ASF: Pandemya sa mga alagang baboy

May pandemya nang kumakalat sa mundo bago pa lumaganap ang Covid-19. Ito ang pandemya ng African Swine Fever (ASF), isang sakit na kumakapit at pumapatay sa inaalagaang mga baboy. Hindi ito nakahahawa sa tao pero malaki ang pinsalang idinudulot nito sa kabuhayan ng mga magsasaka. Wala pang nadidiskubreng gamot o bakuna laban sa ASF kaya kailangang patayin ang lahat ng baboy sa mga apektadong lugar para pigilan ang pagkalat ng sakit. Mayroon itong 100% fatality rate o walang nabubuhay sa mga nahahawaan.
Tulad ng Covid-19, nagsimula ang kasalukuyang pandemya ng ASF sa China noong 2018. Sa unang siyam na buwan ng 2019, 100 milyong baboy ang namatay at kinailangang patayin. Patuloy pa itong nananalasa hanggang ngayon. Ang China ang pinakamalaking importer, prodyuser at tagakonsumo ng karneng baboy sa buong mundo.
Unang lumitaw ang bayrus na nagdudulot ng ASF sa Kenya noong 1921. Nananatili itong endemic (o hindi lumabas) sa Africa hanggang 1957. Pinaniniwalaang nagmula ito sa kuto ng baboyramo. Noong 2007, tumalon ito sa Europe, at mula roon ay kumalat sa Asia.
Ang pagkalat ng ASF ay nagmula sa dambuhalang mga babuyan, manukan at rantso na matatagpuan sa mga kapitalistang bansa. Dito, malawakan at walang pakundangan ang paggamit ng mga gamot na tinatawag na antimicrobial. Ang mga ito ay gamot na pamatay sa mga virus, bakterya, mikrobyo at iba pang klase ng mga mikroorganismo. Kabilang sa mga gamot na ito ang mga antibayotiko at kemikal pangkalinisan tulad ng chlorine. Ibinibigay ito sa lahat ng mga hayop, mula pagkapanganak hanggang paglaki. Ihinahalo ito sa pagkain at tubig bilang pampabigat at pampalaki (growth promoter).
Ang regular at matagalang paggamit ng mga microbial sa walang sakit na mga hayop ay nagbubunga ng mga bakterya na may malakas na resistensya o di kaya’y di na tinatablan ng mga antibayotiko. Sa katagalan, hindi na tinatablan ng gamot ang mga baboy kapag dinapuan sila ng sakit. Lalo nitong itinataas ang bulnerabilidad ng naturang mga hayop sa mga bago at mas mabagsik na tipo ng impeksyon. Nagreresulta ito sa madalas at di nagagamot na mga impeksyon na mabilis na naikakalat sa iba pang pabrika ng hayop at kung zoonotic (o naisasalin sa tao), umaabot sa tao sa kalaunan.
Mula pa dekada 1940 ginagamit ang naturang mga gamot sa mga babuyan at manukan. Pero naging mas malawakan at walang pakundangan ang paggamit dito nang pinalaki ang mga babuyan at manukan tungong mga factory farm para tugunan ang papalaking internasyunal na demand para sa karne.
Ngayon ay laganap na ang labis na paggamit ng mga microbial laluna sa US at China. Sa China, halimbawa, tinatayang umabot sa 34 milyong kilo ang antimicrobial na ginamit sa mga hayupan noong 2012. Sa US, nasa 13.6 milyon ang ginamit nitong antimicrobial noong 2011. Pinakamarami rito ay mga antibayotiko na chlortetracycline at penicilin, mga gamot na ginagamit din sa tao.
Mas malala, ang mga antibayotiko na ito ay naipapasa sa tao sa pamamagitan ng kontaminasyon ng lupa, tubig at hangin. Ayon sa mga eksperto, 75% ng mga antibayotiko na ibinibigay sa mga hayop ay inilalabas din nila sa pamamagitan ng ihi at tae. Ang mga ito ay humahalo sa lupa, naaanod sa mga ilog at kalauna’y umaabot sa pinagkukunan ng tao ng tubig. Madalas ding gamitin ang tae (pareho ng baboy at manok) bilang organikong pataba ng lupa sa mga sakahan, at sa pamamagitan nito, sumusuot ang antibayotiko sa produktong pagkain.