Sangtwaryo ng mga Lumad sinalakay ng mga paramilitar
ILANG ARAW MATAPOS i-utos ng Regional Peace and Order Council 11 ang pagpapasara ng UCCP Haran Center sa Davao City, sinalakay ito ng mga paramilitar noong Enero 25. Bitbit ang mga sundang, sinira ng mga kasapi ng Alamara, grupong paramilitar na hawak ng berdugong militar, ang mga pader at bakod ng Haran kung saan tumutuloy ang may 500 Lumad na bakwit. Napilitang lisanin ng mga bakwit ang kanilang lupang ninuno dulot ng matinding militarisasyon.
May 50 paramilitar ang umatake sa Haran. Ayon sa ulat, sapilitan nilang pinababalik ang mga nagbakwit sa kanilang mga komunidad sa Kapalong at Talaingod, Davao del Norte.
Dumating ang mga pulis sa lugar subalit tumanggi silang arestuhin ang mga kasapi ng Alamara. Sa halip ay pinigilan ang midya na pumasok sa loob ng bakuran.
Nanindigan naman ang mga lider Lumad na mananatili sa sangtwaryo hanggang matiyak nilang ligtas na ang kanilang mga komunidad.