Pagkalat ng COVID-19, sintomas ng malubhang kalagayan ng pampublikong kalusugan

,

Binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas ang rehimeng Duterte sa matinding pagpapabaya nito sa kalusugan ng publiko sa harap ng pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus (COVID-19). Dahil sa kawalang pakialam sa pangangalaga sa pampublikong kalusugan, huli nang ipinagbawal ni Duterte ang mga byahe mula sa mga bansa kung saan unang kumalat ang virus at kahit pa nagpatupad na ng mga hakbang ang iba’t ibang bansa upang pigilan ang pagkalat nito. Naglabas na lamang ng kautusan si Duterte para ipagbawal ang mga byahe noong Enero 31 matapos siyang batikusin ng mga mamamayan, isang araw matapos magdeklara ng “public health emergency” ang World Health Organization (WHO).

Sa pinakahuling ulat, tinatayang 2,000 na ang namatay sa China mula nang kumalat ang COVID-19 sa bansa noong huling linggo ng Disyembre 2019. Mahigit 76,000 na rin ang nahawaan ng sakit na ito na nakitaan ng mga sintomas gaya ng matinding lagnat, ubo, at hirap sa paghinga.

Ayon sa PKP, tumingkad ang kalunos-lunos na kalagayan ng pampublikong kalusugan dahil sa pagkalat ng COVID-19. Patunay na rito ang mababang alokasyon ng rehimen para sa sektor ng kalusugan. Nananatiling walang akses ang mayoryang mahihirap sa mga serbisyong pangkalusugan sapagkat korporatisado pa rin o para lamang sa tubo ang ipinagmamalaking “universal health care” o sistema para sa libreng pagpapagamot ng rehimen.

Bagamat lumaki ang absolutong halaga ng alokasyon para sa sektor ng kalusugan ngayong 2020 (mula P177.7 bilyon tungong P185.5 bilyon), lumiit naman ang hati nito sa pangkabuuang pambansang badyet (mula 4.85% noong nakaraang taon tungong 4.52%). Ang P7.8 bilyong itinaas ng badyet ay nanaknakin lamang ng implasyon.

Sa partikular, ang inilaan para sa Epidemiology and Surveillance Program ay tinapyasan nang kalahati (mula P262.9 milyon noong 2019 tungong P147.4 milyon ngayon taon). Ito ang programa ng Department of Health na sumusubaybay, nag-iimbestiga at sumusuri sa paglaganap ng mga sakit tulad ng COVID-19.

Binawasan din ng P147.4 milyon ang badyet para sa Health Systems Strengthening Program. Ang programang ito ang nagtitiyak na may malawak na mapagkukunan ng mga manggagawang pangkalusugan kabilang na ang mga duktor, nars, midwife, dentista, manggagawang pangkalusugan sa mga komunidad, at iba pa.

Sa kasalukuyan, nananatiling napakababa ng tumbasang duktor-sa-pasyente sa Pilipinas. Sa bawat 10,000 pasyente, wala pang isang duktor (0.3%) ang nakalaan para sa kanila. Lubhang malayo ito sa rekomendasyon ng WHO na tumbasang 1-1.5 duktor kada 1,000 mamamayan.

Pagkalat ng COVID-19, sintomas ng malubhang kalagayan ng pampublikong kalusugan