Pahayag

Tugon ng rehimeng Duterte sa COVID-19, bigo! Panahon nang isulong ang rebolusyonaryong programa sa kalusugan!

Bigo ang husga ng bayan sa tugon ng rehimeng Duterte sa COVID-19!

Ngayong Abril 13, 2021, umabot na sa 15,286 ang namatay, 884,783 ang naimpeksyon at wala pa sa 1% ng populasyon ang nabakunahan. Pangalawa ang Pilipinas, sunod sa Indonesia, sa may pinakamaraming kaso ng Covid-19 sa Timog-silangang Asya. Apaw na ang mga ospital at hindi na kayang i-akomoda ang dumaraming nagkakasakit sa Covid-19. Lupaypay na sa hirap ang mga manggagawang pangkalusugan sa dami ng mga nagkakasakit sa Covid-19. Paubos ang mga gamot at lumalaganap ang bago’t mas mababagsik na variant ng virus. Pinakamalala ang disempleyo at kagutuman sa buong kasaysayan. Walang makapagsabi kung kailan maaampat ang mabilis na pagkalat ng nakahahawang sakit. Ang tiyak tayo ay patungo pa ito sa paglala hanggat hindi binabago ng rehimeng US-Duterte ang kanyang estratehiya sa paglaban sa Covid-19 bilang usapin ng peace and order sa halip na ituring ito bilang krisis sa pangkalusugan.

Ito ang sitwasyon sa kabila ng grabeng paghihirap at pagtitiis na pinagdaanan ng taumbayan. Buong taon silang nagdusa sa militarista at pinakamahabang lockdown, di-mahusay at biased na pagpapatupad sa mga health protocol, barat na ayuda, pasistang task force laban sa pandemya at kawalang-katiyakan ng bakuna. Ang mga ito ang nagpaypay sa galit ng sambayanan at nagpatibay sa kanilang batayan para hingin na patalsikin ang mas mabagsik pa sa virus na rehimeng Duterte.

Unang araw pa lang ng pagpasok ng virus, bagsak na agad ang tugon ng rehimen. Sing-aga ng Disyembre, 2019, hinayaan ng rehimen na pumasok ang mga turistang Chinese at mga operators at manggagawa ng POGO mula Wuhan, China na di malayong nagdadala ng Covid-19 virus. Sa kabila ito na inalertuhan na ng China noong Disyembre 31 ang World Health Organization (WHO) ng pagsiklab ng mga kaso ng pulmonya sa Wuhan City, Hubei mula sa di malamang dahilan na tinawag na 2019-nCoV at pagkatapos pinangalanang Covid-19. Nagbingi-bingihan ang rehimen sa mga babala dahil nanghihinayang sa mawawalang kita ng turismo. Mabilis na kumalat ang virus nang walang sagka matapos ang unang naitalang kaso noong Enero 30, 2020 at unang lokal na pagkahawa noong Marso 7, 2020. Huli na ang pang-agap na pagdedeklara ng state of national emergency at pagpapatupad ng lockdown noong Marso 15, 2020—partikular ang pagpapailalim sa buong Luzon sa enhanced community quarantine (ECQ).

Nahuli na nga’y iniasa pa ng rehimen sa makitid at militaristang solusyon na lockdown ang pagsawata sa pandemya sa halip na magpatupad ng solusyon medikal batay sa syensya tulad ng mga ipinatupad sa karatig na mga bansa sa Timog-silangang Asya. Hindi ito nagsagawa ng mass testing at contact tracing na rekomendado ng WHO sa maagang yugto upang apulahin ang paglaganap ng virus. Kaya pagsapit ng Agosto 2020, sumambulat ang biglang pagdami ng mga impeksyon tungong higit 100,000 kaso, isa sa pinakamataas sa Timog-silangang Asya. Dito sa TK, lumaki nang 18 beses ang mga kaso kumpara noong Abril 2020.

Gaya ng dati, minaliit ng rehimen ang panganib at ibinunton ang sisi sa mga Pilipinong “matitigas ang ulo.” Pati mga manggagawang pangkalusugan na nasasagad na sa paglaban sa COVID-19 ay kinalaba’t pinagbuntunan ng galit ni Duterte at hinamon pang “magrebolusyon.” Sa kabilang banda, malambot ito sa kahilingang buksan na ang mga negosyo ng mga kapitalistang atat na atat nang kumita. Resulta nito ang pag-aatras-abante sa paghihigpit sa mga health protocol at lalong pagkalat ng impeksyon.

Magaling ang rehimen sa pagpabor sa mga kroni, pero pabaya sa mamamayan at ekonomyang apektado ng napakatagal na lockdown at paghihigpit sa mobilidad ng populasyon. Umabot sa 12.7% ang tantos ng disempleyo at 9% ang pagliit ng ekonomya ng bansa nitong 2020. Kakarampot ang P22.8 bilyong ayuda sa Bayanihan 2 para pagkasyahin sa tinatayang 7.6 milyong nagugutom na pamilyang Pilipino—papatak ito ng P3,000 lamang kada pamilya. Hindi pa ito aabot sa limang (5) araw na gastusin ng isang pamilyang may 5-6 miyembro. Mas masahol ang kalagayan ng mga magsasaka na halos hindi naambunan ng ayuda.

Sa pagtatapos ng 2020, kabi-kabila ang mga negosasyon sa ibang bansa at mga kumpanyang parmasyutikal para sa bakuna, lalo’t walang panloob na kakayahan ang Pilipinas na magprodyus nito. Pulos paghahambog ang rehimen pero hanggang ngayon, wala pang saradong kontrata ang GRP para sa suplay ng bakuna. Pangarap na gising ang herd immunity sa katapusan ng 2021.

Sinasalamin ng maliit na pondong inilaan ng GRP ang palyado nitong tugon sa pandemya. Hindi man lang nito kayang sagutin ang libreng testing at pagpapagamot ng mga pasyenteng may COVID-19. Sa pambansang badyet sa 2021, nasa P131.7 bilyon ang inilaan para sa pandemya—11% lamang ito ng pondo para sa imprastraktura. Kapos na kapos ito para pahusayin ang serbisyong pangkalusugan, pakainin ang mga nagugutom at pasiglahin ang ekonomya. Ito dapat ang mas pinaglaanan ng pondo kaysa ang modernisasyon ng AFP na nagwaldas ng pera ng bayan sa mga mapanirang helicopter, attack planes, barkong pandigma, kanyon at iba pa. Ganundin ang P19.1 bilyong inilaan sa NTF-ELCAC na ginagamit lamang sa pagtugis sa mga tinatakan at inaakusahan nitong mga “kaaway ng estado” at ang P16.4 bilyong mga pantapal na proyekto sa ilalim ng kontra-insureksyong Barangay Development Program (BDP).

Mauugat ang kabiguan ng rehimen sa maling perspektiba sa paglutas sa pandemya. Ginamit nito ang krisis na pagkakataon para sa ibayong panunupil at pagsasamantala. Sinamantala ang pandemya para isagasa ang mabagsik na Anti-Terror Law at pakawalan ang terorismo ng estado laban sa mamamayan sa ngalan ng bulag na “anti-komunismo at anti-terorismong” obsesyon ni Duterte. Sinagpang ng mga ultra-Kanan at pasistang elemento ang pangangailangan sa kwarantina para kontrolin ang populasyon at supilin ang mga pakikibakang masa. Isinangkalan din ang COVID-19 para iraos ang pangungutang—umabot sa P3 trilyon ang inutang sa 2020 na dadagdagan pa ng P3 trilyon sa 2021. Bunsod nito’y nakatakdang lumobo pa hanggang higit P11 trilyon ang utang ng bansa bago matapos ang taon. Malaking porsyento nito’y pambayad utang at pampondo sa Build, Build, Build na daluyan ng burukratikong kurakot at kikbak para sa pangkating Duterte at mga kroni nito.

Ang kasalukuyang estado sa ilalim ni Duterte ay walang puwang para pangalagaan ang kalusugan ng mamamayan laluna ng masang anakpawis. Daigdig ang kaibahan nito sa rebolusyonaryong programa sa kalusugan ng NDFP na ipatutupad sa pambansang saklaw sa pamamagitan ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan sa kanayunan na binhi ng itatatag na demokratikong gubyernong bayan (DGB) sa ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan.

Sa 12-puntong programa ng NDFP, ginagarantiyahan bilang karapatan ang pangagalaga sa kalusugan. Titiyakin ang libre, abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat. Prayoridad sa pambansang badyet ang kalusugan kasama ng edukasyon, pabahay at iba pang serbisyong panlipunan.

Magkakaroon ng sapat na pasilidad kabilang ang mga lokal na klinika, ospital at mga gusaling pang-rehabilitasyon. Magsasanay ng mga manggagawang pangkalusugan hindi para i-export kundi para magsilbi sa publiko. Popondohan ang pananaliksik at pag-aangat ng teknolohiyang medikal kapwa sa tradisyunal at moderno. Magiging bahagi ng pambansang industriyalisasyon ang pagtatatag ng sariling industriyang parmasyutikal na tutugon sa pangangailangan ng bansa.

May espesyal na pagdidiin sa mga serbisyong kaugnay ng preventive healthcare o pag-iwas sa sakit. Tututukan ang nutrisyon, pagpaplano ng pamilya, kaligtasan sa mga pook trabaho, pangangalaga sa kababaihan at mga bata, at sanitasyon. Sa gayon, tataas ang resistensya ng populasyon laban sa mga nakakahawang sakit at maiiwasan ang mga epidemya.

Malaki ang magiging papel ng mamamayan sa pagkakamit ng mahusay na sistemang pangkalusugan sa ilalim ng DGB. Sa ngayon, ipinatutupad na ang ilang bahagi nito sa mga base ng Pulang kapangyarihan habang isinusulong ang digmang bayan. Ipinatutupad ang mga kampanyang edukasyon at sanitasyon, pagpapaunlad ng mga lokal na manggagawang pangkalusugan at paghahatid ng serbisyong medikal sa pinakamaralita.

Ang rebolusyonaryong programa sa kalusugan ng NDFP ang karapat-dapat sa mamamayang Pilipino, hindi ang bulok na sistema sa ilalim ng rehimeng Duterte at malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas. Ito ang may kapasidad na labanan ang pandemyang COVID-19 at iba pang bantang sakit dahil nakabatay ito sa pambansa, siyentipiko at makamasang oryentasyon. Paglilingkuran nito ang nakararami, hindi ang makitid na interes ng iilan. Pauunlarin ang syensya at medisina para pakinabangang ng mamamayan at hindi ng kapitalistang tubò ng mga dambuhalang kumpanyang parmasyutikal. Patunay nito ang Cuba na bagamat isang maliit na bansa ay nangunguna sa buong mundo sa usaping medikal. Nagawa nitong sansalain ang pagkalat ng COVID-19 at ngayo’y lumilikha ng sariling bakuna.

Sa isang taong pakikitungo sa pandemya, nalantad ang kalunus-lunos na kalagayan ng pampublikong kalusugan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema na pinasahol ng bulok at pasistang rehimeng Duterte. Hindi dito natatapos ang pagharap ng bayan sa COVID-19. Marapat na singilin ang rehimen sa kriminal nitong kapabayaan habang iginigiit ang karapatan ng mamamayan at mga wastong hakbangin sa pagkontrol ng virus. Kailangang tanawin ang buumbuong pagbabago sa sistemang pangkalusugan ng bansa kasabay ng masikhay na pakikibaka upang itayo ang bagong demokratikong estado ng mamamayan.###

Tugon ng rehimeng Duterte sa COVID-19, bigo! Panahon nang isulong ang rebolusyonaryong programa sa kalusugan!