Iligal na pag-aresto sa Tacloban 5

,

Magkasabay na sinalakay ng mga pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group, PNP-Tacloban at mga sundalo ang mga upisina ng Bayan-Eastern Visayas sa Fatima Village, Bañezville, Barangay 77 at upisina ng Eastern Vista sa Calanipawan Road noong Pebrero 7, ala-una ng madaling araw. Iligal na inaresto sa reyd sina Marissa Cabaljao ng People Surge kasama ang kanyang isang-taong-gulang na anak; Frenchiemae Cumpio, ehekutibong direktor ng Eastern Vista; Alexander Philip Abinguna ng Karapatan; Mira Legion ng Bayan; at Mariell Domanquill ng Rural Missionaries of the Philippines.

Sapilitang pinasok ng may 150 armadong elemento ang upisina kung saan natutulog sina Abinguna, Legion, Cabaljao at kanyang anak. Ilang minuto matapos silang palabasin sa kanilang mga kwarto, nagtanim ang mga pasista ng ebidensyang mga baril at gamit sa paggawa ng pampasabog. Sa ikalawang upisina, nagising na lamang si Cumpio na may nakatutok na baril sa kanyang dibdib. Kinuha rin ng mga pulis ang pondo ng upisina at pinalabas na pondo umano ito ng rebolusyonaryong kilusan. Nagtanim din sa upisina ng ebidensyang baril, granada at bandila na may karet at maso.

Kasalukuyang nakadetine ang lima sa PNP Regional Office-8 sa Palo, Leyte. Kinasuhan sila ng illegal possession of firearms and explosives. Sina Legion at Cabaljao lamang ang pinahintulutang magpyansa.

Sa Surigao City, iligal na dinakip ng magkakumbinang pwersa ng AFP at PNP-Sibagat si Nestor Amora batay sa gawa-gawang kasong kidnapping at illegal detention noong Pebrero 10. Kabilang si Amora sa 458 indibidwal na iniuugnay sa pag-reyd ng BHB-NEMR sa detatsment ng CAFGU sa New Tubigon, Sibagat, Agusan del Sur noong Disyembre 2018.

Si Amora ay kilalang negosyante at naging kapitan sa Barangay Banza sa Butuan City mula 2007 hanggang 2018. Siya rin ay naging pangulo ng Butuan City Association of Barangay Captains at kasapi ng Sangguniang Panglunsod mula 2010 hanggang 2018. Tumakbo rin siya sa bilang bise-alkalde sa ilalim ng partidong PDP-Laban noong eleksyong 2019. Sumuporta rin si Amora sa Bayan Muna Partylist at sa mga kandidato sa pagkasenador ng Makabayan.

Pamamaslang. Pinaslang ng mga ahente ng AFP ang lider-minero na si Adonis Shu noong Pebrero 10 sa Sityo Iraan, Magara, Roxas, Palawan. Si Shu ay kilalang tagapagtanggol ng karapatan sa kabuhayan ng maliitang mga minero ng ginto sa Roxas. Dahil dito, inakusahan siya ng militar na kasapi umano ng BHB at aktibong tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan. Bago ang pagpaslang ay maraming beses na siyang nakatanggap ng banta mula sa militar at pilit na pinasusurender bilang kasapi ng BHB.

Pagdukot. Sa Quezon, dalawang magniniyog na kasapi ng Coco Levy Funds Ibalik sa Amin (Claim)-Quezon ang dinukot ng mga elemento ng 85th IB noong Pebrero 3. Kinilala ang mga biktima na sina John Ardy Cacao at Jason Calusin na huling nakita sa Barangay Cagsiay 3, Mauban, Quezon. Dumulog na ang kanilang mga kamag-anak sa iba’t ibang upisina ng reaksyunaryong gubyerno kabilang na ang punong himpilan ng Southern Luzon Command para alamin kung nasaan ang mga biktima subalit bigo silang makakuha ng sagot.

Pamamaril. Pinagbabaril ng nag-ooperasyong mga tropa ng 24th IB ang anim na kabataang nangingisda lamang sa Barangay Lan-ag, Lacub, Abra, noong Pebrero 17. Kinabukasan, nagtungo sa lugar ang taumbaryo upang hanapin ang kanilang mga anak subalit pinagbawalan sila ng mga sundalo. Nang muling makasama ng kanilng mga kapamilya, inilahad ng mga biktima ang matinding takot na idinulot ng insidente. Para pagtakpan ang krimen, pinalabas ng 24th IB na mga armadong magnanakaw umano ang mga biktima, taliwas sa pahayag ng mga residente.

Iligal na pag-aresto sa Tacloban 5