Iba't ibang mukha ng pandarambong sa FSMR

,

Mahigit tatlong taon na ang mga kampanyang panunupil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Far South Mindanao Region (FSMR). Naglulunsad ito ng sustenido at papatinding mga operasyong militar sa mga prubinsya sa rehiyon para ipagtanggol ang panghihimasok at pandarambong ng mga multinasyunal at lokal na kumpanya sa agribisnes at mina.

Sa tabing ng Community Support Program, kinukubkob ng militar ang agrikultural na mga komunidad at mga kagubatan para padaliin ang pangangamkam ng lupa. Tinatakot at ginigipit ang mga magsasaka, laluna ang mga maralita, para supilin ang kanilang paglaban. Ang tumatangging magbigay ng kanilang lupain ay inaakusahang mga terorista at dinarahas.

Pangangamkam ng mga kumpanya sa agribisnes

Agresibong pinalalawak ng mga kumpanya sa agribisnes ang mga plantasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang porma ng pangangamkam ng lupa at mga iskema sa pagtatanim ng mga produktong pang-eksport. Kasabay nito, dagsa naman ang mga kumpanya sa mina.

Nagpapatupad ang mga kumpanya sa agribines ng mapagsamantalang mga iskema gaya ng sistemang leasehold at growership para mapalawak ang kani-kanilang plantasyon. Sa ilalim ng sistemang leasehold, inuupahan ng kumpanya ang mga lupang pribado o publiko para gawing plantasyon, madalas sa napakababang presyo. Ang growership naman ay sistema kung saan nagpapatanim ang kumpanya sa mga pribadong indibidwal. Sagot ng kapitalista ang lahat ng gastos pero obligadong ibenta sa kumpanya ang produkto sa presyong dikta nito.

Sa kaso ng Dole Philippines Inc. (Dolefil), lokal na subsidyaryo ng multinasyunal na Dole Food Company na nakabase sa US, tinatayang lumawak tungong 70,000 ektarya ang saklaw ng operasyon nito dahil sa pagpapatupad ng nasabing mga iskema. Ito ay kahit mayroon lamang minamantine na 9,364-ektaryang baseng plantasyon ang kumpanya.

Mula 2014, walang puknat ang mga operasyong kombat ng Task Force Central ng 6th ID sa Sultan Kudarat para bigyang daan ang ekspansyon ng mga plantasyon. Sa unang taon ng panliligalig nito, lumawak nang mahigit pitong beses (mula 220 ektarya tungong 1,574) ang mga plantasyon ng saging ng mga multinasyunal pa lamang. Sa sumunod na tatlong taon ay lumawak pa ito nang 70% (tungong 2,677 ektarya). Kabilang sa nakinabang rito ang Dolefil at Sumifru Philippines Corporation (lokal na subsidyaryo naman ng multinasyunal na Sumitomo Corp. na nakabase sa Japan).

Malawakan ding ipinaloob ng Nestlé Philippines ang mga lupang agrikultural sa mga konsesyon para sa pagtatanim ng kapeng pang-eksport. Kontrolado nito ang mayorya ng produksyon ng kape sa buong Sultan Kudarat, na ikalawang pinakamalaking prubinsyang nagpoprodyus ng kape sa buong bansa. Dagdag pa rito, humigit-kumulang sa 12,000 ektarya ng mga plantasyon ng kape rin ang kontrolado ng M&S Company at Silvicultural Industries Inc., mga kumpanyang pag-aari ng pamilyang Consunji.

Naging mabilis din ang paglawak ng mga plantasyon ng rubber (goma) at oil palm sa rehiyon sa nagdaang dekada. Lumawak ang kabuuang erya ng mga plantasyon ng rubber mula 31,235 ektarya noong 2009 tungong 63,500 noong 2018. Tinatayang 91% nito o 58,000 ektarya ang matatagpuan sa North Cotabato.

Sa kabilang banda, lumawak naman mula 14,609 ektarya noong 2010 tungong 20,500 noong 2018 ang kabuuang erya ng mga plantasyon ng oil palm. Kalahati nito o 10,105 ektarya ang matatagpuan sa Sultan Kudarat.

Kabilang sa mga pinakaapektadong lugar sa rehiyon ang Barangay Ned sa Lake Sebu, South Cotabato. Ang barangay at mga kanugnog nito ay target ng pagpapalawak ng mga multinasyunal na plantasyon. Itinuturing ng reaksyunaryong lokal na pamahalaan ang lugar bilang pinakamainam na sonang pang-agribisnes sa lalawigan. Ang Ned ang pinakamalawak na barangay sa buong bansa na sumasaklaw sa 41,200 ektaryang lupain. Bahagi ito ng lupang ninuno ng mga Lumad na T’boli, Tiruray, Ubo at Manobo.

Panghihimasok ng mina

Sa rehiyon, ang mga reserbang mineral tulad ng ginto, tanso at iron ay matatagpuan sa mga prubinsya ng North Cotabato (Pigcawayan at Magpet), Sultan Kudarat (Kalamansig, Palimbang, Bagumbayan at Columbio), South Cotabato (Tampakan, Lake Sebu at T’boli) at Sarangani Province (Maitum, Kiamba, Maasim at Glan).

Mahigit 30 multinasyunal at lokal na kumpanya ang kasalukuyang nag-oopereyt o kaya’y nag-aayos ng aplikasyon para sa malawakang pagmimina sa nabanggit na mga lugar. Umaabot na sa 224,103 ektarya ang eryang saklaw ng operasyon ng mga kumpanyang ito.

Sampu sa mga kumpanyang ito ang ginawaran na ng mga kontrata para mag-opereyt sa 63,559 ektaryang lupain ng rehiyon. Gayunman, ang Sagittarius Mines Inc. lang ang ginawaran ng reaksunaryong gubyerno ng Financial and Technical Assistance Agreement para sa 28,539 ektaryang konsesyon nito sa Tampakan. (Basahin ang kaugnay na artikulo sa Ang Bayan, Oktubre 7, 2019). Apat na kumpanya naman ang may Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) para sa limang konsesyon na may kabuuang lawak na 17,439 ektarya. Pinahintulutan din ng reaksyunaryong estado ang eksplorasyon ng apat na kumpanya sa 17,579 ektaryang lupain.

Bukod sa mga nabanggit ay may nilalakad pang 27 aplikasyon sa pagmimina na sasaklaw sa 160,544 ektarya. Binubuo ito ng apat na mga aplikasyon para sa MPSA na sumasaklaw sa 10,323 ektarya, at 23 aplikasyon para sa exploration permit na sumasaklaw ng aabot sa 150,221 ektarya.

Laganap din ang pang-aagaw ng mga dayuhang kumpanya sa operasyon ng mina sa rehiyon. Sa kabundukan ng Daguma, Sultan Kudarat, walang kaabog-abog na inagaw ng kumpanyang Korean na General Resources Co., Ltd. (GRCO) ang minahan ng mga maliitang minero. Kasalukuyang nag-oopereyt ang subsidyaryo nitong GRCO Isulan Mining Corporation sa 4,500 ektarya sa Barangay Kinayaw, Bagumbayan.

Pumasok din sa lugar ang mga kumpanyang Chinese na Epochina Mining Corporation at Xin Lin International Mining Corporation. Aabot sa 4,549 ektarya ang pinagsamang lawak ng mga konsesyon ng nasabing mga kumpanya. Ang Xin Lin Mining ay subsidyaryo ng Shanghai Xin Lin International Trading Company Ltd., isa sa pinakamalaking taga-eksport ng mga produktong asero ng bansang China.

Kasalukuyan namang pinuproseso ang aplikasyon ng kumpanyang British na Alphaville Mineral Resources, Inc. para sa eksplorasyon ng ginto, tanso at pilak sa 16,133 ektarya sa mga bayan ng Tulunan, North Cotabato at Columbio, Sultan Kudarat.

Iba't ibang mukha ng pandarambong sa FSMR