Paglaban ng mga manggagawa ng Nissen Electronics
Isang kumpanyang Japanese ang Nissen Electronics Philippines na gumagawa ng fuse para sa mga sasakyan. Nagsusuplay ito sa mga kumpanya tulad ng Toyota, Nissan, Ford at Isuzu. Ito ay lokal na subsidyaryo ng multinasyunal na Nippon Seisen Cable, Ltd na nakapagtala ng kabuuang benta na 10 bilyong yen (P4.6 bilyon) noong Marso 2018.
Nagsimula ang operasyon ng Nissen Electronics Philippines sa Southern Tagalog noong 2009 sa Laguna Technopark Incorporated bago lumipat sa Daiichi Industrial Park noong 2016. Kasabay ng paglipat ng pagawaan ang pagbaba ng sahod ng manggagawa dahil mas mababa ang minimum na sahod sa Cavite (P351.50) kumpara sa Laguna (P378.50).
Dagdag na abuso sa mga manggagawa ng Nissen ang sapilitang obertaym. Sa iskemang tinatawag na “six to six,” sapilitang pinatatrabaho ang mga manggagawa nang 12-oras kada araw. Hindi bayad ang holiday at day-off, at pinababayaran din sa mga empleyado ang kanilang mga uniporme at kagamitang pangkaligtasan.
Noong 2018, nasa 468 ang mga kontraktwal sa kabuuang bilang na 493 manggagawa ng Nissen. Mayorya (412) sa kanila ay babae, habang 56 naman ang lalaki. Pinagkukunan ng Nissen ang ahensyang Career Power Professional Mgt. Services ng mga kontraktwal na manggagawa nito. Ang ahensya ay pagmamay-ari ni Edgardo Etac. Pinalalabas ng Nissen na wala itong direktang obligasyon sa mga manggagawa dahil ang ahensya umano ni Etac ang nag-eempleyo sa kanila.
Paggigiit ng karapatan
Ang hangaring mapabuti ang kanilang kalagayan ang nagtulak sa mga manggagawa ng Nissen na itatag ang Manggagawang Regular at Kontraktwal sa Nissen Electronics Phils.–Liga (Marekonep-Liga). Ito ang naging sandigan ng kanilang laban para sa regularisasyon na hinudyat ng paghahain ng isang empleyado ng petisyon para mag-inspeksyun ang Department of Labor and Employment (DOLE)-Calabarzon sa pabrika noong Hulyo 2018.
Sa sulat sa DOLE, inisa-isa ng mga manggagawa ang mga paglabag sa batas at hindi maayos na pagtrato ng Nissen sa kanila. Kabilang sa kanilang inireklamo ang pagpapatupad nito sa kontraktwalisasyon, hindi pagsunod sa itinakdang minimum na sahod, hindi pagbabayad ng obertaym at 13th month pay, holiday at night differential. Isinama nila pati ang hindi pagbabayad ng service incentive leave, iligal na kaltas, diskriminasyon sa transportasyon at mga usapin sa kaligtasan ng mga manggagawa. Sinabayan ang paghahain ng petisyon ng kilos protesta sa harap ng upisina ng DOLE sa Trece Martires City noong Disyembre 11, 2018 para manawagan ng kagyat na paglalabas ng desisyon para sa regularisasyon.
Bilang ganti, iligal na tinanggal ng maneydsment ng Nissen ang 21 manggagawang lumahok sa protesta mula Enero 3, 2019.
Sa halip na maduwag, lalong tumapang ang mga manggagawa ng Nissen. Isinabit nila ang kanilang mga plakard at panawagan sa bakod ng pagawaan ng Nissen. Ipinagsigawan nila ang kanilang mga kahilingan sa harap ng mga pulis at sundalong nagbabantay sa loob at labas ng Daiichi Industrial Park.
Hindi nilubayan ng mga manggagawa ng Nissen ang DOLE hanggang sa maglabas ito ng desisyon noong Pebrero 2019 pabor sa mga manggagawa. Idineklara nitong regular ang 502 kontraktwal, kabilang ang 21 tinanggal. Tagumpay ito ng sama-samang pagkilos sa gitna ng panggigipit ng mga kapitalista.
Panibagong tanggalan, panibagong laban
Dahil walang pangil ang mga kautusan ng DOLE na inapela rin ng kumpanya, patuloy ang paglabag sa karapatan ng mga manggagawa. Noong Setyembre 13, 2019 muling nagtanggal ang kumpanya ng 89 manggagawa. Karamihan sa mga tinanggal ay matagal nang empleyado ng Nissen.
Panibagong bugso ng mga pagkilos ang ikinasa ng mga manggagawa. Nagprotesta sila sa harap ng Daiichi Industrial Park. Regular din silang nagsasagawa rito ng mga pagkilos at programa kasabay ng pagpasok at paglabas ng mga manggagawa sa engklabo. Panawagan nilang maibalik sa trabaho at kilalaning regular ang mga kasamahan nilang iligal na tinanggal ng kumpanya.
Hanggang ngayon ay patuloy ang laban ng mga manggagawa ng Nissen. Patuloy ring gumagawa ng hakbangin ang Nissen upang supilin ang kanilang pakikibaka. Maaaring magtagal pa ang labang ito, ngunit isang bagay ang tiyak: nagsimula na ang kabiguan ng kapitalista sa oras ng pagkamulat ng manggagawa sa pagsasamantalang ginagawa sa kanya.