngayong taon.
Sa kabila ng mga protesta at pagtampok na kampanya ng mga empleyado at kanilang mga tagasuporta sa social media, kapansin-pansin na hindi ito ibinalita ng TV5 na kontrolado ng grupong Pangilinan-Salim. Pahapyaw din lamang itong ibinalita ng ABS-CBN at GMA 7, kung saan laganap din ang ang kontraktwalisasyon.
Bagamat tinalakay sa ilang dyaryo at internet ang tanggalan at ang #SavePLDTContractuals, wala o malabnaw ang pagtalakay sa sistematikong pagpapatupad ng kontraktwalisasyon ng malalaking kumpanya, kabilang sa midya, upang baratin ang mga manggagawa at ipagkait sa kanila ang kanilang mga karapatan. Hindi naisakonteksto ang kalagayan ng mga manggagawa ng PLDT sa balangkas ng laganap na kontraktwalisasyon ng paggawa at kawalan ng seguridad sa trabaho. Hindi rin ibinabalita sa mga ito ang pagmamaniobra ng malalaking kum- panya para takasan ang kanilang ligal na mga obligasyon gamit ang mga reaksyunaryong batas.
Kasabay ng isyu ng PLDT ang pagputok ng iba pang laban ng mga manggagawa tulad ng Jollibee, Nutriasia at Middleby na pahapyaw lamang na ibinalita.
Sa kaso ng marahas na pambubuwag sa nagpuprotestang mga manggagawa ng NutriAsia noong Hulyo 31, ginamit pa ng ABS-CBN ang bidyo na kuha ng isang independyenteng grupo para siraan ang mga manggagawa. Napilitan lamang itong ibalita ang totoo matapos maglabas ng dagdag na mga bidyo ang mga alternatibong grupo na nagpatunay na inatake ng mga pulis ang mga nagpuprotesta nang walang “panunulsol” mula sa mga raliyista. Paulit-ulit na binalewala ng mlalaking midya ang mga pahayag ng mga manggagawa at kanilang mga tagasuporta kaugnay ng pambubuwag at kanilang protesta.
Sa kaso pa rin ng NutriAsia, hindi lamang mga kumpanya ng telebisyon, kundi pati ang mga “walang kinatatakutan” na mga pahayagan, ang nagpalaganap ng kasinungalingan kaugnay ng isang “welgista” na diumano’y may dalang baril sa piketlayn. Malao’y inamin ng naturang “welgista” na ginamit lamang siya ng mga pulis.