Dakilain at tularan ang diwa ng FQS—JMS
Sa ika-50 taong anibersaryo ng First Quarter Storm (FQS), ginunita ng iba’t ibang organisasyon ang kabuluhan nito sa kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan. Simula Enero 26, inilunsad ang serye ng mga aktibidad sa pangunguna ng FQS Movement. Ayon kay Prop. Jose Maria Sison, dakila at napapanahong tungkuling gunitain ang FQS ng 1970 at tularan ang mga aktibista na lumahok sa daluyong na ito sa pamamagitan ng mga mobilisasyon, talakayan at iba pang pagtitipon.
Inianak ng FQS ang maraming kabataang aktibista at grupo ng mga kabataan. Naging susi ito sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mga kabataan. Pinasigabo nila ang pagsusulong ng pambansa-demokratikong kilusan at nanguna sa gawaing masa sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, katutubo, kabataan, kababaihan at mga prupesyunal. Pinalakas din nila ang hanay ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Pagbabahagi pa ni Sison, mabilis na dumami ang kasapian ng Partido, Bagong Hukbong Bayan at iba pang pangmasang organisasyon bilang resulta ng FQS. Nang ideklara ang batas militar noong Setyembre 21, 1972, malaking bilang ng mga aktibista ang lihim na kumilos at lumahok sa paglaban sa pasistang rehimen.
Bukod sa talakayan, nagtipon din ang mga beterano at bagong mga aktibista sa Mendiola noong Enero 30 upang alalahanin ang ika-50 taon ng “Battle of Mendiola.” Isa itong pagkilos ng may 10,000 kabataang estudyante laban sa pasismo ng diktadurang US-Marcos. Bilang tugon sa kanilang rali, dinahas ng Metrocom ang libu-libong aktibista. Sinagot naman ito ng mas malalaki pang protesta ng mga mag-aaral at manggagawa sa Malacañang.
Nagsama-sama sa aktibidad ang mga matatanda at nakababatang aktibista. Para sa kanila, ang mismong dahilan ng FQS ay nagpapatuloy at mas matindi pa sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ayon kay Prof. Judy Taguiwalo, aktibista at isa sa mga lumahok sa FQS, malinaw na halimbawa nito ang Executive Order 70 na nakadisenyo upang sikilin ang karapatan ng mamamayan.
Naglunsad din ng programa sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City noong Enero 26. Binigyang-pugay ang lahat ng kabataan at sektor na nanguna sa kilusang bayan laban sa diktadurang Marcos. Kinilala rin ang pakikibaka ng kasalukuyang henerasyon para sa tunay na demokrasya at kalayaan, at inihayag ang pagsuporta sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP at panawagang palayain ang mga bilanggong pulitikal.
Dumalo rito ang mga kaanak ng mga martir at bayani noong batas militar na sina Rizalina Ilagan, Emmanuel Lacaba, Antonio Zumel, Ma. Lorena Barros at Edgar Jopson.
Pumutok ang FQS noong Enero 26, 1970 at nagtapos noong Marso 1970. Malaki ang naging papel nito sa dumaluyong na kilusang masa hanggang sa mapatalsik ang diktador na si Marcos.