FMO sa Ilocos at Abra, binigwasan ng BHB
Magkasunod na bigwas ang pinakawalan ng BHB-Ilocos-Cordillera laban sa nakapokus na operasyong militar (focused military operation o FMO) ng 81st IB at 69th IB sa Ilocos at Abra. Tatlo ang napatay sa kaaway sa mga engkwentro noong Enero 13 at Pebrero 2.
Noong Enero 13, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang isang platun ng 81st IB sa Barangay Mapisi, Nagbukel, Ilocos Sur dakong alas-5:30 ng umaga. Dalawang sundalo ang napatay. Namatay naman ang giya ng isang kolum ng 69th IB sa pangalawang labanan na naganap sa Barangay Nagcanasan, Pilar, Abra noong Pebrero 2, ala-1:10 ng hapon. Maagap na nakapagmaniobra ang mga kasama habang walang habas na nagpaputok ang kaaway upang mailabas ang kanilang kaswalti.
Bilang ganti, walang patumanggang nag-istraping gamit ng mga helikopter ang mga pasista sa paligid ng Barangay Nagcanasan noong Pebrero 2-3. Nagdulot ito ng matinding takot sa mga residente sa nasabing komunidad at kalapit na mga baryo.
Noong Enero 7, umabot sa 21 na kolum ng pinagsamang pwersa ng 24th IB, 69th IB, 81st IB, 71st Division Reconnaissance Coy at Regional Mobile Force ng PNP ang ipinakat sa hangganan ng Abra (Pilar, Villaviciosa at Luba) at Ilocos Sur (Santa Maria, Burgos, San Emilio, Nagbukel at Narvacan). Nadagdagan ito ng 12 pang kolum matapos ang nasabing mga labanan.