Proyektong Aerotropolis, pasakit sa mga mangingisda at mamamayan
Sa paligsahan ng mga kapitalista, itinuturing ni Ramon Ang na mapagpasyang papabor sa kanya ang proyektong New Manila International Airport. Mas kilala ito bilang Aerotropolis na itatayo ng San Miguel Holdings Corporation sa 2,500 ektaryang baybay-dagat ng Barangay Taliptip, Bulakan, Bulacan. Ngunit para sa mga mangingisda at residente sa lugar, sa laro ng malalaking negosyo, nakataya ang kanilang kabuhayan, paninirahan at preserbasyon ng kalikasan.
Tinatayang nasa 700 pamilya ang mawawalan ng tahanan at kabuhayan sa nakaambang paglamon ng dambuhalang proyekto sa buong latian. Libu-libong pamilya pa ang nanganganib na mapalayas dulot ng pinatinding ispekulasyon at plano para sa pagpapalit gamit ng lupa sa katabing mga bayan.
Ayon naman sa Advocates of Science and Technology for the People (Agham), tinatayang 24 na ektarya ng mga pangisdaan ang matatabunan dulot ng malawakang reklamasyon. Mula pa noong Abril 2018 ay pinagpuputol na ng hinihinalang mga tauhan ng SMC ang mga bakawan para magbigay daan sa proyekto. Umaabot na sa 600 bakawan ang pinutol sa Barangay Taliptip. Kalakhan sa mga pinutol ay ang mga piapi, matibay na uri ng bakawan na nagsisilbing tahanan ng mga isda at panangga sa mga alon.
#Pribatisasyon ng pampublikong pangisdaan
Dahil sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa, napagsasamantalahan at itinataboy ang mga lumilikha ng produkto mula sa pangisdaan. Wala ring suporta ang estado laluna matapos ang mga kalamidad, kaya’t nawawalan ng kakahayan ang mga propitaryo na magpaunlad pa ng produksyon sa kanilang mga palaisdaan at asinan. Kabilang sa pagtatayuan ng Aerotropolis ay mga palaisdaan at asinan na binili ng SMC matapos mawasak ng sunud-sunod na mga kalamidad. Ito ang nagdulot ng dislokasyon sa kabuhayan ng mga manggagawa sa mga palaisdaan, ng mga mag-aasin at maliliit na mangingisdang nataboy mula sa mga tiniwangwang na palaisdaan. Kaakibat nito ang militarisasyon ng lugar upang supilin ang paglaban ng mga residente.
Ipinatutupad ang proyektong Aerotropolis alinsunod sa disenyo ng Manila Bay Coastal Strategies, isa sa mga mayor na programa ng Greater Capital Region sa ilalim ng programang Build, Build, Build ng rehimeng Duterte. Kinontrol ni Duterte ang reklamasyon sa buong bansa upang pagtayuan ng mga proyekto ng kanyang pinapaborang malalaking kapitalista. Sa Manila Bay, ang malawakang reklamasyon ang pumapatay sa kabuhayan ng mga mangingisda at iba pang nakaasa rito.
Sa ilalim ng iskemang public-private-partnership (PPP), popondohan ng San Miguel Holdings Corp. ang konstruksyon ng Aerotropolis na nagkakahalaga ng P735 bilyon. Pagkatapos ng konstruksyon ay ipapasa sa reaksyunaryong gubyerno ang operasyon nito, at oobligahin ito na bayaran ang gastos sa konstruksyon nang may napakataas na interes. Gaya ng iba pang mga proyektong PPP, ginagarantiyahan nito ang bilyun-bilyong pisong kita kay Ramon Ang.
Bahagi rin ng proyekto ang paglalatag ng kalsadang sasagasa sa mga sakahan sa Marilao, Bulacan para lamang idugtong ang paliparan at North Luzon Expressway. Bahagi rin nito ang Manila Integrated Flood Control and Coastal Defense Expressway Project ng San Miguel Holdings Corporation kasosyo ang New San Jose Builders. Saklaw ng programa ang buong Manila Bay mula Navotas hanggang Bataan.