Pinabibilis ng China ang pagkolonya sa Pilipinas*
Pakay ng China na dagsain ang ekonomya ng Pilipinas ng labis na kapital, pasandigin ito sa pautang at ayuda ng China, ipataw ang mga patakarang neoliberal, dambungin at pagsamantalahan ang lakas-paggawa at likas na yaman ng bansa, kontrolin ang mga susing aspeto ng ekonomya at habampanahon na panatilihin ang Pilipinas na tagapagluwas ng mura at mababang dagdag-na-halagang hilaw o bahagyang naprosesong mga materyales at tagapag-angkat ng malalaking kagamitan at kalakal na pangkonsumo.
Matapos na ito’y nasa sentro ng imperyalistang global value chain (o pandaigdigang assembly-line ng mga korporasyong multinasyunal), ang China ay matagal nang hantungan ng mga eksport na hilaw na materyales at mala-manupaktura at pangunahing pinag-aangkatan ng bansa.
Sa nagdaang dalawang taon, kumikilos nang mabilis ang China para lalong palakasin ang presensyang pang-ekonomya nito sa bansa. Ang official development assistance o ayuda ng gubyerno ng China ay sumirit sa $63.5 milyon noong nagdaang taon, mula $1.5 milyon noong 2016. Ang mga tuwirang dayuhang pamumuhunan mula China ay mas mabilis na lumaki at umabot nang $1.043 bilyon sa unang dalawang taon ni Duterte, halos 85% na ng $1.231 bilyon sa kabuuang anim na taon ng nagdaang rehimeng Aquino at mahigit na sa $825 milyon sa siyam na taong paghahari ni Arroyo.
Layunin ng China na pabilisin ang dominasyong pang-ekonomya sa Pilipinas sa pamamagitan ng pamumuhunan sa malalaking proyektong pang-imprastruktura para magamit ang tigil nitong kapital at may mapagbentahan ng sobra-sobra nitong bakal at semento. Inakit nito si Duterte ng pangakong mamumuhunan ng $15 bilyon sa mga proyektong dam, kalsada, tulay, daungan at mga riles at magbibigay ng pautang na hanggang $9 bilyon sa mga darating na taon.
Gayunman, sa kalakha’y hindi pa nagkakatotoo ang mga pangakong pagpasok ng pondo. Subalit talagang naglalaway na ang mga burukratang kapitalista sa malaking kikbak na maaari nilang ibulsa sa anyo ng tinatawag na “discoverer’s fee.” Abang na abang ang malalaking burgesya-komprador at mga kapitalistang alipures ni Duterte na makatuwang ang malalaking korporasyong Chinese para magkamkam ng malalaking tubo sa mga proyektong may garantiya ng estado.
Pagpapanatili ng atrasadong ekonomya
Sa pang-ekonomikong pagkolokonya sa Pilipinas, pinananatili ng China ang pagiging atrasado, agraryo at hindi industriyal na ekonomya ng Pilipinas, na matagal nang pinaghaharian ng mga monopolyo-kapitalista ng US at Japan.
Magiging alipin sa utang ng China ang Pilipinas dahil sa pagkagumon nito sa utang, bukod pa pagsandig sa mga pautang at ayuda mula sa IMF-WB, sa ADB, sa Japan EximBank Bank at iba pang nagpaputang.
Hanggang ngayon, ang Pilipinas ay nananatiling malakolonya at kutang militar ng imperyalismong US, na ngayo’y katunggali ng China sa isang gera sa kalakalan. Hinahamon ng China ang dominasyon ng US sa ekonomya, pulitika at militar.
Bagaman mabilis na humahabol, malayo pa ang China sa US at Japan sa usapin ng tuwirang pamumuhunan at pautang sa Pilipinas. Sa larangan ng pamumuhunang portfolio o pagpasok ng kapital sa stock market ng Pilipinas at iba pang instrumentong pampinansya, nananatiling nangunguna pinagmumulan ng kapital ang US na may 43% bahagi kumpara sa 6% lamang ng China.
Ang mga patakaran sa ekonomya, tulad ng pagpapataw ng batas TRAIN, ay patuloy na niimpluwensyahan ng IMF, ng mga hawak ng US na ahensya sa credit rating at mga grupong tulad ng Partnership for Growth.
*Halaw sa pahayag ng PKP na “Labanan ang pagpataw ng imperyalistang kapangyarihan ng China sa Pilipinas,” Nobyembre 20, 2018.