Maguindanao Massacre, ginunita
Nagtipon ang mga kamag-anak, manunulat at manggagawa sa midya noong Nobyembre 18 sa Sityo Masalay, Ampatuan, Maguindanao para gunitain ang ika-9 na anibersaryo ng Maguindanao Massacre.
Nagdaos ng isang misa ang mga kaanak sa pinangyarihan ng krimen upang gunitain ang pagpaslang sa kanilang mga mahal sa buhay. Ipinanawagan nila na hatulan na ang magkakapatid na Ampatuan sa brutal na pagpaslang sa 58 tao kung saan 32 ay mga manggagawa sa midya.
Sa kaugnay na balita, nanindigan ang mga manunulat sa ilalim ng National Union of the Journalists of the Philippines laban sa lantarang panggigipit ng PNP sa kanilang hanay. Inilunsad nila ang kampanyang ‘Sign against the Sign’ noong Nobyembre 9 para labanan ang paggamit ng pulis sa mga mamamahayag bilang saksi sa mga operasyong kontra droga.
Anila, ang pagpirma dito ay katumbas ng kanilang pagkiling sa inilulunsad na gera kontra droga ng pulis. Dapat manatiling nakakiling sa katotohanan ang mga mamamahayag, dagdag pa nila.