Maanomalyang pondong paniktik ng DICT

,

Nalantad noong Enero 31 ang maanomalyang paggamit ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa tagong pondo nito noong 2019. Ginamit ng upisina ang P300 milyon para sa gawaing paniktik sa internet na labag sa malayang pamamahayag at posibleng pakikialam sa personal na impormasyon ng bawat Pilipino.

Isiniwalat ito ni DICT Undersecretary Eliseo Rio Jr. kasabay ng kanyang pagbibitiw sa pwesto. Inilinaw niya na hindi kasama sa mandato ng DICT ang gawaing paniktik. Labas pa dito ang pag-akusa niya sa upisina sa mabagal nitong paglabas ng pondo sa gawaing operasyon na hawak ng upisyal.

Dahil dito, naghain ng resolusyon ang mga progresibo sa Kongreso noong Pebrero 5 at gayundin sa Senado para paimbestigahan ang paggamit ng pondo ng ahensya para sa paniktik.

Sa harap ng tumitinding pasistang panunupil at malawakang Red-tagging sa mga progresibo at aktibista, isang malaking banta sa malayang pamamahayag ang paniniktik ng upisina. Ngayong taon, umabot pa sa P800 milyon ang tagong pondo ng kagawaran.

Maanomalyang pondong paniktik ng DICT